Kambyong Kalawang: Di umaarangkadang problema sa transportasyon
Geelyn Avanceña
Ika nga nila, "Commuting is unpaid work."
Sa bawat oras na ginugugol ng Pilipino sa tuwing sila ay bumabiyahe; trapiko, kakulangan sa pampublikong transportasyon, at mahal na pasahe ang ilan sa mga patuloy na iniinda ng mga estudyante't manggagawang papunta sa kanilang destinasyon.
Photo Courtesy of Ana Santos/Al Jazeera/Lisa Marie David |
Base sa data bank na inilabas ng Move As One Coalition, umabot na sa 2.2 trilyong piso ang nagastos sa pagtatayo't pagaayos ng mga kalsada na tantya nila ay aabot pa sa 2.8 trilyong piso pagpatak ng 2030. Dagdag pa rito ang mga sirang ilaw ng trapiko sa mga interseksyon sa kalsada, at minsa'y kakulangan sa presensya ng mga traffic enforcers, kung kaya't matagal na naiipon ang bawat sasakyan sa gitna ng walang katapusang daan.
Larawan mula kay Shanel Bayate |
Ayon sa mga pag-aaral na ginawa ng Statista noong taong 2022, 29% sa mga rumesponde ang sumagot na 15 hanggang 29 minuto ang kanilang tinatagal sa pagko-commute araw-araw, habang anim na porsyento naman ang nagbahagi na mahigit 120 minuto ang kanilang tinatagal sa byahe. Ngunit kadalasan, hindi lamang ito ang mga rason kung bakit mabagal ang daloy ng kanilang biyahe dahil may ilang nakabibiglang pangyayaring maaaring magpahaba ng oras na kanilang gugugulin.
Isa si Ron Sagmit, contractual worker sa isang government-owned and controlled corporation (GOCC), sa mga gumagamit ng pampublikong transportasyon sa pang-araw-araw dahil para sa kanya, mas accessible ito para sa kanyang sitwasyon at naniniwala siyang mahalaga ito para sa transportasyon ng bansa, dahil para sa kanya ay isa itong paraan upang makabawas sa mabigat na daloy ng trapiko sa bawat kalsada. At gaya ng marami, siya rin ay nakaranas ng mga mabibigat na suliraning hindi niya inaasahang mangyari habang nasa byahe.
Dahil siya rin ay araw-araw na nakikipagsapalaran sa haba ng pila sa Monumento na minsa'y umabot na ng isang kanto ang layo, minsan niya na ring naging kasabay sa byahe ang ulan. Hindi lang iyon, kundi naranasan din niyang maging biktima ng holdap sa Monumento noong taong 2022, kung saan libre pa ang EDSA Carousel.
Larawan mula kay Ron Raeniel Sagmit |
Nakuha ang kanyang cellphone noong mga oras na iyon, at naging mapalad siya dahil hindi naisama ang kanyang pitaka. Subalit, nagkaroon siya ng mga pasa dahil dito na siyang nagdala ng malaking trauma para sa kanya noong una.
"Hindi kasi ako aware na may ganun," aniya sa kanyang pahayag, "Pero, nung nalaman ko na mali ako, kailangan ko na rin mag-ingat para sa kaligtasan ko." Ayon pa sa kanya, wala namang may gusto sa pagiging biktima ng holdap o pagnanakaw.
Bukod sa mga nabanggit, malaking problema sa transportasyon ng mga Pilipino ang pagtaas ng presyo ng pamasahe. Ayon kay Shanel Bayate, isang estudyante mula sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), mabigat ang presyo ng UV Express sa kaniyang bulsa, dahil 60 pesos ang halaga ng kanyang pamasahe kumpara sa jeep na nasa 20 pesos lang.
Isa pang halimbawa ang pagtataas presyo ng Manila Light Rail Transit System (LRT), na ayon sa Department of Transportation (DOTr), epektibo na noong ika-2 ng Agosto 2023. Inimplementa ito sa parehong linya ng LRT1 at LRT2, na siyang naging dahilan ng pagtalon ng dating 15 pesos na ticket fee na ngayo'y aabot na sa 35 pesos.
"Ako nga na 300 pesos ang baon ay mahihirapan diyan, what more pa 'yung mga estudyante na LRT ang mode of transportation na mas mababa ang baon kesa sa akin? Bukod kasi sa dagdag pasakit para sa mga estudyante na commuter, dagdag pasakit din 'yan para sa mga magulang na kumakayod at nagsusustento sa mga anak nila." ani Bayate.
Base rin sa mga nakalap na panayam mula kina Bayate at Sagmit, mayroon silang mga similar na kaganapan habang sila ay nagkocommute. Subalit, may mga kaunti ring pagkakaiba sa kanilang napagdaanan ayon sa kung gaano kaepektibo ang pampublikong transportasyon ng Pilipinas sa panahon ngayon.
“Effective naman [kung] mura at maasahan at kumportable. Pangalawa, hindi na kailangan gumamit ng kotse dahil pampatrapik lang sa kalsada at mahal ang maintenance,” ani Sagmit. Inaanyayahan niya rin ang publiko na gamitin araw-araw ang mga pampublikong transportasyon. Dagdag pa nito, “Yung pagsakay ng Jeep, Bus, LRT, MRT, PNR at UV Express, napakalaking halaga ito, lalo na yung mga mini bus at provincial bus.”
Ayon naman kay Bayate, madalas ang mga pampribadong sasakyan lamang ang nakikinabang sa mga implementasyon ng gobyerno kung kaya't minsan nagiging epektibo ang paggamit ng transportasyon sa ating bansa.
Mula pa sa kanilang mga pahayag, nais nila na mabigyang pansin ng gobyerno ang sari-saring suliranin na kanilang nararanasan habang sila ay bumabyahe. Sila rin ay humihiling na sana'y pagtuunan din nila ng atensyon ang kung ano ba talaga ang kailangan ng mga motorista, at mas maging accessible pa ang pampublikong transportasyon lalo na sa mga ospital, eskwelahan, at iba pang lugar na nangangailangan nito.
Pumara, lumakad, at sumakay; Ito ang paulit-ulit na gawain ng mga normal na komyuter ng Pilipinas na siyang nasasayangan ng oras dahil sa pagbiyahe para sa kanilang pagpunta sa kailangang paroroonan. Sa kabila ng pera at pagod na kanilang nauubos, kulang pa rin ito dulot ng mabagal na pag-usad ng pangtransportasyong trapiko.
Kung kaya’t may mga komyuter na tulad nina Bayate at Sagmit na patuloy pa rin ang pagkapit sa nagmamahal at humihirap na paraan ng pagbiyahe ng bansa. Nag-aabang, nagtitiis, at nagbabaka-sakaling mawala na ang matigas na kambyong bakal ng transportasyon na ilang taon nang iniinda ng mga ordinaryong Pilipino.