KALYE KRISMAS: ANG TAUNANG PASKO NINA TATAY REYNANDO AT ERNALYN SA LANSANGAN
Paul Bryan Bio
Mga munting tinig ng mga paslit na nangangaroling, karaoke, o ‘di kaya’y kaliwa't kanang party. Ganito madalas ipagdiwang ng mga Pilipino ang pasko. Ngunit sa mga kagaya ni tatay Reynando, 68, hindi parol o kung alinman sa mga ito kundi streetlights ang madalas magbigay ng tanglaw sa pasko.
Ayon sa kanya, nagsimula siyang manirahan sa kalsada matapos ipagiba ng gobyerno ang kanilang bahay sa probinsiya upang kunin ang lupang kinatitirikan nito para sa isang proyekto. Ngunit, ayon kay tatay Reynando, magpahanggang ngayo’y naiwan lamang itong bakante matapos ang ginawang demolisyon at pagpapalayas sa kanila.
“Ayon, nakatiwangwang. Wala namang inano [ginawa], 'yong kabila ginawang highway. 'Yong kabila, doon kami, ayon nakatiwangwang. Wala namang ginagawang project," saad niya.
Gaya ng daloy sa kalsada, masasabing magulo rin ang kanyang buhay-lansangan dahil sa patuloy na pamamalimos. Palaging hangad ni tatay Reynando na maitawid ang isang araw nang walang dinadaing na gutom habang tangan-tangan ang kanyang styrocup na gaya ng kanyang tiyan, ay kakarampot lang din ang laman.
“'Pag gabi, tinapay lang ang kinakain ko 'pag walang pambiling pagkain. Dito 'yon galing sa ano ko [iniipon]," ani tatay Reynando.
Naiwang biyudo sa lansangan si tatay Reynando. Hindi aniya nagawa pang makita ang labi ng pumanaw na asawa mula nang gibain ang kanilang tinitirhan sa probinsiya. Bukod sa mga matatamis na alaala ng kanilang pagmamahalan, naiwan din doon ang isa niyang anak habang pahinante naman dito sa Maynila ang isa ngunit ayon sa kanya, matagal na silang walang komunikasyon.
150
Hindi kagaya ni tatay Reynando, may inuuwiang tahanan si Ernalyn Benancio (24) sa Montalban, Rizal. Ngunit ang pagkakahalintulad nila'y sa lansangan nakadepende ang kanilang ikabubuhay. May dalawang anak si Ernalyn (isa at tatlong taong gulang) na kasa-kasama niya sa pamamalimos sa kahabaan ng Gilmore Avenue sa Quezon City. Ang kanyang asawa nama'y nangangalakal. Ani Ernalyn, kapag hindi pa sapat ang kita niya sa maghapong pamamalimos, nangangalakal din siya sa gabi pambili ng ihahain sa hapag nilang mag-anak. "150 lang sa isang gabi" aniya ang kinikita niya mula rito.HOME STREET HOME
Matagal nang suliranin ng estado ang kawalan ng tirahan ng ilang Pilipino. Sa katunayan, ayon sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) Mayo ngayong taon. Nakasaad dito na libo-libong mga Pilipino pa rin ang naninirahan sa lansangan at mga pampublikong lugar. Tinatayang nasa 12,615 ang itinuturing na homeless ng ahensya dahil sila'y nakatira sa mga pampublikong lugar kagaya ng mga parke at bangketa.Dagdag pa ng PSA, 60% ng mga taong walang tirahan ay matatagpuan sa National Capital Region (NCR). Bukod pa rito, may mga naitala ring bilang ng homelessness sa Gitnang Visayas na tinatayang nasa 1,270; 734 sa Gitnang Luzon, 378 sa Rehiyon IV-A (Calabarzon) habang 367 naman sa Western Visayas.
HUNGER GAMES
Bukod sa suliranin ng kawalan sa disenteng matitirhan at pagkakakitaan, isa rin sa hamong kinahaharap ng mga kagaya nina tatay Reynando at Ernalyn ang gutom. Hindi kasi isang kahig, isang tuka ang sistema nila sa lansangan dahil matapos ang maghapong pagkahig, kadalasang wala pa ring natutuka. Base sa datos na inilathala ng Social Weather Stations (SWS), nakasaad na 10.4% ng mga pamilyang Pilipino ang buwanang nakararanas ng involuntary hunger (o ang pagkaranas ng gutom ngunit walang makain) mula Mayo hanggang Hunyo ngayong taon. Higit itong mababa kung ikukumpara sa naitalang 11.8% noong Disyembre 2022.Sa NCR, kung saan matatagpuan ang karamihan sa mga homeless people, tumaas ng limang puntos ang bilang ng involuntary hunger. Sa kabilang banda, ang mga karatig lugar ng NCR ay nakaranas din ng pagtaas na pumalo sa 2.6 puntos. Ipinakikita rin sa datos na nakararanas ng kakulangan sa akses sa pagkain ang mga lugar na malapit sa NCR.
PASKONG LANSANGAN
Habang masayang nagmamasid ng mga kumikinang na palamuti ang mga nasa ibabaw ng tatsulok, patuloy naman sa pagtanghod ang minoryang kinabibilangan ng mga maralita na payak lamang ang handa at kung minsan nga'y wala – ganito ang pasko para kay tatay Reynando. Sa kabila ng mga taong abala sa pagbili ng mga regalo at panghanda bago ang pasko, patuloy lamang ang pamamalimos ni tatay Reynando sa kalye."Masaya siyempre kapag kumpleto ‘yong pamilya mo [at] nakakasama mo sila, [pero] hindi na. Hindi na ako maghahanda dahil ako lang mag-isa eh," aniya.
Dagdag pa niya, minsan nakararamdam din siya ng lungkot sa tuwing sasapit ang pasko sapagkat madalas sumagi sa kanyang isipan na sa isang iglap lamang, nawala ang kanilang tahanan.
Sa kabilang banda, sa simpleng pamamaraan lamang din ipagdiriwang nina Ernalyn at ng kanyang pamilya ang pasko dahil para sa kanya, maganda nang magsama-samang magpasalamat sa maayos na kalusugang mayroon sila.
Bagamat may halong lungkot ang kanyang pasko, kuntento pa rin siya sa taong ito dahil kumpleto niyang makakasama ang mga mahal sa buhay.
"Malungkot pero masaya kasi ano, kahit na gan'to lang 'yong buhay namin, basta kumpleto kami 'tas kahit sila ganyan 'yong buhay nila, na-a-appreciate ko rin 'yong kasiyahan nila," paliwanag ni Ernalyn habang pinatatahan ang noo'y nagaalburoto na niyang bunso.
Sa kabila ng masalimuot na pamumuhay, may isang hinihiling si Ernalyn tuwing pasko na nais niyang matupad. Ito ay ang magkaroon sila ng magandang buhay at trabaho nang sa gayon aniya, hindi na lansangan ang kanilang pagkakakitaan.
Inilahad din ni Ernalyn ang hirap na pinagdadaanan niya sa araw-araw na pamamalimos. Pagsasalaysay ni Ernalyn, palagi silang hinuhusgahan ng mga taong nakakikita sa kanila ngunit wala aniya silang magagawa maliban sa ipagsawalang bahala na lamang ang sinasabi ng iba dahil kalye lamang ang tanging sumusuporta sa ikabubuhay nila.
Samantala, para kay tatay Reynando, tanging hangad niya lang tuwing kapaskuhan ang pagkakaroon ng masaganang buhay nang sa gayo'y wala nang iba pang dumanas ng hirap na kagaya sa kanya. Nag-iwan din siya ng maikling mensahe para sa kanyang mga anak.
"Sana maging maganda ang buhay nila," saad ni tatay Reynando.
Sa kabila ng maniningning na mga parol at Christmas lights tuwing nalalapit na ang kapanganakan ng Mesiah na si Hesus, tanging ang mga ilaw sa lansangan, busina ng mga sasakyan at mga taong abala na dumaraan sa kanilang harapan ang tagapagpaalala nito kina tatay Reynando at Ernalyn. Kalye na rin ang nagsisilbi nilang sabsaban kung saan nila taunang hinihintay ang pagsibol ng panibagong pag-asang magliligtas sa kanila mula sa masalimuot na buhay-kalsada.
Sinasalamin ng kalagayan nina tatay Reynando at Ernalyn ang iba pang maralitang Pilipino na walang ibang hiling kundi ang maranasan ang diwa ng kapaskuhan na matagal nang ipinagkakait sa kanila hindi lamang ng lansangan, kundi ang kasalukuyang bulok na sistema ng estadong nagsasadlak sa kanila sa putik ng kahirapan.