Permanenteng pagpapatupad ng blended learning, sinisiyasat na ng DepEd
Ni Basti Vertudez
Upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral kasabay ng muling pagbubukas ng mga paaralan, pinag-aaralan na ng Department of Education (DepEd) ang permanenteng implementasyon ng ‘blended learning’ sa bansa bilang paraan ng pagkatuto sa papasok na taong pampanuruan.
Photo Courtesy of Dany Pata (GMA News)/Manila Bulletin/DepEd |
Sa isang pagdinig sa Senado hinggil sa sistema ng edukasyon na ipatutupad ngayong taon, binigyang-diin ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte nitong Agosto 19 ang pagsusuri na ginagawa ng kagawaran ukol sa naturang learning modality.
“Consequently, as part of the transition to in-person classes, blended learning shall still be implemented, and we are continuing to study the implementation of blended learning as a permanent mode of instruction for basic education,” saad ng bise presidente.
Sa konteksto ng DepEd, ang blended learning ay tumutukoy sa istilo ng pagkatuto na kung saan, ang mga estudyante ay mag-aaral sa pamamagitan ng tradisyunal na face-to-face classes, kasabay ng Online Distance Learning (ODL) o Modular Distance Learning (MDL).
Isasagawa ang sistemang ito upang matiyak ang kalusugan ng mga estudyante at maiwasan din ang hawaan sakaling makaranas ng sintomas at magpositibo sa COVID-19 ang isa sa mga kasama nila sa loob ng silid-aralan.
Ayon kay DepEd Undersecretary Revsee Escobedo, kung mangyari ang nabanggit na sitwasyon ay papayagan lamang na makabalik ang mga mag-aaral sa kanilang silid kapag ligtas na muli itong gamitin base sa pamantayan ng paaralan.
“Ibig sabihin, isasara pansamantala ‘yung eskwelahan o classroom na ‘yun hangga’t sa matiyak natin na safe na ulit silang bumalik ng paaralan,” paniniguro ni Escobedo sa parehong pagdinig.
Sa ngayon, 29,721 na mga paaralan na sa bansa ang nakatakdang tumalima sa blended learning modality na nagrerekomendang papasukin ang mga mag-aaral nang hindi bababa sa tatlong araw sa isang linggo.
Full face-to-face classes
Sa kabilang banda, ilang araw bago ang malawakang pagbubukas ng mga paaralan para sa in-person classes sa Agosto 22, ayon sa ulat ng DepEd ay 46% pa lamang ng kabuuang bilang ng mga paaralan sa bansa ang handa para sa pag-arangkada ng full in-person classes.
Bagamat tinatayang 24,175 pa lamang ito ng 54,900 na bilang ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa bansa, tiniyak ni Duterte na inaasahan pa ring matuloy ang sandaang porsyentong pagbabalik ng nakagawiang face-to-face na pag-aaral pagsapit ng Nobyembre 2.
“However, come November 2, the full implementation of five days of in-person classes is expected as well for all public and private schools,” paggarantiya ni Duterte sa publiko.
Gayundin, kumpiyansa ang bise presidente na handa na ang kagawaran sa pagbubukas ng Taong Panuruan 2022-2023 sa kabila ng mga bantang dala ng COVID-19.
Matatandaang sa nakalipas na dalawang taon ay naantala ng pandemya ang pagkakaroon ng face-to-face classes; dahilan upang sumibol ang iba’t ibang pamamaraan ng pag-aaral tulad na lamang ng online classes, printed modules, at television o radio-based learning.
Iwinasto ni Lorraine Angel Indaya