Joshua Pasion at Francine Tosoc

Sa kabila ng modernisasyon, patuloy pa rin na ipinagmamalaki ng Pilipinas ang yaman nito sa kultura, kasaysayan, at tradisyon. Sa bawat paglipas ng panahon, nananatili ang mga nakagawian at pundasyon ng pagiging Pilipino na nagdudulot ng pag-usbong sa kahulugan ng pagiging isa.

Sa bawat silahis ng langit, kaakibat nito ang iba’t ibang kulay at uri ng sining sa Pilipinas. Unti-unti mang nawawala at nakalilimutan ng karamihan, mainam na buhayin ang bakas ng nakaraan. Maraming bagay ang maiaalok ng kulturang Pinoy, kalakip nito ang iba’t ibang aspeto ng buhay lalong lalo na ang pagmamahalan.




Pag-ukit ng pamana

Sa pagbalik-tanaw sa mga pahina ng kasaysayan, isa sa mga hindi malilimutang bahagi ng kulturang Pilipino ay ang sinaunang alpabeto–ang baybayin. Sa mga nagdaang siglo, ang baybayin ay naging sentro at kayamanan ng mga Pilipino na naging sistema ng pagsusulat bago pa man dumating ang mga Kastila.

Sa mga nakaraang dekada, nabibigyan ng halaga ang baybayin sa pamamagitan ng paggamit nito sa paglikha ng mga romantikong liham at tula. Ito'y hindi lamang nagbibigay kahulugan sa pagsulat kundi nagbubukas din ng pintuan sa pagpapahayag ng damdamin at saloobin para sa mga minamahal.

Sa bawat guhit at kurba ng mga linya, ipinapahayag ng bawat titik ang matinding damdamin upang mahikayat ang pusong uhaw sa pagmamahalan. Maliban sa kahalagahan nito sa kultura at kasaysayan, taglay din ng baybayin ang bagong anyo sa pagpapahayag ng pagmamahal na nagtataglay ng kakaibang puso at damdamin.


Gawang galing

Isa pa sa mga tanyag na uri ng sining sa Pilipinas ay ang mga likhang-kamay ng mga katutubong artisano sa bansa. Ito ay mga produktong gawa sa mga likas na materyales tulad ng kahoy, abaka, shell, kawayan, at marami pang iba. Maliban kasi sa pagturing bilang kabuhayan, kalakip din ng mga ito ang kultura na masusing pinapahalagahan.

Dahil dito, ang mga ito ay perpektong regalo hindi lamang para sa mga minamahal ngayong buwan ng Pebrero kundi pati na rin kahit kailan. Ilan sa mga produktong ibinebenta ay ang mga tela na may iba’t ibang disenyo at kulay, kagamitan na gawa sa ukit ng kahoy, bag na gawa naman sa abaka, mga alahas na yari sa kahoy at mga shells, at mga banig na mula naman sa mga woven fibers tulad ng buri at pandan.

Ang mga ito ay may malalim at malaking bahagi sa ating kasaysayan at kultura. Sa pamamagitan ng pagtangkilik sa mga produktong ito, hindi lamang napalalaki ang kita ng mga nagtitinda, naitataguyod rin nito ang tradisyonal na sining at kabuhayan ng mga katutubo sa bansa.


Tinig ng harana

Mga daliring maingat na sumasayaw sa bawat kuwerdas ng gitara, ang banayad na boses at mumunting ngiti habang sinasambit ang bawat liriko ng kanta, at ang kabang dala ng pangambang magkamali at mautal—isang dalisay at nagpapatunay na debosyon—ito ang sinisimbolo ng harana na siyang tradisyonal na paraan ng panliligaw ng mga Pilipino.

Nag-ugat ito noong ika-19 siglo, at naging karaniwang gawain pagtungtong ng ika-20 siglo na mayroong hangarin na ipahayag ang pagmamahal ng lalaking nanghaharana sa kaniyang nais na maging kabiyak. Sa kasalukuyang panahon ay ginagawa pa rin ang harana, madalas nga’y gamit ang mga lumang kanta na naglalaman ng mga mas nakakikilig na liriko.

Hindi na rin limitado sa lalaki ang panghaharana, dahil kahit anong kasarian ay may kalayaan na itong gawin. Hindi man kasing-dalas na masilayan ngayon dala ng modernisasyon, maituturing pa rin itong nakaukit sa kulturang Pilipino na siyang uri ng sining na nagpapatunay ng sensiridad ng isang tao sa kaniyang nais maging kasintahan.


Larawang likha sa pagmamahal

Hindi kumukupas, hindi mabubura, at walang hangganan. Mula noon ay uso na ang pagguhit at pagpipinta — maging ito man ay simpleng libangan at pampalipas oras, pinagkakakitaan, o paraan upang maiparamdam ang iyong pagmamahal. Sa bawat hagod ng pambalighas ay ang pahiwatig ng pag-ibig na siyang nag-uumapaw.

Umagos man ang panahon, hindi mabubura ang pakiramdam kung ikaw ay mabibigyan ng guhit-kamay na larawan bilang regalo. Sa katunayan, ang gawaing ito ay nauso na noon pa man dahil sa romantiko nitong katangian. Sumisimbolo rin ang pagguhit ng isang malalim na  koneksiyon mula sa pintor at sa kaniyang ipinipinta, na kadalasan ay kaniyang iniibig.

Hindi ito limitado bilang paraan ng panliligaw dahil kahit nakuha mo na ang puso ng iyong kabiyak, isa pa rin itong magandang regalo upang ipahiwatig ang iyong walang katapusang sensiridad at pagmamahal. Sa paggawa ng obra ng iyong kabiyak, hindi lang ang iyong kakayahan sa pagpinta ang kaniyang kahahangaan, kundi pati na rin ang pagdaramdam mo sa kaniya na siya’y karapat-dapat paglaanan ng mahabang oras upang kilalanin at makita ang iba’t ibang parte ng kaniyang pagkatao sa pamamagitan ng pagguhit.

Maraming paraan upang maipahiwatig at maiparamdam ang iyong pagmamahal. Sa limang wika ng pag-ibig, hindi biro ang pagbibigay ng regalo dahil kaakibat nito hindi lang ang bagay na maibibigay mo sa iyong minamahal, kundi ang kasanayan, oras, at tiyagang iyong inilaan bago mabuo ang iyong handog.

Kaya naman, ngayong Pambansang Buwan ng Sining at Pag-ibig, gawin natin itong pagkakataon upang maiparamdam ang ating pagmamahal sa likod ng sining sa pamamagitan ng pagbibigay ng liham gamit ang baybayin, paghahandog ng likhang-kamay na gawa ng mga katutubong artisano, paghaharana, at pagguhit sa iyong mga minamahal. Sa ganitong mga paraan, binubuhay at inaalala rin natin ang mga magagandang tradisyon sa sining na inaasahan nating madadala pa sa susunod na henerasyon.