‘Hinayop’ ang mga ferson: Mula sa sikat na public figure patungong animal species
Jhennisis Valdez
Bawat taon ay libu-libong panibagong species ng halaman at hayop ang natutuklasan sa iba’t ibang panig ng mundo, kaya naman nahihirapan na ang mga siyentista na mag-isip ng ipapangalan sa mga ito. Dahil dito, ilan sa mga natuklasang species ay ipinangalan sa ilang sikat na personalidad sa mundo.
Photo courtesy of Unsplash |
Ang pagpapangalan ng isang species sa isang celebrity ay malaking tulong upang magkaroon ng atensyon ang ibang tao pagdating sa taxonomy o pag-aaral sa iba’t ibang uri ng hayop at halaman.
Forda clout ang mga ferson?
Ayon sa dating direktor ng International Institute for Species Exploration in Arizona na si Quentin Wheeler, ang pagbibigay ng pangalan sa isang species kasunod ng isang celebrity upang magkaroon ng atensyon sa publiko ay isang shameless self-promotion. “When you are a taxonomist and are mentioned in Rolling Stone… you know you have arrived," saad nito.Samantala, wala namang problema sa pagpapangalan ng species gamit ang pangalan ng isang artista, basta lamang sumunod ito sa guidelines na ginawa ng International Code of Zoological Nomenclature.
Ayon dito, mayroon silang pattern sa pagbuo ng pangalan ng isang species ng hayop. Una, nararapat lamang na nagtatapos sa letrang ‘i’ kung hango ang pangalan nito sa isang lalaki. Pangalawa, magtatapos naman dapat sa ‘ae’ kung ipinangalan ito sa isang babae. Pangatlo, sa ‘orum’ naman dapat magtapos kung ipinangalan ito sa dalawa o higit pang tao.
International ‘species’
Narito ang ilan sa mga species na ipinangalan sa mga international celebrities.
1. Tobey Maguire at Andrew Garfield.
Nakilala sila dahil sa pagganap nila bilang Spiderman. Dahil dito, nang makadiskubre ang dalawang siyentista sa Iran na sina Yuri M. Marusik at Alireza Zamani, napagpasyahan nilang ipangalan ang kanilang nadiskubre sa dalawang aktor. Pinangalanan nila itong Filistata Maguirei at Pritha Garfieldi.
Natagpuan ang dalawang tuklas na species sa Geno Biosphere Reserve, Southern Iran at Alborz Mountains, Northern Iran. Ayon kina Marusik at Zomani, ang dalawang species na kanilang natuklasan ay mula sa pamilya ng Filistatide o mas kilala sa tawag na crevice weavers.
Kilala ang mga species na ito bilang mga gagamba na nag-aayos ng mga bahay sapagkat tinatapalan nila ang mga butas ng bahay, wall cracks, at mga inaanay na kahoy, gamit ang kanilang sapot. Samantala, tinatayang venomous o nakalalason ang gagambang ito ngunit wala namang epekto ang venom nito sa tao.
2. Jackie Chan
Isa sa mga 12 na butiki na natagpuan ng Bombay Natural History Society sa Western Ghats Mountains, India ang ipinangalan kay Jackie Chan. Tinawag nila itong Cnemaspis Jackieii.
Ayon kay Saunak Pal, isa sa mga miyembro ng grupong nakatuklas nito, ipinangalan nila ito sa sikat na action star sapagkat kagaya ni Jackie Chan, hindi ito madaling mahuli dahil sa taglay nitong bilis.
Bukod pa rito, kabilang ang species na ito sa genus ng Cnemaspis o mas kilala sa tawag bilang mga “day geckos"; bilugan ang kanilang mga mata at mas aktibo sila tuwing umaga.
3. Beyoncé
Dahil sa kasikatan ng “all-time pop star diva” na si Beyoncé, ipinangalan sa kaniya ang isang langaw na natuklasan sa Australia. Pinangalanan ito ng Australia’s Commonwealth Scientific and Industrial Research Organization na Scaptia (Plinthina) beyonceae.
Ipinangalan ang horse fly na ito kay Beyoncé. Ayon kay Bryan Lessard, isa sa mga miyembro ng grupong nakatuklas na habang iniisip nila kung anong ipapangalan sa species na ito, sumagi sa isip ng isa nilang researcher ang 2001 hit song ng Destiny's Child na ‘Bootylicious’, na kung saan dating miyembro ng banda si Beyoncé.
Dagdag pa rito, ang naturang species ay mayroong ‘golden booty’ na siyang naging basehan nila kung bakit nila ito ipinangalan kay Beyoncé sapagkat nagmistulang ‘big gold butt’ ang pop star noong 2007 American Music Awards, dahil sa suot niyang kulay gold na dress.
Bukod pa rito, unang natuklasan ang species na ito noong 1981, taon kung kailan din ipinanganak si Beyoncé. Ngunit, noong 2011 lamang ito pinangalanan at isinapubliko ang mga katangian nito.
4. Taylor Swift
Nagkaroon ng malawakang pagdiskubre ang isang grupo ng mga siyentista mula sa Virginia Tech, Blacksburg Virginia, na kung saan pinangunahan ito ni Dr. Derek Henen. Tinatayang nasa 17 species ng millipede ang nadiskubre sa malawakang proyekto, ang isa rito ay ipinangalan sa american singer and songwriter na si Taylor Swift at tinawag nila itong Nannaria swiftae.
"I'm a big fan of her music, so I wanted to show my appreciation by naming this new species from Tennessee after her. A high honor!" sambit ni Dr. Henen sa kanyang tweet tungkol sa species na ipinangalan nila kay Taylor Swift.
Maliban pa rito, ang Nannari swiftae ay ang nag-iisang species na natagpuan nila sa Tennessee, na kung saan dito nagsimula ang career ng international star bilang isang country singer.
5. Barack Obama at Michelle Obama
Ipinangalan ang isang uri ng African cichlid fish na natagpuan sa Congo River sa mag-asawang Obama. Tinawag nila itong Teleogramma obamaorum.
Hinango ito sa kanilang pangalan upang mabigyan ng karangalan ang mag-asawa dahil sa suportang ibinigay nito sa proyektong agham sa Africa noong 2015.
ANGAT Pinoy
Samantala, nitong nakaraan lamang ay dalawang species ng salagubang ang namataan sa Ifugao ng isang mag-aaral ng Ateneo de Manila University (ADMU) na si Enrico Gerard Sanchez, at ng kanyang mga thesis adviser na sina Dr. Emmanuel Delocado at Dr. Hendrik Freitag.Pinangalanan ni Sanchez ang isang species na Anacaena angatbuhay na kung saan nagsilbing tribute ito sa programa ng ika-14 na bise presidente ng Pilipinas na si Atty. Leni Robredo, ang Angat Buhay Foundation.
Ang Angat Buhay Foundation ay isang non-government organization na pinangungunahan ni Atty. Robredo, na kung saan layunin nitong mabawasan ang poverty case sa Pilipinas. Ang nasabing programa ay maraming natulungan lalo na nang magsimula ang pandemya.
Sa kabilang banda, ang isa pang species ay pinangalanan niya namang Anacaena auxilium, ito naman ay para sa kanyang paaralan noong high school, ang Mary Help of Christian High School Seminary sa Binmaley, Pangasinan.
"The two species were named after two close things to my heart," pagpapaliwanag ni Sanchez sa kanyang Facebook post. "I was constantly inspired by Atty. Leni Robredo's work as our 14th VP, especially with the mission of Angat Buhay reaching the peripheries."
Dagdag pa rito, ang pag-aaral sa nasabing species ay naganap sa kasagsagan ng pandemya, kaya naman improvised laboratory set-up ang ginawa ni Sanchez upang maisagawa lamang ang pag-aaral nito. Isa pa, tanging sa Zoom meeting lamang sila nakapag-usap ng kaniyang mga thesis adviser upang magbigay ng update tungkol dito. Gayunpaman, nang lumuwag na ang pandemya, nagkaroon na sila ng on-site study upang mas mapabilis ang proseso ng pagdiskubre sa mga nasabing species.