Mulat sa Sulat ng Nakaraan: Iba’t ibang sistema ng pagsulat sa bansa
Rinoa Kate dela Cruz
Wika ang isa sa mga pangunahing bakas ng kasaysayan at kultura ng mga Pilipino. Sa tulong ng mga ito, nakakapagtalastasan ang mga mamamayan nang walang kahirap-hirap sa anumang porma ng komunikasyon — gaya ng pagsulat. Ngunit, lingid sa kaalaman ng nakararami, hindi lamang sa Baybayin nakukulong ang sistema ng pagsulat ng mga sinaunang Pilipino. Kaya bilang paggunita ng Buwan ng Wika ngayong Agosto, halina’t mamulat sa iba pang paraan ng pagsulat na siya ring katibayan ng ating kasaysayan.
Guhit ni Iram Montano |
Surat Mangyan: Hanunó'o-Mangyan at Buhid-Mangyan
Ating simulan ang talakayan na ito sa Oriental Mindoro kung saan may dalawang sistema ng pagsulat na matatagpuan na siyang tinatawag na Surat Mangyan.Ang Surat Mangyan ay nagmula sa tribong tinatawag na “Hanunó'o Mangyan,” kung saan naglalaman ito ng 18 na pangunahing pantig o syllables, tatlong patinig na a, i, at u, at 15 na katinig na siyang sinusundan ng patinig na ‘a’. Gumagamit din sila ng kudlit na inilalagay sa itaas ng mga letra o simbolo upang baguhin ang patinig.
Lalo itong ipinanday ng isang anthropologist na si Antoon Postma ang sistemang ito nang ipakilala nya ang pamudpod, upang maalis ang isang patinig na kumukonekta sa bawat katinig na nasa dulo. Kumbaga, nagsisilbi itong palatandaan na kumpleto na ang isang salita at siya namang sinusulat mula sa ibabang bahagi pataas o kaya nama’y mula sa kaliwa pakanan.
Pagdating naman sa Buhid-Mangyan, ang guhit naman ng kanilang mga simbolo ay makikita sa itaas o ibaba habang ito ay isinusulat mula sa kaliwa, pakanan — gaya ng ating nakasanayang pormat ngayon.
Karaniwang inuukit ang Surat Mangyan sa isang bamboo sa tulong ng isang maliit na kutsilyo at kadalsang nakikita sa mga lagayan ng tabako, sa mga instrumento, at iba pang kagamitang pambahay na siyang ginagamit upang ilathala ang mga tradisyonal na tula gaya ng ambahan at urukay.
Kulitan
Lumipat naman tayo sa Northern Luzon — sa Pampanga na siyang gumagamit ng Kulitan bilang panulat sa kanilang lengguwaheng tinatawag na Kapampangan. Kung titingnan, medyo komplikado ang istruktura ng Kulitan sapagkat ang simbolo ng kanilang mga letra ay naaayon sa magkasamang katinig at patinig.Wala pang nakapagtala ng tiyak na pinagmulan ng Kulitan, ngunit sinasabing ito ay nadiskubre noon pang ika-16 na siglo bilang disenyo sa mga banga sa Luzonayon sa libro ni Tauchi Yonesaburo sa kanyang libro na ‘Investigations of Pottery.’
Pagkaraan ng ika-17 at ika-18 na siglo, napansin ng mga lexicographer mula sa Espanya ang sulating ito at tinawag nila itong “culit” na kalauna’y naging Kulitan.
Ang Kulitan ay binabasa at sinusulat mula sa itaas pababa o kaya nama’y mula sa kanan, papuntang kaliwa.
Tagbanwa
Guhit ni Iram Montano |
At siyempre, bilang panghuli: Alam niyo ba na ang Baybayin ay may kaprehas ding sistema ng pagsulat mula sa Palawan?
Mayroong iba’t ibang lengguwahe’t diyalekto ang mga tao sa Palawan gaya na lamang ng mga taga-Central Tagbanwa at Calamian Tagbanwa na talaga namang malaki ang pagkakaiba pagdating sa kanilang gawi, tradisyon, at pananalita. Ngunit sa kabila ng mga pagkakaibang ito, nananatiling konektado ang magkaibang komunidad sa nasabing lugar dahil sa kanilang alpabeto.
Ang Tagbanwa, gaya rin ng Baybayin, ay nanggaling sa sulating mula sa Kawi ng Java na siya namang bumase sa sistema ng Timog ng India gaya ng Bali at Sumatra. Masasabing isa ang Tagbanwa sa nakawiwiling sistema ng pagsulat sa buong bansa dahil gaya ng Hanuno’o Mangyan, ito ay isinusulat mula sa ibaba o kaya nama’y sa kanan.
Ngunit salungat sa inaasahan ng nakararami, baliktad ang paraan ng pagbasa para rito. Ang Tagbanwa ay binabasa mula kaliwa papuntang kanan kung ito ay isinulat nang pahalang. Marahil ay isa ang Tagbanwa sa pinakakakaibang sulatin sa bansa kung saan ang paraan ng pagsulat at pagbasa ay magkaiba.
Sa loob ng mahigit 7,400 na mga isla, tunay ngang wika ang sumisimbolo sa pagkakakilanlan ng mga Pilipino at ang nagpapayaman sa masaganang kasaysayan ng ating bansang Pilipinas. Sa bawat simbolo’t letra ng iba’t ibang sistemang panulat na nakaukit ay siya ring pagguhit ng mga kuwentong bayan.