Senti: Mga Awitin para sa Pusong Nagdadalamhati
Justin James Albia at Angeline Ashlee Marquez
Sa araw ng mga puso, karaniwang naririnig ang mga awitin ng pag-ibig; mga harana, sayaw para sa mga nagmamahalan, at siyempre, mga palamuti para sa mga pusong nagwagi. Ngunit, para sa mga taong sawi, relapse ang kasagutan sa araw ng kalungkutan.
Nako! Grabeng sakit naman ‘yang nararamdaman mo. Halos lahat na ata napunta sa ganyang sitwasyon, madalas hindi maka get-over sa taong minahal nila.
Pero hindi naman ibig sabihin hanggang doon nalang ang sakit dahil minsan, musika ang nakapagbibigay ng ginhawa upang awitan ang nararamdaman.
Kaya para full blast ang iyong pagrerelapse, tara na’t pakinggan ang mga kantang magpapaiyak at magpapaalala sa’yo sa sakit at pagmamahal na nararamdaman mo para sa kaniya!
Leonora by Sugarcane (2023)
Umpisahan natin ang playlist na ito gamit ang haranang hatid ng kantang ”Leonora” ng bandang Sugarcane. Sa pamamagitan ng mga liriko na naglalarawan ng buhay na buhay na paghanga at debosyon, hinuhuli ng awiting ito ang kahulugan ng pagkakagusto at ang masiglang pagnanais na makasama ang ating minamahal.Sa simula, ang "Leonora" ay naglalatag ng malinaw na larawan ng dalisay at wagas na pagmamahal. Naghatid ng isang umaapaw sa tamis ng pagkahumaling at paghanga ang awitin sa mga linyang "Tong alay kong harana, para sa dalagang walang kasingganda, amoy rosas ang halimuyak,"
Sa pag-usad ng awitin, ipinapahayag ng bida ang isang pagnanasa para sa pagtugon, at humihiling na bigyan ng pagkakataong mahalin ang hinaharana nito.
Habang ang melodiya ay tumatagal at lumalalim ang kwento, isang anino ang unti-unting pumapasok sa larawan.
Sa mga linyang "Ang dating tamis ng pagsasama, nasa'n na? Ba't sa 'ting dal'wa, ako na lang ang natira?," inilarawan ang isang nakapangingilabot na paalala sa panandalian at paglihis ng pag-ibig, at ang pait ng pag-iwan.
Gayunpaman, sa gitna ng sakit at lungkot, mayroong isang patak ng pagpupursigi at pagtanggap. Kinikilala ng bida ang kahalagahan ng pagbabago at ang pangangailangan na pakawalan, kahit na siya ay kumakapit sa pag-asa ng isang pagkakasundo.
Sa pamamagitan ng kanyang makaluluwag na himig at taos-pusong mga liriko, ipinapahayag ng "Leonora" ang esensya ng karanasan ng tao: ang kasiyahan ng pag-ibig na natagpuan, ang sakit ng pag-ibig na nawala, at ang patuloy na pag-asa na magtatagumpay ang pag-ibig.
Bakit by Maki (2023)
Ating sundan ang pag-alaala ng sarap ng nakaraan gamit ang susunod na kantang magtatalakay ng pagkalito sa relasyon habang pinapatugtog ang “Bakit” ni Maki. Sa pamamagitan ng mga makabagbag-damdaming taludtod, nilalabanan ng kantang ito ang mga kumplikasyon ng pag-ibig, pagtatraydor at ang nananatiling sakit ng hindi tugmang pagmamahal.Ipinapakita ng mga taludtod ang larawan ng isang pagmamahal na minsan ay pinahahalagahan ngunit ngayo'y nabahiran ng kawalan ng katiyakan at pag-abandona. Sa bawat taludtod, hinahatak ng mga makabagbag-damdaming tinig ni Maki ang mga puso at inaanyayahan ang mga tagapakinig sa isang mundo ng buhay na pagkamahina at emosyonal na kaguluhan.
Sa kabila ng mga tanong at pagkalito, patuloy pa rin itong humaharap sa mga katotohanan at ang hirap ng pagtanggap nito. Ang mga linyang tulad ng "Bakit 'di na ako ang 'yong gusto? May iba na bang gwapo sa mata mo?" ay naglalarawan ng sakit at pagtanggap sa katotohanang hindi lahat ng mga bagay ay mananatili tulad ng inaasahan.
Sa pagtatapos ng kanta, ipinaramdam ni Maki ang masakit na katotohanan na may iba na palang minamahal ang kanyang kasintahan. "Kahit unti-unting mo akong binitawan, simula nung siya na ang laman ng isipan mo." Ang mga salitang ito ay naglalarawan ng masakit na pagkilala sa pagtatakwil sa isang malayong alaala, habang ang minamahal ay lumilipat na sa iba.
Kung tatanungin mo kami kung bakit namin inilagay ang “Bakit?” ni Maki sa ating relapse playlist, ito ay dahil sa kadahilanang kailangan nating maglaan din ng panahon para tanungin ang ating mga puso kung bakit nga ba natin patuloy na minamahal ang isang tao at siyempre, upang maging handa sa mga posibleng sagot gaano man ito kasakit.
Makalimutan ka by SunKissed Lola (2022)
Naranasan mo na bang sumubok kalimutan ang isang tao? O kaya magmove-on na lang kasi hindi na natin kayang ibalik ang dating pagmamahal dahil may iba na siya? Pero… paano nga ba natin ito gagawin kung sobrang laki ng bakas na kaniyang iniwan sa ating puso? Iyan ang tatalakayin ng ating ikatlongawitin sa playlist, “Makalimutan ka” ng Sunkissed Lola.Isang masalimuot na tugtugan na naglalarawan ng proseso ng pag-iba-iba ng damdamin sa relasyon pagkatapos ng isang pagsubok. Sa pamamagitan ng mga liriko at melodiyang puno ng sakit at pag-aalala, naririnig natin ang hagupit ng paghihiwalay at ang sakit ng paglimot.
"Paano ba ang kalimutan ka?”
“Nakangiti ka na naman ngunit hindi na ako ang dahilan,"
Inilalarawan ng mga linyang ito ang pagkakaroon ng mga masasayang alaala kasama ang minamahal ngunit gaano man kayo kasaya noon, hindi niyo pa rin maipagkakailang wala ang pagmamahalang pinagsasaluhan ninyo.
Nagbibigay-diin ang mga mahinang melodiya sa sakit at pag-aalala na nararamdaman ng karakter sa proseso ng paglimot at paghahangad ng kalayaan mula sa sakit ng nakaraan.
Sa pamamagitan ng "Makalimutan Ka" ng Sunkissed Lola, hinahamon tayo na harapin ang proseso ng paglimot at paghilom at pinaaalalahanan tayo na ang pagtanggap ng katotohanan at paglalakbay patungo sa pag-asa ay bahagi ng proseso ng paghilom.
Sa mga liriko, maririnig ang pagkakaroon ng muling pag-asa at pagtanggap sa hindi inaasahang pagbabalik ng mga alaala at damdamin. Ang mga tanong tulad ng “Paanong hindi masasaktan, kung sa bawat pagpikit ikaw pa rin ang nasisilayan” ay nagpapahayag ng pagkabigo at pagkabalisa sa gitna ng paglalakbay sa relasyong puno ng ups at downs.
Bawat Piyesa by Munimuni (2019)
Mula sa Sunkissed Lola, sinasagot ng Munimuni ang naunang kanta sa pamamagitan ng pagsabi na kahit gaano man natin subukang maka-move on, mahirap pa ring bumangon at mabuhay sa mundong hindi kapiling sa tabi ang ating mga minamahal.Para sa Munimuni, pagmamahal ang isang paraan upang tuluyan nating makilala ang isang tao. Sa mga ikinakatuwa nila sa buhay, mga pangarap na gusto nila tuparun at iba pa; ayaw na natin sila pakawalan.
Pagdating sa pagmamahal, karaniwan nating kinatatakutan ang ideyang mawala o maiwan sa ating taong minamahal dahil para sa iba sa atin, ito ay maaring magsanhi ng pagtigil at pagkasira ng takbo ng ating buhay. Ika nga ng munimuni, sila ang piyesang nagbibigay-saya at kulay sa ating mundo— sila ang piyesang higit pa sa buwan ang halaga na kapag naglaho, ang mundo ay titigil at ang dahilan ng pag-bangon ay maglalaho.
Sa mga liriko ng kanta, paulit-ulit binanggit ang mga salitang "Anong gagawin kung wala ka?" dahil hindi nila alam ano pa ang magagawa nila kung umalis man sila. Doon halos naramdam natin ang takot at kaba sa pagkawala ng mga minamahal natin, at ano man ang mangyayari sa atin kung pinili nilang umalis.
Kaya naman, kung napapaisip mo na hindi mo kayang mabuhay nang wala sila, saktong-sakto ang kanta na ito para sa iyo.
Ikaw pa rin ang pipiliin ko by Cup of Joe (2021)
Siyempre, hindi magpapahuli ang bandang kilalang-kilala ng mga tao ngayon. Kung nais mong salubungin ang umaga sa pamamagitan ng pagrerelapse, kumuha ka ng isang tasa ng Cup of Joe at ang kanilang kanta na “Ikaw pa rin ang pipiliin ko,” na sinasabing sila ay magmamahal kahit ilang oras, araw at buwan ang lumipas–dahil ang puso nila ay nakalatag lang para sa mga taong minamahal nila.Isa ito sa mga kantang pumatok sa kasalukuyang henerasyon dahil hinihiling nila na bumalik pa ang nakaraan. Simpleng pagkasabi lang sa kanila na sila pa rin ang pipiliin kahit ano man ang mangyari ay nakapagbibigay na ito ng kaunting pag-asa sa mga puso at isip nila.
Kaya kahit ilang buwan man iyan o taon ang lumipas, iniisip mo pa rin sila dahil ganoon mo sila kamahal kahit masakit na. O, perfect talaga ‘tong kanta for you!
Sa bawat kumpas at tono ng musika, maaari nating maranasan ang mga matinding damdamin at emosyon na naglalarawan ng mga pagsubok at tagumpay sa buhay. Maaari nating mahanap ang kaligtasan sa ating pinakamadilim na mga sandali at lumabas na mas matatag, mas matalino, at mas matibay kaysa noon.
At marahil, sa simpleng paalala ng isang pamilyar na tugtugin at ang pangako ng isang bagong simula, magiging posible na tuklasin muli ang liwanag, gabay sa pagtuklas ng bagong pag-asa.
Kaya ok lang iyan, mag-relapse ka hanggang gusto mo. Ilabas mo ang nararamdaman mo! Narito lang ang mga musika para damayan ka sa bawat hakbang na iyong lalakarin.