EDITORIAL | #EDSA37: Walang tuldok sa laban
Kartun ni Alex Macatuno |
Nagulo ang plano ng lahat sa biglaang pagpalit ng non-working holiday ng Malacañang noong huwebes sa komemorasyon ng ika-37 anibersaryo ng EDSA Revolution. Ngunit, huwag nating kalimutan ang tunay na diwa ng Pebrero 22-25 sa demokrasya at kalayaan ng Pilipino laban sa abusadong rehimen.
Narinig ng daigdig ang tumataginting na dismaya ng mga Pilipino sa bingging pamahalaang hinihingian ng hustisya. Sa lakas ng hiyaw, naging inspirasyon sa ibang nasyon ang pakikibaka ng tinatayang isa hanggang tatlong milyong katao noong 1986. Subalit habang ginugunita ang anibersaryo ng makapangyarihang rebolusyon, hindi pa rin naririnig ang suliranin ng bayan.
Patuloy na nabubuhay ang laban na ipinanalo ngunit hindi naisakatuparan ng People Power Revolution noong dekada ‘80. Napabagsak man ang 20-taon diktadurya ng dating pangulong Ferdinand Marcos Sr., hindi naman lumaganap ang mga karapatang tinayuan, sinigaw, at ipinaglaban sa Epifanio de los Santos Avenue. Iba na ang mga partidong namuno sa Pilipinas, subalit hindi natapos ang abuso at opresyon sa minoridad dahil kailanman ay hindi lamang laban ng tao at pangulo ang EDSA, ito ang laban ng tao sa mapangahas, hindi makatarungan, at hindi makabayang administrasyon.
Sa loob ng halos apat na dekada matapos ang unang People Power Revolution, nagmarka rin ang pagtindig ng taong bayan noong 2001 o EDSA Dos na nag-udyok sa pagbaba ng ika-13 pangulo ng Pilipinas, Joseph “Erap” Estrada. Ito ang isa sa patunay na hindi pa nasusulat ang tuldok sa laban ng tao at sa muling pagmulat ng bayan sa mapang-aping pamahalaan, hindi malabong magkaroon ng pangatlong EDSA.
Mula sa surbey ng Social Weather Station noong Disyembre 10-14, 2022, 62% sa 1,200 Pilipinong respondente ang naniniwala na buhay ang laban ng EDSA People Power Revolution. Inaalala at patuloy na nagsasama-sama ang mga tao upang maninindigan sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas. Kahapon, Pebrero 24, isinagawa ang mob sa Cebu na tinalakay ang pagtaas ng minimum wage at kawalang kakayahan ng administrasyong Marcos-Duterte.
Karamihan o 47% sa respondente ng SWS surbey ang naniniwalang ilan lamang sa pangarap ng EDSA ang naisakatuparan at 28% ang naniniwalang halos walang itong napagtagumpayan.
Walang duda na hindi pa ito ang panahon para mananahimik dahil sa tuloy-tuloy na kahirapan ng karamihan. Titindig ang taong bayan para sa kapwa manggagawa, kabataan, at sa buong 113.9 milyong Pilipino hangga’t walang tuldok sa laban.