Alien Planet Tinaguriang Pinakamakinang sa Kalawakan
Mariah Joshua D. Castro
"Oh ano? Saan? Sino? Bakit? Sa pa'nong paraan?" gaya ng kanta sa sikat na sitcom ng bansa na Pepito Manaloto, maraming namumuong tanong sa ating ulo patungkol sa usaping astronomiya. Kaya tara! Sabay-sabay nating tuklasin ang bagong planeta.
Photo Courtesy of Ricardo Ramírez Reyes/Universidad de Chile |
Ang planetang LTT9779b ay mas malaki nang bahagya sa Neptune o katumbas ng limang Earth, at matatagpuan 262 light years mula sa ating mundo na mayroong sukat na 9.2 trillion kilometro ang layo. Dagdag pa rito, ito ay umiikot kada 19 oras sa bituin o humigit kumulang isang araw sa atin.
Nagtataglay rin ito ng temperaturang umaabot ng 1,800° celsius, na tinatayang mas mainit kaysa molten lava na nanggagaling sa bulkan. Umaapoy man sa init ang LTT9779b, nagawa pa rin nitong makabuo ng mga ulap na pumapalibot sa kaniya na yari sa metal na Titanium at Silicate na matatagpuan sa karamihan ng bato gaya ng quartz.
Saad ng astronomer na si James Jenkins ng Diego Portales University at ng Center for Excellence in Astrophysics and Associated Technologies (CATA) sa Chile, mistulang isang malaking salamin ang LTT9779b. Tinagurian itong pinakamakinang na bagay na mayroon ngayon sa kalawakan dahil sa kakayahan nitong mag-reflect ng 80% ng ilaw na napupunta sa kaniya, kumpara sa Earth na 30% lamang, ayon sa obserbasyon ng European Space Agency’s Cheops.
Kaugnay nito, binansagan din siyang “alien planet” sapagkat hindi raw ito dapat namamalagi sa ating solar system dahil sa kakaibang katangiang taglay nito ayon kay Vivien Parmentier ng Côte d'Azur Observatory sa France. Gaya na lamang ng hindi pagsabog kahit pa umiikot malapit sa mainit na bituin na kahalintulad ng araw natin. Ang mga planeta na ganito raw kalaki at kainit ay hindi kayang makabuo sa kanilang atmospera ng mga ulap at mistulang madilim na kapaligirang parang uling, taliwas sa nabanggit na paglalarawan ng LTT9779b.
"Mirror mirror on the wall who's the fairest of them all?" pero sa pagkakataong ito ang salamin ay wala sa dingding dahil nasa kalawakan natin. Isa lamang ito sa sandamakmak na planetang mayroon sa uniberso. Marami pang tutuklasin at pag-aaralan ang mga eksperto. Kaya kaibigan, panatilihing bukas ang kamalayan para sa bagong kaalaman at kaganapan sa kapaligiran.