Transportasyon sa Metro Manila, 'paralisado' sa malawakang tigil-pasada: PISTON
Lance Arevada
Karamihan sa mga pangunahing ruta sa Metro Manila at mga karatig pang probinsya ang nakaranas ng kawalan ng mga pampublikong jeepney bunsod ng pag-arangkada ng unang araw ng isang linggong malawakang tigil-pasada nitong Lunes, Marso 6, bilang protesta sa jeepney modernization program ng gobyerno.
Photo Courtesy by PISTON |
Ayon sa grupong PISTON, na lumahok sa transport strike, tinatayang nasa 80% ng mga pangunahing ruta sa Metro Manila, gaya ng sa Quezon CIty, Manila, at Pasay, at maging hanggang sa mga lungsod ng Calamba at Antipolo ang apektado ng kanilang malawakang pagkilos.
Taliwas naman ito sa pahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nasa 10% lamang sa mga ruta ang naapektuhan ng tigil-pasada at aabot umano sa 5% lang ng kabuuang ruta sa buong bansa ang tinamaan ng naturang pagkilos.
"“As of 11 a.m., in Metro Manila, we have only at least 10 percent po ang affected na areas or routes. But again, we have rescue buses and libreng sakay, na-address po. Wala po kaming nakitang nag-build up until now na passengers," giit ni LTFRB Technical Division chief Joel Bolano.
Nagpadala ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga local government unit (LGU) ng kanilang mga sasakyan upang umagapay sa mga pasaherong apektado ng tigil-pasada, habang inanunsyo rin na suspendido ang onsite na pasok sa mga iba’t ibang lungsod at unibersidad.
Samantala, sinabi ng PISTON na tagumpay ang unang araw ng kanilang pagkilos kasama ang No to PUV Phaseout Coalition, Manibela, at iba pang grupo, sabay panawagan sa kanilang mga kapwa tsuper na ituloy ang protesta at sa publiko na suportahan ang kanilang aksyon.
"Sa ganitong pambihirang sitwasyon, higit na kinakailangan ang bayanihan para sa pagpapatuloy ng welga at pagpapalakas pa ng ating laban! Hindi lamang ito laban ng mga operator at tsuper, laban ito ng buong bayan!" saad ng grupo.
Magpapatuloy ang tigil-pasada bukas at sa mga susunod pang araw hangga't hindi raw ibinabasura ng LTFRB ang patakaran nito sa jeepney phaseout na bahagi ng isinusulong na jeepney modernization program ng gobyerno.
"Tuloy ang welga! Tuloy ang tigil pasada hangga't hindi binabasura ang patakaran sa PUV phaseout na nagtatanggal ng mga prangkisa ng mga operator para ibigay sa malalaking negosyo," dagdag pa ng PISTON.
Nag-ugat ang naturang pagkilos sa inanunsyong deadline ng LTFRB para sa mga tradisyonal na jeepney na sumama o bumuo ng kanilang kooperatiba hanggang Hunyo 30 o tuluyang hindi na papayagang bumiyahe ang mga tsuper.
Matapos inanunsyo ang tigil-pasada nitong nakaraang linggo, pinalawig ng ahensya ang deadline hanggang sa Disyembre 31, ngunit hindi nito napigilan ang mga grupo na ituloy ang pagarangkada ng kanilang welga.