COLUMN | Ingat, mare
By Cate Margaret Paspos
Halos taon-taon na lang ang mga balita tungkol sa “puting van” na nangunguha di umano ng mga bata. Pero aaminin ko: hindi pa rin naaalis ang takot ko rito.
Cartoon By John Dave Poot |
Papasok na ako sa ika-11 baitang sa Sta. Mesa, Manila at kinakailangan na rin bumalik sa in-person set-up pagsapit ng Nobyembre 2, ayon sa DepEd Order No. 34, s. 2022. Alas sais ng gabi matatapos ang pinakahuli kong klase at kinakailangan ko pang bumiyahe mula Maynila hanggang Cavite. Traffic lang ang una kong pangamba, pero ngayon ay pagkawala ko na ang top 1 sa listahan.
Alam kong hindi lang ako. Sa muling pagbabalik ng face-to-face classes matapos ang dalawang taong distance learning, pinaghalong tuwa at takot ang nararamdaman ng kabataang Pilipino dahil sa sunod-sunod na insidente ng pandurukot sa ilang parte ng bansa.
Mga babae ang kadalasang nawawala kaya natatakot ako.
Naglipana ang mga Facebook posts noong Hulyo tungkol sa mga kaso ng nawawalang kababaihan sa Bulacan at na-feature pa ito sa Sunday primetime TV show, Kapuso Mo Jessica Soho noong Hulyo 11. Sunod-sunod na ring lumabas sa News Feed ng taong bayan ang iba pang pangalan at larawan ng mga dalagang nawawala.
Ilan sa mga dalagang nag-viral o nabanggit sa KMJS ay ligtas na nakauwi sa kanilang mga tahanan, subalit hindi lahat ay nakabalik pa. Huli na para sa iba; nakakaawa at kasuklam-suklam ang lagay ng mga bangkay nang ito ay madatnan ng pulisya.
Labing tadtad ng saksak, ginang na nagtamo ng laslas sa leeg at pulsuhan, pati na katawan na puno ng sugat ang nakita sa kabukiran o sa sapa. Ganyan ang mga salitang nabanggit sa bawat balitang nag-uulat sa sinapit ng mga kababaihang nawalan ng kawala.
Dahil sa nakakaalarmang mga balita, inihain ng Gabriela Partylist ang House Resolution 284 noong Agosto 17 para tawagin ang pansin ng House Committees on Women and Gender Equality at Public Order and Safety at imbestigahan ang tunay na ginagawa ng mga awtoridad upang puksain ang lumalalang krimen laban sa mga kababaihan.
Itinanggi naman ng Philippine National Police (PNP) ang bintang ng partido sapagkat mabilis naman daw ang kanilang pagkilos tungkol sa mga kaso ng kidnapping sa ating bayan. Ipinahayag din ang datos sa mga kaso ng nawawalang babae sa nakalipas na tatlong taon, ayon sa ahensya, pitong kaso ang naitala ng 2019, walo noong 2020, at sampu sa nakaraang taon— wala pang datos ngayong taon.
Pinaalalahanan ng PNP na huwag agad maniniwala sa mga post sa social media, pero sinong hindi matatakot? Totoo man o hindi, katakot-takot ang mga kwentong ito lalo na ngayon kinakailangan lumabas ng mga bata para pumasok. Dagdag pa sa aming kalbaryo ang kakulangan ng aksyon mula sa ahensya na naka-atas protektahan ang taong-bayan.
Pinaghandaan naman ng PNP ang balik-eskwela sa tulong ng 23,000 pulis na nagpapanatili sa kaligtasan kontra gulo at COVID-19 noong Agosto 22, unang araw ng pasukan. Ngunit, hanggang ngayon, wala pa ring akmang aksyon para maiwasan ang kaso ng pagkawala ng mga kababaihan. Lalabas ka ng eskwela na hindi inuubo, pero makakauwi ka pa bang buo?
“Anak, hatid-sundo na lang kaya kita?”
“Ma, wala tayong sasakyan. Doble-pamasahe lang.”
Kasi, kahit anong takot ko, kailangan kong bumyahe ng 27 kilometro para pumasok. Hindi ka magtatagal sa pampublikong sasakyan kung napupuno ka ng takot, halata ang galawang kabado. Marami man ang masamang nangyayari sa mundo, dapat manatiling alisto.
Nalagpasan mo ang puting van kidnapping noong 2019 at patuloy kang nalaban sa COVID-19, huwag mong hahayaan na mawala ka lang sa aming piling.
Gumamit ng Google Maps at i-share ang iyong location sa mga taong iyong pinagkakatiwalaan. Sulitin na rin ang mga ligtas function ng inyong gadget at i-enable ang Emergency SOS sa iOS o Android device. Maghanda ng homemade pepper spray o bumili ng self-defense tools. Ito na rin ligtas van tips.
Kaya sana, mag-ingat tayong lahat.