Marcos gov't, mistulang tahimik sa pagdiriwang ng Ninoy Aquino Day
Ni Lance Arevada
Tila tahimik ang mga pangunahing social media account ng pamahalaang Marcos sa paggunita ng ika-39 anibersaryo ng kamatayan ni dating Sen. Benigno "Ninoy" Aquino Jr. ngayon Linggo, Agosto 21, na idineklara bilang isang national non-working holiday.
Photo Courtesy of Office of the President/Official Gazette of the Republic of the Philippines |
Kapansin-pansing wala pang inilalabas na pahayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. o maging si Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ngayong Ninoy Aquino Day. Makikita ring wala pa ring inilalabas na post ang karamihan sa mga page na nasa ehekutibong sangay tungkol dito.
Kung mayroon mang binati ang Office of the Press Secretary, iyon ay sina First Lady Liza Araneta-Marcos at dating PCOO Secretary Martin Andanar na parehong nagdiriwang ng kaarawan ngayon.
Tanging ang National Commission for Culture and the Arts lamang ang naglabas ng pahayag sa pagdiriwang ng kamatayan ni Ninoy ngayon, kung saan i-shinare pa ito ng National Historical Commission of the Philippines.
Matatandaang nakasanayan na ng pamahalaan na maglabas ng mga pahayag ng paggunita sa mga itinakda nitong holiday, kagaya ngayong Ninoy Aquino Day. Noong 2021, kinilala ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang legasiya ni Aquino Jr. sa kanyang mensahe.
Kinilala si Aquino Jr. bilang ang pinakamatinik sa kritiko ng dating pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos Sr., ama ng kasalukuyang pangulo.
Isa si Ninoy sa pinakaunang inaresto noong idineklara ang Batas Militar noong 1972 at kinilala ang kanyang pagpaslang noong Agosto 21, 1983 bilang mitsa ng pagpapabagsak sa rehimeng Marcos noong 1986.
Samantala, tila pinasaringan pa ng dalawang maritime police station ng Philippine National Police (PNP) ang dating senador na kabilang umano sa hanay ng mga komunistang grupo.
Saad ng martime police station ng Batangas at Quezon sa kanilang mga post, hindi umano bayani si Ninoy at sabay kabit ng kanyang pangalan sa New People's Army (NPA).