#NeverForget | Nang maputulan ng pakpak ang balita
Kenjie-Aya Q. Oyong
Ang pamamahayag na yata ang isa sa pinakadelikadong trabaho sa Pilipinas. Isang trabaho kung saan buhay ang mistulang nagiging kapalit sa paghahanap ng katotohanan.
Kartun ni Maurice Gimena |
Mula nang magsimula ang administrasyong Marcos Jr., apat na mamamahayag na ang pinatay. Habang ang iba, kung hindi nakararanas ng karahasan ay itinuturing namang terorista at ni-re-redtag. Nakababahala lalo na’t ang kasalukuyang pangulong si Ferdinand Marcos Jr. ay mayroong amang kilala dahil sa pagpapatupad ng Batas Militar na tahasang nagpasara ng mga midya at nagpatahimik ng mga mamamahayag.
Mahigit 50 taon na ang nakalipas, nagdeklara ng Martial Law ang dating presidenteng si Ferdinand Marcos Sr. Wala pang isang araw ang nakalipas, ipinasara ni Marcos Sr. ang lahat ng mga palimbagan sa bansa. Pinagbawalang magsahimpapawid ang iba’t ibang network tulad ng ABS-CBN, ABC 5, at iba pa. Tinatayang nasa 400 na mga mamamahayag mula sa iba’t ibang pahayagan ang ikinulong sa rehas sa unang mga oras ng batas militar.
Pinagmukhang masama ng administrasyon ang mga mamamahayag. Tinanggalan ni Marcos Sr. ang mga midya ng kredibilidad, kasunod nito ay ipinakalat na sinungaling ang mga ito, at gumagawa lamang ng mga kuwentong makasisira ng puri sa gobyerno. Sa pagpapatahimik ng mga midya, nagkaroon ang administrasyon ng kakayahang diktahan kung ano ang totoo at hindi. Putol na ang pakpak ng mga mamamahayag at sinamantala ito ni Marcos Sr. upang palakasin pa ang kaniyang kapangyarihan.
Hindi pa nakuntento sa pagpapatahimik ng lahat ng pahayagan sa bansa. Lumikha ang administrasyong Marcos ng mga crony press na siyang nagpakalat ng propaganda sa bansa upang malinlang ang taumbayan. Baluktot na ang "katotohanang" ipinakita nila sa mga mamamayan ng Pilipinas. Napanatili ni Marcos Sr. ang kaniyang kapangyarihan dahil sa kasinungalingan, propaganda, at panlilinlang na hatid ng mga midyang kontrolado ng dating presidente.
Dapat lamang mabigyang-diing mayroong kakayahan ang pamamahayag na palutangin ang totoo sa karagatan ng mga kasinungalingan. Kayang pabagsakin ng pamamahayag ang sinumang nakatungtong sa pedestal ng kabulaanan. Kaya nitong wasakin ang hagdan ng mga panlilinlang. Ito marahil ang dahilan kung bakit agarang pinunterya ni Marcos Sr. ang mga pahayagan at mga mamamahayag nang magdeklara siya ng Batas Militar.
Dahil sa kakayahang taglay ng pamamahayag, hindi sumuko ang mga alagad ng katotohanan sa misyon nilang ipaalam sa mga mamamayan ng Pilipinas kung anong tunay at gisingin sila mula sa propagandang lumason sa kanilang isipan. Lumikha ang mga mamamahayag ng tinatawag nilang underground press kung saan gumawa sila ng mga diyaryong tumuligsa sa administrasyong Marcos sa mga tagong lugar.
Dito nag-umpisa ang pakikipaglaban ng mga mamamahayag laban sa kabulaanan at propaganda. Hindi naging hadlang ang limitasyong nakapataw sa kanila upang ipakalat ang impormasyong kailangan ng lahat. Mayroong mga mapangahas na nagawang tuligsain si Marcos Sr. at subukang tanggalin ang maling paniniwalang nakatanim sa isipan ng mga Pilipino. Gayunpaman, sa kanilang misyon, buhay ang naging kapalit.
Pinahirapan ng mga militar ang karamihan sa mga nahuli nilang mga mamamahayag, samantalang ang iba, kinikitil ang buhay. Isa sa mga pinaslang ay si Alex Orcullo. Hinarang siya ng mga nakaunipormeng lalaki sa isang checkpoint at pinagbabaril nang 13 beses sa likuran sa harap ng kaniyang pamilya, sa mismong araw pa ng kaniyang ika-38 kaarawan noong 1984. Gayundin si Jacobo Amatong na binaril habang naglalakad sa isang eskinita sa parehong taon. Ang mga pagpatay na ito, gatungan pa ng pagpaslang kay Ninoy Aquino noong nakaraang taon, ang siyang nagpasiklab ng kilusan laban kay Marcos Sr. sa Mindanao.
Halos 14 na taon mula nang magdeklara ng batas militar si Marcos Sr., unti-unting namunga ang matagal na pakikipaglaban ng lahat, kasama ang mga mamamahayag, upang mapahinto ang rehimeng Marcos.
Isang panawagan mula sa Arkobispo ng Maynila na si Jamie Sin na inere ng catholic-church radio station na Radyo Veritas ang nagpasimula sa People’s Power Revolution noong 1986. Bagaman nagsara ito nang lusubin ng mga militar noong ika-23 at ika-24 ng Pebrero sa parehong taon, ipinagpatuloy ng pansamantalng “Radyo Bandido” ang pagsasahimpapawid ng mga nangyari sa rebolusyon. Kalaunan, inanunsyo ng istasyon ang pag-alis ng Marcos sa Malacanang, tanda ng wakas ng diktadurya at ng 21 taong pamamahala.
Matapos ang kaganapang ito, nanumbalik ang kalayaan ng pamamahayag. Ginunita ng bansa ang mga magigiting na mga bayani sa panahon ng martial law, kabilang na ang mga mamamahayag na nakaranas ng karahasan habang isinisiwalat ang katotohanan.
Kahit na matagal nang nagwakas ang panahon ng diktadurya, hindi pa natatapos ang laban. Laganap pa rin ngayon ang disimpormasyon tungkol sa administrasyong Marcos na siyang patuloy na tinutuligsa ng mga mamamahayag. Bukod dito, patuloy pa ring nakararanas ng karahasan ang mga mamamahayag sa kasalukuyang panahon. Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines, mahigit 180 mamamahayag na ang napapatay mula 1986, at hindi malayong dadami pa ito sa hinaharap.
Patuloy pa rin ang pakikipagdigma ng pamamahayag hindi lamang para sa katotohanan, ngunit para na rin mismo sa karapatan, kalayaan, at kaligtasan ng mga alagad nito. Maaaring nanumbalik na ang pakpak ng mga mamamahayag, ngunit isang hamon pa rin sa kanila ang magkaroon ng layang lumipad.