Paano ka babangon? Nescafé Edition
Precious Mary Kyla Edquilane
Para kanino ka bumabangon?
'Yan ang mainit na katagang yumayakap sa malamig nating umaga habang nanonood sa telebisyon at humihigop ng kape mula sa isa sa mga pinakatanyag na tatak sa Pilipinas: ang Nescafé. Sa loob ng ilang dekada, bidang-bida sa sambayanang Pilipino ang linyang ito ng 85-taong gulang na kape dala ng motibasyong bitbit ng bawat salita sa maghapong pakikipagsapalaran.
Photo Courtesy of Pixabay/Farknot Architect/Adobe Stock |
Ngunit sa ibang mga araw, amining mahirap tukuyin ang rason ng ating pagbangon. Siyang tunay na ang buhay ay parang isang coffee mixer—napakabilis ng ikot, sa puntong hindi mo namamalayan kung ilang butil pa ang kailangang lutuin o kung tama na ba ang pormula ng kapeng pinagpuyatan mong isipin.
Marahil, sadyang may mga tanong na kailangan munang sagutin ng isang tanong bago maatim. Kaya ngayon, habang pinagninilayan kung para kanino ka bumabangon, hayaan mong ito'y tanungin muna sa'yo—
Paano ka babangon?
Mala-Nescafe Brown
Gaya ng balanse ng tamis ng karamelo't pait ng kape—nais ng isang mala Nescafé Brown na balanse't naaayon sa inaasahan ang takbo ng kanyang araw. Matutukoy mong tipo mo ang kapeng ito kung hilig mong planuhin ang iyong mga ganap mula sa pagdilat ng iyong mga mata sa umaga hanggang sa paghiga mo sa gabi—mula sa natitipuhan mong OOTD hanggang sa enerhiyang trip mong ilabas sa mga taong iyong makakasalamuha sa buong araw. Sa madaling salita, ang pagbangong mala Nescafé Brown ay 'yung tipong chill lang sa buhay panlabas—pero sa likod ng kalmadong ngiti at postura, doble-doble ang pakikibaka para makausad.Mala-Nescafé Creamy White
Sa gamundo ng kape, kakaiba ang pagiging puti! Sabi nila'y kadalasang tinitikman ang gan'tong klaseng kape ng mga taong mataas ang kuryosidad at mahilig sumubok ng mga bagong bagay. Kaya naman, ang mala Nescafé Creamy White na pagbangon ay siyang natatangi para sa mga taong nag-aasam ng isang araw na puno ng abentura. Abenturang tumutungo sa iba't ibang lugar. Abenturang tumutuklas sa iba't ibang talento at kakayahan. Abentura kung saan maipagsisigawan mong ika'y talagang nakapag-live-fully-in-the-moment sa iyong pag-uwi.Mala-Nescafé Latte
Kung taglay mo ang malambot na puso't mapagkalingang personalidad—halika't baka mala Nescafé Latte na pagbangon ang iyong kinabibilangan. Kilala ang latte sa kanyang magatas na pagkakahabi na dinagdagan ng arnibal na lalong nagbibigay-aliw sa timpla. Kaya tulad ng sayang malalasap sa kanlurang kape, sumisimbolo ang mala Nescafé Latte na pagbangon sa mga taong pangunahing gol sa maghapon ang maging rason ng matamis na ngiti ng iba—ang makapagmalasakit at makapagpamalas ng kabutihan sa kapwa—ang maging manipestasyon na gaano man karami ang problemang kinakaharap ng mundo, may mga taong nariyan para yakapin ang mga nahahapong puso.Mala-Nescafé Original
At syempre, hinding-hindi mawawala ang orihinal—ang kape ng mga Pilipino! Gaya ng tapang ng kapeng ito, ang mga mala Nescafé Original ay bumabangon nang may malakas na kalooban at 'di natitinag na awra. Sa bawat ekspedisyon at pangarap, isinasailalim nila ang kanilang sarili sa walang maliw na pagsusumikap. At tulad ng purong tasa ng kapeng ito—prangka't nakatuon sa reyalidad ang tipo ng pagbangong mala Nescafé Original. Ngunit sa kabila ng kanilang matapang na persona, hindi nila nalilimutang maglaan ng kanilang oras para sa mga simpleng kasiyahan sa buhay. Marahil, ito ang mas malalim na dahilan kung bakit ito ang pinakapaborito ng mga Pinoy sa apat na nabanggit—dahil katuwang ang kapeng ito sa nagpapagising sa'tin sa bawat umagang may nag-aabang na mabibigat na tungkulin.Ngayon, mas nagiging klaro na kung bakit pag-ibig sa maraming tao ang paghigop ng mainit na kape sa liwayway at dapithapon. Ang kape ay hindi lamang salik para bumangon—tayo mismo ay kape ng kanya-kanya nating mga buhay. Tulad nating mga tao, may iba't ibang anyo at sari-sariling personalidad ang kape. At tulad ng kape, kailangan nating timplahin ang bawat butil ng ating pagkatao upang makamit ang sigasig na ating kakailanganin sa maghapong paglalakbay.
Gayunpaman, tandaan na walang uri ng kape ang mas maigi kaysa sa isa. Sa pagpapasya, pinakamahalagang isaalang-alang na kung paano ka man babangon, makararating ka sa kung para kanino ka bumabangon.
Kampay!
---
Precious Mary Kyla Edquilane is a student at Regional Science High School III, the current Associate Editor (Pangalawang Patnugot) of their official Filipino publication (Ang Sanghaya), and a volunteer contributor of the Explained PH Volunteers Network Program.