Grace Golong at Raymond Carl Gato

Naging mainit na diskusyon sa social media kamakailan ang isyu ng pag-atake sa kalayaang pampahayagan ng mga pampaaralang publikasyon sa Pilipinas. Ito ay matapos ipaalis ng Office for Student Affairs (OSA) ng Unibersidad ng Santo Tomas (UST) ang isang Facebook post ng kanilang premier digital media organization, ang TomasinoWeb, na naglalaman ng litrato ng mga Thomasian na nakasuot ng kanilang Type B uniform, siyang may hawig sa uniporme ng mga empleyado ng 7/11, sa harap mismo ng gusali ng nasabing convenience store.


Ngunit, giit ng mga umaalma sa aksiyong ito ng OSA, ano ang mali kung magkahawig ang uniporme ng mga mag-aaral at ng mga mararangal na manggagawa ng 7/11? At bakit tila kontrolado masyado ng pampaaralang administrasyon ang operasyon ng mga mamamahayag?

Ating usisain ang ilan sa mga kaso ng campus press freedom attacks sa Pilipinas kamakailan, at kung ano nga ba ang sinasabi ng batas ukol dito.


Estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela matapos pumirma ng petisyon

Noong ika-10 ng Hunyo 2020, pinagbantaang hindi mabibigyan ng Sertipiko ng Mabuting Asal ang ilan sa mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela matapos nilang lagdaan ang isang petisyon na bukas para kay Mayor Rex Gatchalian hinggil sa mga pang-aapi at pang-aabuso sa mga karapatan ng mga manggagawa at mag-aaral ng PLV.

Iniulat din sa petisyon na ito na ang pahayagan ng PLV ay madalas nakararanas ng pagsesensor, at ang mga mag-aaral at kaguruan ng nasabing institusyon na nagsasabi ng kritikal na opinyon ay ipinatatawag din ng kanilang administrasyon. Halimbawa na lamang ang pangingialam ng administrasyon ng paaralan sa pagpigil sa mga artikulong tumatalakay sa mga isyung sosyopolitika.

Umabot sa 836 na indibidwal ang pumirma sa nasabing petisyon. Basahin ang bukas na liham dito.


Patuloy na red-tagging sa mga kampus dyornalist

Si Kai Reyes, isang aktibista at manunulat na kasapi ng Ang Pahayagang Plaridel, opisyal na pahayagan sa ng Pamantasang De La Salle ang pinaratangan ng Alyansa dagiti Agkaykaysa nga Mannalon - Cagayan Valley (ALAM-CV) bilang terorista kasama ang ilang progresibong grupo matapos ipaskil ang kaniyang mukha at pangalan sa isang tarpaulin na may label na “The communist terrorist group.” Kilalang awtor si Reyes ng mga artikulong kritikal sa administrasyong Duterte.

Katulad din dito ang sinapit ni Jayvie Cabajes, isang alumni ng Unibersidad ng Pilipinas Mindanao, kasama ang Vice President ng Kabataan Partylist, at ang yumaong miyembro ng Salugpongan Council na si Datu Kaylo Bontolan, na sinasabing mga nagrerekruta ng mga rebeldeng komunista sa UCCP Haran sa Davao City, kung saan nagsisilbing mga refugee ang mga lumad ito ay ayon sa isang meme na pinost sa Facebook page ng Kalumuran Mindanao noong Pebrero 6, 2021.

Iilan lamang ito sa mga patuloy na akusasyon ng mga indibidwal laban sa mga mamamahayag na tumataguyod sa mga isyu ng masa at nagpapahayag ng kritisismo sa kasalukuyang administrasyon. Kung patuloy na itinuturing na terorismo ang mga mamamahayag na naglalabas ng pagkadismaya sa mga isyu ng lipunan, magiging hadlang ito sa proseso ng demokrasya at pagpapalaganap ng katotohanan.


Legal na batayan ng campus press freedom

Nakaangkla ang kalayaan ng mga pampaaralang publikasyon sa Republic Act No. 7079 o ang Campus Press Freedom Act. Layunin ng batas na ito na bigyang-proteksiyon ang mga estudyanteng mamamahayag sa elementarya, sekondarya, at tersiyaryo.

Ayon sa Seksiyon 6 ng nasabing batas, may kasarinlan o autonomy dapat ang mga campus publication mula sa pakikialam ng school administrations sa paghawak nito ng pondo, nilalaman ng mga artikulong isinasapubliko, at ang proseso nito ng pagpili ng mga miyembro ng editorial board. Hindi rin dapat basta-bastang ipasara o ipagpaliban ang operasyon ng campus publications dahil sa kanilang mga inilathala o pag-uugali ng mga manunulat nito.

Sinasabi rin sa batas na ito na may kapangyarihan ang Commission on Higher Education (CHED), Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), at ang Pangasiwaan sa Edukasyong Teknikal at Pagpapaunlad ng Kasanayan, na magpataw ng mga administrative sanction sa mga kaso ng pagbabanta sa campus press freedom mula sa school administration, faculty members, at militar.

May iba’t ibang anyo ng banta sa campus press freedom. Ang mga sumusunod ay mga halimbawang nabanggit sa batas, ngunit hindi limitado sa: A) Pagse-send ng death threats; B) Pagsasampa ng kasong libel sa student journalist; C) Pag-isyu ng derogatory at libellous public statements laban sa student journalist; D) Pakikialam ng school administrators sa editorial policies; E) Pag-sensor sa mismong editorial content; F) Pagpigil o hindi pagkolekta ng publication fees; G) Pagsuspinde o pagtanggal sa isang manunulat nang walang due process; H) Pagpapasara ng publication office; I) Pag-lock ng publication office;  J) Pagputol sa utility needs ng publication office tulad ng tubig at kuryente;  K) Hindi pagtatatag ng at least isang (1) campus publication sa bawat paaralan; L) at Pagtanggi sa muling pagbubukas ng isinarang campus publication.

Malinaw naman. Malinaw na. Nariyan na ang batas, pangil na lamang ang kailangan. Kailangang magamit natin ang batas at maging epektibo talaga ito hindi lamang bilang pansalag kundi pangagat din sa mga nagbabalak sumuwag. Pero kung tutuusin, sino nga ba sa atin ang takot? Malamang sa malamang, silang mga nananakot sa mga mamamahayag nating buong-tapang na humaharap sa mga pang-aatake, maihayag lamang ang katotohanan.