Eala dinismaya si Preston, QFs seat nasikwat
Ni Manuel Arthur Machete
Pinayukod ni Filipina teen sensation Alexandra Eala si eight-seeded Taylah Preston makaraang magkubra ng 2-0 bentahe, daan upang makakopo ng pwesto sa quarterfinals ng Girls’ Singles ng United States Open Juniors sa USTA Billie Jean King Center sa New York City, Setyembre 7.
Photo Courtesy of Philippine Star |
Nakabalikwas sa pahirapang second set ang 17-year-old jock matapos magsalpak ng 6-2, 7-6(1) kartada para hiyain ang ITF’s #14 at garantiyahin ang kaniyang unang playoff stint ngayong taon.
Naging matikas ang simula ng ikalawang set para kay Preston matapos umabante, 4-1, ngunit agad nakabwelo ang Pilipina na nahablot ang liderato sa iskor na 5-4.
Nagtabla sa 6-6 ang scoreboard sa ikalawang set matapos bigong maipasok ni Eala ang tangkang crosscourt forehand shot.
Bagama’t nasadlak sa tight second set, napasakamay pa rin ni Eala ang round-of-16 makaraang maisalba ang crosscourt backhand shot na bigong masalag ng tubong Australia.
“Well, it was the first time I played here and I think she’s very well composed and really want to win,” pahayag ni Eala sa isang postgame interview. “She fought well so that’s what made her a good opponent.”
Unang nakuha ni Eala ang liderato sa opening set selyado ng kambal na crosscourt smash at backhand net drop kontra kay Preston, 6-2.
Makakaharap ni Eala ang kaniyang ka-tandem sa Junior Girls’ Doubles event na si 14th-seeded Mirra Andreeva ng Russia sa quarterfinals ng nasabing kompetisyon.
Iniwasto ni Irene Mae Castillo