Pinay booters, kinapos sa unang salang sa Women’s World Cup
Vincent Kierk Tugnao
Bigong tibagin ng Philippine Women’s Football Team ang nagbabalik na Switzerland, 0-2, sa kanilang unang sabak sa FIFA Women’s World Cup nitong Biyernes sa Dunedin, New Zealand (PhST).
Photo Courtesy of Sanka Vidanagama / AFP |
Kahit baguhan, nakitaan ng sigasig sa depensa ang Filipinas sa pangunguna ng Pinay keeper Olivia McDaniel na nagtala ng 6 saves sa walong on-target shots na binitawan ng katunggali.
Biglang napukaw ang diwa ng Filipinas nang makalusot ang atake ni Katrina Gillou sa unang 15 minuto. Subalit agad na binawi ang puntos nang gawaran ang mga Pinay ng paglabag sa offside rule.
Bago matapos ang first half, nakahirit ng goal ang Switzerland mula kay Ramona Bachmann sa pamamagitan ng penalty kick.
Lalo pang nabaon ang Filipinas nang magpakawala ng right-footed strike si Seraina Piubel sa 64-minute mark, sa kabila ng mala-pader na pagsalag ni McDaniel.
Sa huling tikatik ng laro, sinubukang umiskor ni Filipinas defender Sofia Harrison mula sa free kick ni Angie Beard ngunit hindi ito nagtagumpay.
Gayunman, buo pa rin ang tiwala ni coach Alen Stajcic na may ibubuga ang pambansang koponan. “Over time, I’m sure we’ll get better, [become] more experienced, and develop our skill level to be able to beat teams like Switzerland,” saad niya.
Sunod na makakalaban ng Filipinas ang co-host country na New Zealand sa darating na Martes.
Edited by Diana Mae Salonoy