John Emmanuell P. Ramirez

Todo-suporta si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa rebisyon ng K-10 curriculum na siyang magbibigay prayoridad sa basic literacy skills at “pagkamakabayan” ng mga bata, habang pinasadahan lamang ang updates dito sa kanyang 2023 State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 24.

Photo Courtesy of DepEd/ Erik de Castro/Reuters

Bagama’t inamin niya noong Enero sa Basic Education Report na pumalpak ang gobyerno sa edukasyon, umaasa pa rin ang Pangulo na makakabangon ang sektor sa tulong ng MATATAG agenda ng Department of Education (DepEd) na rekalibrasyon ng kurikulum at pagpapataas ng resiliciency ng mga mag-aaral at paaralan.

“We are recalibrating the K-10 curriculum to ensure that it is always relevant, responsive, and at par with international standards,” pahayag ni Marcos patungkol sa bagong kurikulum na inaasahang maiimplementa sa darating na taong 2024-2025.

Ang naturang rebisyon ng kurikulum ay kasalukuyang nirerebyu pa lamang ng DepEd. Dahil naglalayon itong palawakin ang numeracy at literacy skills ng mga bata, inaasahang ito na ang sagot sa learning crisis ng bansa na namanipesta sa 90.9% learning poverty na naitala ng World Bank noong 2022.

Bukod sa pagpapaluwag ng learning competencies ng bawat baitang, sisiguruhin ding sapat na ang skills ng mga mag-aaral sa Baitang 10 upang maging mandatory na lamang ang senior high school para sa mga magkokolehiyo.

Sa kabila ng kanyang mga pangako at datos, walang binigay ang Pangulo na update sa mga ispesipikong rebisyon nito, kung paano ma-re-reintegrate ang mga mag-aaral sa transisyon patungo sa bagong kurikulum, at sa mga magiging pagbabago sa senior high school curriculum kung magiging opsyonal na lamang ito.

Ayon kay Marcos, hindi lamang literacy skills ang pokus nito, kundi pati ang pagkamakabayan ng mga bata.

“The virtue of good citizenship and a sense of community are also now integrated into our curriculum. We continue to exhaust all efforts to keep young people away from sinister influences in the dark concerns of society,” giit ng Pangulo.

Sa tulong din daw ng MATATAG agenda, inaasahan ng Pangulo na magiging mas “resilient” ngayon ang mga mag-aaral, at patuloy na nagdadagdag sila ng mga pampubilikong paaralan at mga pasilidad ng mga ito. 

Sa nagdaang Basic Education Report 2023, matatandaang nangako si Bise Presidente at DepEd Secretary Sara Duterte na magpapatayo sila ng mahigit 6000 classrooms ngayong taon.

Diniin naman ngayon ni Marcos sa kanyang SONA na gagawing “disaster-proof” ang mga dati at bagong silid-aralan.

“The shortage of classrooms and facilities is being addressed aside from new construction schools and facilities are being retrofitted to become ready for the future ready for hybrid and high tech learning and also climate ready and disaster proof,” aniya.

Bukod pa rito, “learning recovery” mula sa pandemya ang binida ng Pangulo, at itinalang 28.4 milyong estudyante ang nabigyan daw ng “kalidad na edukasyon” ngayong taon, nang muling ibalik ang face-to-face na mga klase sa buong bansa. 

“We are augmenting our school force,” dagdag pa niya patungkol naman sa pagdadagdag ng mga bagong guro at mga administrative personnel.


Iwinasto ni Phylline Calubayan