EDITORIAL | Biyaheng may mapag-iiwanan
Pebrero 2—nawalan ng kulay, humina ang bass, at tila ba nanlumo ang mga hari ng daan sa biglaang anunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Memorandum Circular No.2023-013, ang pagbabalik ng hilaw na planong Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program. Binigyan ang individual operators ng mga tradisyonal dyip at UV express hanggang Hunyo 30, na kalaunan ay ipinagpaliban hanggang Disyembre 31, upang magpatuloy sa kanilang mga ruta bago ang phaseout ng kanilang mga sasakyan pang pasada; may palugit hanggang sa huling araw ng taon naman ang mga operator na bahagi ng kooperatiba o korporasyon.
Kartun ni Alex Macatuno |
Sa laban ng ating mga tsuper sa ilang taong pagpupumilit ng LTFRB sa modernisasyon ng public utility vehicles, isasagawa ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang isang linggong tigil-pasada simula sa Marso 6.
Mukhang nagambala naman ang Malacañang sa hinaing ng ating mga drayber, dahil bagaman aminado rin ang pangulo na hindi maganda ang implementasyon ng programa, pinakiusapan ni Pangulong Bongbong Marcos na huwag ituloy ang jeepney strike ngayong linggo dahil lubos na mahihirapan ang mga komyuter. Sa 8.5% hanggang 9.3% inflation rate ng Pilipinas noong Pebrero 2023, isasabay pa ng LTFRB ang PUV Modernization Program na uubos sa hanapbuhay ng ating mga Pilipino.
Kinakailangan isurender ang indibidwal na prangkisa para sa Fleet Management System o isang software system na sumusubaybay sa lokasyon, kalagayan ng sasakyan, at iba pang mahahalagang impormasyon para sa mas madaling pamamasada. Subalit, obligado magkaroon ng 15 minibuses kada ruta ang mga operator para isagawa ito. Ayon sa PISTON, kakayanin lamang ito ng malalaking korporasyon sapagkat labindalawang beses mas mataas ang presyo ng imported minibus kumpara sa lokal na dyip.
Simula noong Marso ng 2022, maingay na muli ang mga kalye, mahaba na ang pila sa terminal, at tayuan na ang mga tren dahil sa pagbubukas muli ng mga establisyemento at paaralan matapos ang dalawang taong lockdown. Isa ring frontrunner ang Pilipinas sa may magulong public transportation sa mundo mula sa pag-aaral ng Urban Mobility Readiness Index (UMRI) 2022.
Ngayong sinusubukan bumangon ng taong bayan matapos ang pandemya, kasabay ng paghirit ng mga presyo sa tindahan, saan mo aasahan pupulutin ng mga tsuper ang P2.4-P2.6 milyong piso para sa isang modern minibus kung hindi ka bahagi ng kooperatiba o korporasyon?
Maaaring umutang ang mga operator sa Landbank sa SPEED PUV Loan Program ngunit kinakailangan maging bahagi ng kooperatiba o korporasyon ang operator upang maging eligible borrower. Kasalungat din ng mga pekeng balita kumakalat tungkol sa ayuda ng gobyerno sa mga drayber, wala pa ring klarong plano ng tulong pinansyal ang LTFRB o Department of Transportation (DOTr).
Lahat naman ay gusto ng ligtas, maayos, at dekalidad na pampublikong transportasyon. Ang panawagan lamang ay gawing inklusibo ang implementasyon at pakinggan muna ang PISTON sa kanilang paghingi ng transition program para sa rehabilitasyon at pagsasaayos ng tradisyonal na dyip gamit ang makinang mas kaunting carbon emissions.
Malinaw na iiwanan ng huwad na modernisasyon ang libo-libong drayber na umaasa sa kakaunting kita sa pamamasada. Kasama nito ang milyong mga komyuter katulad ng mga estudyante at manggagawang sumasakay rito sa araw-araw. Hindi kayang bilihin ng normal na Juan ang bagong dyip at ang bigat sa bulsa ng magiging pamasahe nito.
Walang masama sa pag-unlad, ngunit sa modernisasyon na naka-ayon sa malalaking korporasyon, malinaw na hindi pa ngayon ang tamang oras para rito lalo na at patuloy ang paglala ng krisis pang transportasyon.
Sa mga jeepney na umaarangkada sa ating kalsada, hindi lamang kultura at kasaysayan ang kailangan nating pahalagahan, kasama rin dapat dito ang mga bahay na binubuhay ng bawat “manong, bayad.” Walang patutunguhan kundi kawalan ng kita, sakayan, at kinabukasan ang jeepney phaseout. Aanhin ang magagandang minibus kung nanghihina sa gutom ang nagmamaneho?
Matagal na silang hindi nakikinig. Ngayon kaya, kaya?