Ni: Crisdenmar Dela Cruz

Sinandigan ng Sarangani Marlins ang free throws ni Yvan Ludovice sa huling segundo ng laro upang itakas ang 79-78 panalo kontra Imus City Bandera, at patatagin ang tyansa sa twice to beat advantage pagkatapos ng eliminasyon sa MPBL Mumbaki Cup sa Ynares Sports Complex.

Photo Courtesy of MPBL

Unang naipasok ni Ludovice ang dalawang crucial free-throw 78-76, bago mag-split sa charity stripe, daan upang makamit ng Sarangani ang solo 4th spot sa standings (12-6).

Nagsilbing mitsa ng Sarangani si Mavs Phenomenal product Kyt Jimenez na nagpakawala ng dalawang sunod na tres sa pagsisimula ng huling quarter upang palawigin ang kalamangan, 71-64.

Dikdikan agad ang depensa sa pagsisimula ng laro, ngunit sa huli ay napasakamay ng Imus ang unang yugto, 13-12.

Nasungkit naman ng Sarangani ang bentahe sa pagtatapos ng first half, 28-27.

Nagawa pang manakot ng Bandera sa huling dalawang minuto ng laro matapos magpakawala ng 7-0 run upang itabla ang laro sa 76.

Nanguna sa panalo si Jimenez na nagtala ng 21 puntos, 6 rebounds, 3 assists at 1 steal habang si Ludovice ay may 15 puntos, 3 rebounds, at 4 assists.

Bumagsak sa 4-12 kartada ang Imus City, humugot ng 20 puntos si Rene Pacquiao, habang 13 naman para kay Leo Najorda.


Iniwasto ni Irene Mae Castillo