Vince Andrey Cabudoc
 
Nakaaakit sa mata. Sistema ng pagsulat na kakaiba. Sumasalamin sa kultura. 

Ilan lamang ito sa mga dahilan kung bakit pumatok at patuloy na pumapatok sa mga Pinoy ang paggamit sa ancient Filipino writing system na kung tawagin ay Baybayin. Ngunit sa kabila ng hatid nitong panibagong timpla sa pagbabaybay ng mga salita, nananatiling mahirap ang pag-intindi at pagbasa sa Baybayin nang walang tulong ng mga letter-symbol translations, dahilan kung bakit patuloy na nababawasan ang mga interesadong matutuhan ito.

Photo Courtesy of Philippine Tatler/Lyn Rillon

Dahil dito, lumikha ang ilang mathematicians mula sa College of Science-Institute of Mathematic ng Unibersidad ng Pilipinas - Diliman ng isang teknolohiyang magsasalin sa mga talatang sinulat gamit ang Baybayin patungong Filipino o iba pang lenggwaheng mas maiintindihan ng masa.

Sa pagtutulungan ng masters student na si Rodney Pino at mga associate professors na sina Dr. Renier Mendoza at Dr. Rachelle Sambayan, nabuo ang isang paragraph-level optical character recognition (OCR) system na may kakayahang i-translate ang mga karakter ng Baybayin papunta sa mga Latin characters o ang nakasanayan nating alpabeto. 

Sa kanilang pag-aaral na pinamagatang “Block-level Optical Character Recognition System for Automatic Transliterations of Baybayin Texts Using Support Vector Machine”, ipinaliwanag ang mahalagang papel na ginampanan ng Math sa proyektong ito. 

Ayon kay Pino, gamit ang algorithm na kanilang binuo, makakukuha sila ng binary data mula sa mga litrato ng mga talatang nakasulat gamit ang Baybayin. Matapos nito, dadaan ang mga data sa support vector machine (SVM) character classifier upang malaman kung ang mga karakter ba ay naka-Baybayin o Latin. 

Mula rito, kanilang gagamitin ang dataset ng Baybayin na mayroon sila upang awtomatikong ma-translate ang Baybayin patungong letra ng Latin at sa Filipino.

“We have a dataset for Baybayin characters—let’s say character A and then character BA. SVM uses techniques or mathematical methods that can separate the two datasets to determine characters BA and A,” pagpapalalim ni Pino.

Sa pamamagitan ng imbensyong ito, umaasa sina Dr. Sambayan na mas madami pang Pilipino ang magkakaroon ng interes hindi lamang sa pag-aaral ng Baybayin, ngunit pati na rin sa pagprotekta rito laban sa tuluyang pagkalimot.

“This can be forgotten,” ika ni Dr. Sambayan. “We’re hoping that through this OCR system, we could preserve and pass on the knowledge of understanding Baybayin to the future Filipino generations,” pahabol niya.

Sa kabilang banda, ipinaliwanag ni Dr. Mendoza na maraming bagay pa rin ang kailangan nilang ayusin sa software ng OCR system upang mas mapadali ang paggamit dito. 

“We’re trying to refine the software we developed to make it easier for future users to navigate it,” ani niya.

Kasalukuyang tinatrabaho ng nasabing mathematicians na gawing two-way translator ang kanilang OCR System. Kalaunan, nais din nila na makagawa ng mobile application para sa mas mabilis na proseso ng translation.