Jewilyn Sta Maria


Sumapit na naman araw kung saan ang mga manggagawa ang bida ngunit sa likod ng pagdiriwang ay ang masalimuot na kinakaharap pa rin ng mga manggagawa sa ilalim ng End of Contract (ENDO).

Kartun ni Maurice Gimena

Sa panahon ngayon, hindi na bago sa pandinig ng mga Pilipino ang usaping "ENDO" laging laman ng usapin dahil sa mga paghihirap na dala nito. Sa bawat kontraktwal na nagtatrabaho, bawat araw ay isang paglalakbay na hinahabol ng petsa de peligro patungo sa kawalan ng trabaho.

Sa kasalukuyan, maraming kompanya ang gumagamit ng ENDO upang maiwasan ang pagbibigay ng benepisyo at proteksyon sa mga manggagawa. Sa pamamagitan ng pagpakokontrata sa kanila sa loob ng anim na buwan o mas maikli pa, ang mga kompanya ay nakakaiwas sa mga obligasyon na dapat sana ay kanilang tuparin.

Sa kasalukuyan, maraming kompanya ang gumagamit ng ENDO upang maiwasan ang pagbibigay ng benepisyo at proteksyon sa mga manggagawa. Sa pamamagitan ng pagpakokontrata sa kanila sa loob ng anim na buwan o mas maikli pa, ang mga kompanya ay nakakaiwas sa mga obligasyon na dapat sana ay kanilang tuparin.

Ang mga hindi kasama sa regular na hanay ng kumpanya ay patuloy na nawawalan ng karapatan sa mga benepisyo na ibinibigay sa mga regular na manggagawa, tulad ng SSS, Philhealth, at Pag-IBIG. Kadalasan, ang mga kontraktwal ay binabayaran lamang sa oras ng kanilang pagtatrabaho, at hindi nakatatanggap ng mga bonus o allowances gaya na lamang ng 13th month pay na inaasahang sagot sa Noche Buena.

Ang ganitong uri ng kalakaran ay labag sa Labor Code ng Pilipinas at sa karapatang pantao ng mga manggagawa. Ang mga manggagawa ay may karapatang magkaroon ng permanenteng trabaho at magkaroon ng sapat na proteksyon at benepisyo mula sa kanilang mga employer.

Isang instrumento rin ang ENDO na hindi lamang nagdudulot ng kahirapan sa mga manggagawa, kundi nagdudulot rin ito ng kabiguan sa buong ekonomiya. Dahil sa pagkakaroon ng maraming kontraktwal, ang antas ng trabaho sa bansa ay hindi nakapapataas, at nagdudulot ng pagbaba sa antas ng produksiyon. Hindi rin ito makatutulong sa pagpapalago ng mga negosyo, dahil hindi naman mapananatili ng mga kumpanya ang kanilang mga kawani upang magpatuloy sa pagpapakalat ng kanilang produkto o serbisyo.

Kaya naman, napakahalaga na itigil na ang ENDO. Dapat magkaroon ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas na nagbibigay ng proteksyon sa mga manggagawa. Dapat ring masiguro na ang mga employer ay nagbibigay sila ng sapat na benepisyo at proteksyon sa kanilang mga manggagawa, kahit pa sila ay mga kontraktwal.

Sa ganitong paraan, hindi lamang masisiguro ang maayos na pagtrato sa mga manggagawa, kundi pati na rin ang maayos na pagpapatakbo ng ating ekonomiya. Ang pagkakaroon ng permanenteng trabaho at sapat na benepisyo ay magbibigay ng seguridad sa mga manggagawang Pilipino.

Isang araw na nakalaan para sa mga manggagawang tumatagaktak ang pawis habang kumayod at nagpapakapagod upang may mailagay sa kumakalam na sikmura at sagutin ang tawag ng ekonomiyang patuloy na nilalamon ng implasyon habang patuloy na pinapasan ang delubyong dala bilang isang manggagawang kontraktwal. 

Hindi sapat ang selebrasyon tuwing Mayo Uno kung patuloy pa rin ang pamamalakad ng ENDO. Nararapat na mabigyan ng halaga ang kontribusyon ng ating mga manggagawa sa ating lipunan. Nararapat lamang na magkaisa upang ipaglaban ang kanilang karapatan at maging boses ng mga manggagawang kontraktwal na paos kakahikaos.