Cha-Cha via People’s Initiative labag sa konstitusyon – ex assoc justice
Angelee Kaye Abelinde Bagama’t konstitusyon ang binatayan ng Kongreso sa paggamit ng People’s Initiative upang isulong ang Charter Change, binigyang-diin ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na hindi pa rin ito maituturing na konstitusyonal dahil hindi lamang amyenda ang ipinapanukala nito kundi tuluyang pagbago sa Saligang Batas.
“I strongly believe it is unconstitutional. The people’s initiative concept was borrowed from the US. People’s initiative can only amend the constitution. It cannot revise the constitution,” saad ni Carpio sa panayam ng ANC 24/7, Huwebes.
Naging basehan ng Kongreso sa naturang panukala ang nakasaad sa Artikulo XVII, Seksiyon 2 ng Saligang Batas ng 1987 na kinakailangan lamang ng pirmang hindi bababa sa 12 porsiyento ng mga botante at tatlong bahagdan ng bawat 254 distrito ng bansa upang maamyendahan ang Saligang Batas.
Subalit, binanggit ni Carpio ang Commission on Election Resolution No. 10650 na nagsasaad na hanggang pagdaragdag, pagbabawas, at pagtatanggal lamang ang amyendang maaaring ipatupad ng People’s Initiative at hindi maaaring baguhin ang mga pangunahing prinsipyo at probisyon ng konstitusyon.
Hindi rin maaaring gamitin ang People’s Initiative sa pagrebisa ng Saligang Batas dahil kinakailangan muna nito ng constituent assembly o constitutional convention bago maipatupad.
Binubuo ang constituent assembly ng mga kasalukuyang nakaupong mambabatas na magtitipon-tipon upang amyendahan o baguhin ang Saligang Batas, habang sa constitutional convention naman ay mamamayan ang hihirang ng mga karapat-dapat na indibiduwal na may kakayahang pag-aralan kung ano ang mga dapat ayusin sa Konstitusyon.
“To revise the constitution, you need a deliberative body. There must be debates, and you need a recorded proceeding. It’s not practical to include the revision of the constitution in the people’s initiative because there’s no debate. It’s allowed only if it’s a simple amendment and not a revision,” paglilinaw ni Carpio.