WIKAsaysayan: Kasaysayan ng Wikang Pambansa
Juliana S. Frias
Tunay na nagbabago ang wika kasabay ng paglipas ng panahon. Dahil sa ilang daang taong pananakop ng mga banyaga sa ating bansa, unti-unting nagkaroon ng iba't ibang bersyon ng wika ang Pilipinas — nariyan ang Tagalog mula sa Luzon, Chavacano na ginagamit sa Zamboanga, gayundin ang Ilocano mula sa Ilocos. Ngunit sa kabila ng pagkakakilanlan ng Wikang Filipino, marami pa rin ang nagtatanong ng pinagmulan at kwento sa likod nito.
Kaya bilang selebrasyon ng “Buwan ng Wika't Kasaysayan,” tara! Ating balikan ang kwento at saysay sa likod ng ating Wikang Pambansa.
Ang Wikang Tagalog at Surian ng Wikang Pambansa (SWP)
Simulan natin ang kuwentong ito noong Oktubre 27, 1936, nang isinumite ng Kapulungang Pambansa o National Assembly ang Commonwealth Act 184 upang magtatag ng Surian ng Wikang Pambansa (SWP). Ito ay ibinuo para makagawa sila ng pag-aaral sa iba’t ibang wika at diyalekto sa bansa at makabuo ng pangkalahatang wika at bilang resulta ng mga pag-aaral na pinangunahan ni Jaime C. de Veyra, “Tagalog” ang pinakagamiting wika sa pagsulat at pagpapahayag.
Pagkatapos nito ay iprinoklama ni dating pangulong Manuel L. Quezon ang Executive No. 134 ang pagpili sa wikang “Tagalog” bilang basehan sa paglikha ng isang Wikang Pambansa kasabay ng paggunita ng araw ng kamatayan ni Dr. Jose Rizal noong Disyembre 30, 1937.
Pagdating naman ng 1946, nagsimula nang bigyan ng katawagan ang napiling wika bilang “Wikang Pambansang” at binansagan itong Filipino.
Ang pagpapatupad ng “Linggo ng Wika” at ang kapalit ng SWP
Samantala, noong Setyembre 1955 naman inanunsyo ni Pangulong Ramon Magsaysay ang paglipat ng “Linggo ng Wika” mula sa dating Marso 29 hanggang Abril 4, tungo sa Agosto 13 hanggang Agosto 19, na siyang kaarawan ni dating pangulong Quezon sa pamamagitan ng Proclamation 186.
Sa pamumuno naman ni dating Pangulong Corazon Aquino, ang dating Surian ng Wikang Pambansa ay napalitan ng ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) noong Enero 1987 upang mas mapaigting pa ang pagpapaunlad ng Wikang Pambansa at iba pang mga katutubong wika ayon sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 117.
Ang Wikang Filipino at ang Buwan ng Wikang Pambansa
Grabe, ang daming naging proseso ‘no?
Sa kabila nito, mas lalong nabigyan ng kahalagahan ang layuning makapagpanday ng isang wikang makapagrerepresenta sa mga Pilipino noong Pebrero 2, 1987 nang isinaad sa Bagong Konstitusyon ng Pilipinas ang Artikulo XIV, Seksyon 6-7 noong Pebrero 2, 1987 na “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino, samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at payamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang wika.”
Kasabay rin nito ang pagkabuo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong Agosto 14, 1991 upang mapalaganap ang paggamit ng Wikang Pambansa sa lahat ng aspeto ng komunikasyon, ayon sa Artikulo XIV, Seksyon 9 ng 1987 Konstitusyon.
Pinalawak naman ni dating pangulong Fidel V. Ramos sa isang buwan ang paggunita sa Wikang Pambansa. Inilabas ang Proclamation 1041, s. 1997 na naglalaman ng pahayag na ang taunang pagdiriwang ay gaganapin na sa loob ng Agosto na siya ring naglalayon ng pag-alala sa kapanganakan ng “Ama ng Wikang Pambansa” na si Manuel L. Quezon.
Taun-taon ay nakasanayan na ng mga Pilipino na ilaan ang buwan na ito upang maipakita ang kahalagahan ng Wikang Pambansa. Mayroong Iba't ibang programa na inilulunsad sa mga paaralan, pamahalaan, gayundin sa ibang mga organisasyon. Nariyan ang mga poster making contest, paggawa ng mga jingle o kanta, paggawa ng slogan, pati na rin ang Sabayang Pagbigkas!
Naranasan mo na bang sumali sa mga ito? Ang saya diba? Sa tulong ng mga programa’t palarong ito, mas naipapakita ang pagpapahalaga’t pag-alala sa mga pangyayaring nagtala ng isa sa mga pinakamahalagang identidad ng mga Pilipino — ang wikang Filipino.
At iyan ang saysay sa gitna ng kasaysayan ng Wikang Pambansa. Kaya ngayong Buwan ng Wikang Pambansa, ating simulan ang paglinang ng Wikang Filipino gaya ng mga organisasyon at indibidwal na tumulong upang maitatag ito. Atin ding iwagayway ang Filipino bilang isang representasyon ng pagkakaisa sa pagkakaiba ng mga lengguwahe’t diyalekto at isang tulay na mag-uugnay sa ating mga Pilipino.