EXPLAINER | Mga Numero sa Likod ng Jeepney Modernization
Raymond Carl Gato
Naging mainit na talakayan sa pagitan ng mga politiko at concerned citizens ang panukalang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), o mas kilala onlayn bilang Jeepney Modernization Program, ng Department of Transportation (DOTr).
Matagal nang niluluto ang panukalang ito. Sa katunayan, noong 2017, sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, pa ito inilabas sa Department Order (D.O.) No. 2017-011 o ang Omnibus Guidelines on the Planning and Identification of Public Road Transportation Services and Franchise Issuance or the Omnibus Franchising Guidelines (OFG).
Dahil sa programang ito, ang mga dyip na may tagal nang 15 taon o higit pa ay papalitan ng electric-powered o sasakyan na sumusunod sa pamantayan ng Euro 4.
Argumento ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang proyektong ito ay magdadala lamang ng ligtas, maaasahan, maginhawa, at environmentally sustainable na sistemang pang-transportasyon sa Pilipinas. Ngunit, paano naman ang mga drayber? Kaya ba ng isang ordinaryong drayber na bumili ng modernong yunit ng dyip?
Magkano ang karaniwang kinikita ng isang drayber ng dyip?
Ayon sa inilabas na pahayag ni Mody Floranda, Pangulo ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) noong January 2023, ang isang jeepney driver ay karaniwang kumikita lamang ng P300 sa isang araw, mas mababa lalo sa P400 o P500 na kinikita nila noong hindi pa labis ang pagtaas ng gasolina sa Pilipinas.Sa kabila nito, ang jeepney operator ay kumikita ng P2,500 hanggang P3,000 araw-araw. Hindi pa kasama sa nabanggit na mga numero ang kanilang mga bayarin, tulad ng gasulina at sweldo ng mga tsuper.
Sinasabi naman ng IBON Foundation sa kanilang pag-aaral na kailangan ng isang Pilipinong pamilya ng P1,133 upang makabili ng pangangailangan kada-araw. Ibig sabihin, labis na kulang ang kinikita ng mga tsuper upang matustusan ang kanilang gastusin.
Magkano ang modernong yunit ng dyip?
Sasaluhin ng mga operators at drayber ang 1.4 hanggang 3 milyong piso na halaga ng Euro 4. Kung susumahin, aabutin sila ng halos tatlong (3) taon o higit pa upang kitain ang pinakamahal na yunit ng nasabing modernong dyip – ito ay kung hindi sila gagastos para sa pagkain, kuryente, tubig, pantustos sa pamilya, at marami pang iba.Labis na malaking halaga ang 3 milyong piso na modernong yunit kumpara sa presyo ng tradisyunal na dyip na pumapatak lamang sa P200,000 hanggang sa P400,000. Sa laki ng perang ito, maaari nang bumili ng halos walong (8) traditional jeepneys ang mga operators.
Ang gastusin sa cooperatives
Ang unang hakbang tungo sa nasabing PUV Modernization ay hindi ang pagbili ng modernong mga yunit, bagkus ay ang pagtatayo ng co-operatives ng mga jeepney operators. Ika ng DOTr, mas magiging organisado ang operasyon ng mga dyip sa bansa kung maisasakatuparan ito.Ngunit ang pagbuo ng co-operatives ay hindi libre. Ayon sa Office of Transportation Cooperatives, kailangan ng bawat jeepney operators ng P300,000 na binayarang kapital upang makabuo ng co-operatives. Hiwalay pa rito ang P20,000 hanggang P30,000 na gagastusin ng mga operators sa pag-aasikaso ng kanilang mga requirements, tulad ng income tax returns clearance.
Kaya nais ng pamahalaan na bumuo at sumali sa mga co-operatives ang mga operators ay upang matiyak ang kanilang access sa pautang ng mga banko na ipinapatakbo ng pamahalaan, tulad ng Land Bank of the Philippines at Developmental Bank of the Philippines (DBP). Ngunit dadagdag lamang ito sa kabuuang bayarin ng mga jeepney drivers at operators sa ilalim ng PUVM.