Bryan Roy Raagas

Ipinamalas muli ni World No.1 Magnus Carlsen ang kanyang talas ng isip matapos pagharian ang FIDE World Rapid Chess Championship nitong Disyembre 26-29, at depensahan ang kanyang korona bilang kampeon.

Photo Courtesy of Lennart Ootes/FIDE

Pinanatili ni Carlsen na walang bahid ng talo ang kaniyang kampanya nang kumana siya ng 10 puntos sa 13 laban, kabilang ang pitong laro na kanyang pinagwagian.

“Sometimes, my play was a little bit too safe and a little bit too technical, but I don't think I was really in serious trouble in any game, so it feels really good,” aniya.

Dikdikan din ang naging resulta ng mismong ganap kaya’t kinailangan ni Carlsen na maging malinis ang resulta ng laban niya para ungusan ang mga bigating grandmasters gaya ni World No. 2 Fabiano Caruana.

Pinaayaw niya nang sunod-sunod ang kanyang mga kalaban sa 2nd hanggang 6th round para manguna kaagad sa rankings, kabilang na rito ang Indian sensation na si Vidit Santosh Gujrathi.

Pinilit ni Magnus, mula sa mala-tablang posisyon, sa endgame si Vidit at naging armas niya ang magandang ikot ng kanyang mga knight para pasukuin ang kanyang katunggali sa loob ng 72 moves ng Catalan.

Dumalawang-sunod pa ng panalo ang top-ranked GM nang pabagsakin niya rin sina GM Vladimir Fedoseev ng Slovenia at Pouya Idani ng Iran sa 10th at 11 round.

Pinadali niya na lamang ang kanyang buhay sa huling laro at dinaan sa tabla ang dati niyang nakalaban sa 2023 FIDE World Cup Final na si Praggnanandhaa Rameshbabu sa loob ng 23 tira, gamit ang Four Knights Game: Spanish, Nimzowitsch Variation.

Pumapangalawa sa FIDE World Rapid Chess Championship si Fedoseev na may 9.5 puntos, habang pumangatlo si Yu Yangyi ng China na may 9/13 tala.

Lalaban pang muli si Carlsen para depensehan pa ang isa niyang titulo sa FIDE World Blitz Chess Championship na gaganapin naman mula Disyembre 29-31, sa Samarkand, Uzbekistan.


Edited by: Diana Mae Salonoy