Mga mag-aaral na COVID positive sa F2F, 'excused' sa klase — DepEd
Ni Patricia Culob
Inihayag ng Department of Education (DepEd) noong Martes, Agosto 16, na ililiban mula sa kanilang mga klase ang lahat ng estudyanteng matatamaan ng COVID-19 sa sandaling magsimula ang face-to-face classes bilang tulong ng kagawaran sa mga maaapektuhang mag-aaral.
Photo Courtesy of Reuters/DepEd |
“Once na pumasok sila at may mga sintomas, they will be automatically excused from class and switch to either to modular learning or online learning, depende sa sitwasyon at depende sa kalagayan nila,” saad ni DepEd Spokesman Michael Poa.
Matatandaang nanawagan din si Poa sa mga magulang na huwag nang papasukin ang kanilang mga anak oras na magpakita sila ng sintomas ng COVID-19.
“Kaya nakikiusap tayo doon sa mga magulang dahil s’yempre it all starts at home, ‘pag napansin ng mga magulang na mayroong sintomas ang ating mga learners ay huwag na papasukin,” paliwanag ng spokesman.
Sa kabilang banda, nagbaba na rin ng utos ang DepEd sa mga paaralan na gumawa ng sarili nilang infection containment plan na isasagawa kung sakaling mahawaan ng COVID-19 ang isa sa kanilang mga estudyante.
Inaasahan ng kagawaran na babalik na sa face-to-face classes ang 90% ng pampublikong paaralan sa bansa ngayong paparating na Agosto 22, habang mananatili naman sa blended learning ang mga pampribadong paaralan.
Gayunpaman, idiniin ng DepEd na pagdating ng Nobyembre, balik face-to-face classes na dapat ang lahat ng paaralan limang beses sa isang linggo.
Nauna nang inanunsyo ni Poa na magbababa ng guidelines ang DepEd na naglalaman ng health and safety standards na ipapatupad sa mga paaralan upang lalong masiguro ang kaligtasan ng mga guro at estudyante sa pagsisimula ng face-to-face classes.
Sa kasalukuyan, pinagninilayan ng kagawaran ang pagpapatupad ng “class shifting” upang maiwasan and overcrowding sa mga silid-aralan.
Batay sa datos na naitala ng DepEd noong Agosto 16, pumalo na sa 21.2 milyong estudyante ang nag-enroll para sa darating na pasukan mula nang magsimula ang enrollment period noong Hulyo 25, kung saan 18.7 milyon ang enrolled sa mga pampublikong paaralan at higit 2.4 milyon naman sa mga pribadong paaralan.
Iwinasto ni Niko Rosales