Ni Alexander Aranas

To the sun and moon…Blue Barking Aspins, mag-ingay!

Photo Courtesy of ISCP (Facebook)/Shan Canary Dimapilis/Keen Mayormita


Pangarap ng kahit sinong estudyante ang makapag-aral sa sikat na “unibersidad” na International State College of the Philippines (ISCP), isang satirical page na layuning gayahin ang mga Facebook pages ng mga unibersidad at kolehiyo. Mula araw hanggang buwan, handog ng ISCP sa mga iskolar ng kalawakan ang mga kwela nitong memes at mga kurso tulad ng “Bachelor of Arts in Psychology Major in Gaslighting” at "Bachelor of Science in Culinary Arts Major in Fire Bending.”

Maging ang ilang sikat na personalidad tulad ng TV host na si Kim Atienza ay na-biktima rin nang itinalaga siyang “Dean in College of Education” ng “institusyon.” Sa ngayong deleted post ni Atienza, inanunsyo niyang scam iyon at hindi siya konektado sa ISCP. Kalaunan, nakisabay na lamang siya sa biruan nang mapagtantong “satire” lamang ang naturang Facebook page.

Bagama't satire page lang, muling pinatunayan ng mga kabataang Pinoy ang kanilang angking-galing sa sining nang likhain ni Richard Christian Uaje ang opisyal na website ng ISCP. Tulad ng isang totoong unibersidad, makikita sa bit.ly/ISCPhilippinesMain ang ISCP hymn na “Sun and Moon” at mission & vision.

Itinatag nitong Hulyo 31, umabot na sa 850K+ followers ang ISCP. Ayon kay Niño Ged, tagapagtatag ng ISCP, hindi niya inasahang papatok ang “institusyon” sa netizens dahil bunga lamang ito ng kanyang malikot na imahinasyon at karanasan bilang incoming freshman college.

“The ISCP was originally born as an idea to satirize college life. It was intended to post mundane college experiences in a lighter, brighter way than it is. It has relevance in my life because I'm also an incoming college student,” ani Ged.

Ibinihagi rin ni Niño na layunin ng satire page na maging kritikal ang mga netizens sa mga nababasa nilang impormasyon sa social media. “I believe that satire should exist as it helps people, whether or not they believe a thing without ever researching it. I believe that in this information age, we should be aware of the information presented to us. This is the new 'art of war,' not fought by blood or swords, but by brains and information. I advise that everyone should sharpen their minds and become as logical as possible in assessing information.”

Sa hindi inaasahang paraan, naipamulat ng International State College of the Philippines sa mga Pilipino ang tunay na estado ng malawakang disimpormasyon sa social media. Tungo sa lipunang malaya sa kasinungalingan at puno ng pag-asa, patuloy na lalaban ang sambayanang ISCPanian dahil may pinaglalaban.