Ni Gwyneth Jemima Morales

Nagtala ang Pilipinas ng exchange rate na P59 kada dolyar noong katapusan ng Setyembre 2022, ang pinakamababang halaga ng Philippine peso sa kasaysayan. Ito ang tinatawag na peso depreciation o ang pagbaba ng halaga ng PHP kumpara sa ibang currency, tulad na lamang ng US Dollar. Alamin natin kung ano ang implikasyon nito sa ekonomiya ng bansa at sa buhay ng milyon-milyong ordinaryong mamamayan.


Peso depreciation

Ang pagbaba ng PHP ay nangangahulugang mas mahal na ang presyo ng mga imported na produkto. Nakabase ang pagdetermina ng halaga ng PHP sa floating exchange rate system na nagsusukat ng currency price ng Pilipinas base sa suplay at demand ng dolyar. Ang pagtaas ng demand ng dolyar ay nagreresulta sa paghina ng kapangyarihan ng peso.

Dahil USD ang ginagamit na currency sa global na merkado, kinakailangan ng bansa na maglabas ng mas maraming peso para lamang makabili ng imports. At sa kalaunan, mas mahal din ang benta ng mga imported sa mga mamimili.

Ang pinakaangkop na halimbawa ay ang langis. Naramdaman ng mga komyuter ang pagtaas ng singil ng mga drayber at tsuper, na dulot ng biglaang pagmahal ng gasolina.

Sino ang nakikinabang dito?

Overseas Filipino Workers. Mas malaki ang naipapadala nilang pera sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas dahil sa mataas na palitan ng peso at dolyar.

Mga exporter. Mas tataas ang competitive position ng kanilang mga produkto at serbisyo sa global na merkado dahil mas mura itong mabibili ng mga dayuhan.

Sino ang apektado rito?

Maaaring magkaroon ng benepisyo ang pamahalaan sa inflation dahil sa exports nito, ngunit sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Hunyo 2022, halos doble ang dami ng imports ng bansa kumpara sa exports nito—na nagdudulot ng USD 5.84 bilyong trade deficit. Ibig sabihin, mas malaki ang kakailanganing dolyar ng bansa upang makabili ng imported products.

Bukod pa rito, tinatayang lalala pa ang peso depreciation dahil sa alitan ng Russia at Ukraine. Ang mga sanction sa page-export ng Russia pati na rin ang pagbagal ng page-export ng Ukraine ay nag-ambag sa lumolobong global inflation rate. Isa ang Russia sa pinakamalalaking importer ng krudo sa mundo. Ang pagmahal ng langis na nagmumula sa kanila ay magdudulot ng pagtaas ng magagasta sa produksyon at transportasyon ng mga produkto't serbisyo na magdudulot ng pagmahal ng presyo sa halos lahat ng bilihin. Samantala, ang Ukraine naman ay suplayer din ng mga agrikulturang produkto at petrolyo. 

Marami pang nakaaapekto ng pagtaas ng inflation sa buong mundo tulad ng paghihigpit ng Federal Reserve sa kanilang monetary policy.

Magreresulta ang malaking trade deficit ng bansa sa mas mahinang peso at mas mataas na inflation rate na pagdurusahan ng mga ordinaryong mamamayang Pilipino at konsumer ng mga produktong imported.

Anong mayroon kapag mahina ang peso kontra dolyar?

May dalang good at bad news ang paghina ng peso. Gaya ng nabanggit kanina, makikinabang ang OFWs at exporters dito habang maaapektuhan ang masa at ang mga konsumer.

Posibleng mas tumaas ang presyo ng mga bilihin, lalo na’t halos nakadepende ang bansa sa imports. Dahil sa pagbaba ng halaga ng peso, posibleng magsialisan ang foreign investors sa bansa. Tataas din ang inflation rate ng bansa. 

Anong mayroon kapag mataas ang inflation?

Ang inflation rate ay nangangahulugang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Dahil sa pagtaas nito, lumiliit ang kapangyarihan ng mga mamimili na bumili ng maraming produkto. Halimbawa, ang P1,000 mo dati na kayang bumili ng halos 6 cinema tickets ay kaya na lamang bumili ng 4 sa kasalukuyan. 

Base sa Bantay Presyo report ng Department of Agriculture (DA) Agribusiness and Marketing Assistance Service - Surveillance, Monitoring and Enforcement Group, ang isang buong manok na nagkakahalagang P150 noong Setyembre 6, 2021 ay pumalo na sa P180 isang taon makalipas. 

Tinataya ni Ekonomista at Albay Rep. Joey Salceda na posible pang bumaba ang halaga ng peso sa P65 hanggang P68 kontra US dolyar. Kung susumahin, ang pinakaapektado sa humihinang piso at mataas na inflation ay ang mismong mga mamamayang Pilipino.

Ano ang maaaring gawin?

Naghain si Cielito Habito, isang propesor sa ekonomiks at dating socioeconomic planning secretary, ng mga posibleng solusyon tungkol sa peso depreciation.

Una, marapat umano kumuha ang gobyerno ng suplay ng petrolyo sa mga pinagkukuhanan ng bansa mula noon pa, tulad ng Middle East. Sa ngayon kasi, nakadepende tayo sa Tsina at Russia. Dagdag pa rito, hinikayat niya rin ang pagpapanatili ng “top-level diplomacy” upang makasigurong makakukuha ng suplay ang bansa sa mga pangunahing pangangailangan nito tulad ng pagkain. Tulungan din daw ang domestic producers, lalong lalo na ang mga magsasaka, para hindi na tayo masyadong umasa sa imports.

Samakatuwid, ang mga mamamayan ay hinimok din ni Habito na magtipid, mag-invest upang labanan ang inflation, at suportahan ang mga lokal na produkto.

Nakadepende sa pamamalakad ng gobyerno ang pagresolba ng peso depreciation. Kung matalino nitong maipapatupad ang monetary at fiscal policy ng bansa, tiyak na mas giginhawa ang buhay ng mga Pilipino.