Moira Panganiban 

Nakakahon ang lipunan sa paniniwalang may dalawang uri lamang ng kasarian ang nilkha sa mundo: ang babae at ang lalaki. At para sa mga indibidwal na labas sa kumbensiyonal ang kasarian, wala silang lugar sa lipunang ito kung hindi sa mga anino. Salot, nasisiraan ng bait, sinapian ng demonyo—ganito pinangatwiranan ng mga tao ang pandidiri at diskriminasyon sa mga nabibilang sa komunidad na ito. 


Iba man sa nakasanayan ang kanilang kasarian, mga tao rin silang may pakiramdam. At dumating din ang araw na tuluyan na silang napuno mula sa pananahimik at piniling isantabi ang takot upang tumindig para sa kanilang tunay na pagkatao. Pero hindi naging madali ang kanilang pinagdaanan dahil maraming paa ang kinalyo, boses na napaos, at dugo’t pawis na dumanak sa kalsada bago sila humantong sa pagiging LGBT+ community na kilala natin ngayon. 

Ayon sa National Geographic, sa lahat ng titik na bumubuo na LGBT+, ang L o lesbian ang unang salitang nabuo. Sa loob ng ilang siglo, madalas nang naiuugnay ang pinagmulan ng salitang ito sa mga katha ni Sappho, isang babaeng Griyego mula sa isla ng Lesbos na nagsulat ng mga tula tungkol sa pag-ibig ng magkatulad na kasarian. Pero hindi ang bahagi ng kasaysayang ito ang rason kung bakit L ang unang titik sa LGBT+, 'pagkat may mas malalim pang dahilan. 


Ang L ay para sa Lesbayani 

Sa sanib-pwersang pangunguna ng mga gay at lesbian, tuluyang lumawak ang Gays Rights Movement sa New York noong 1970s. Tinawag nilang GLBT ang kanilang grupo upang magkaroon ng pangalan ang kanilang magkakaiba ngunit nagkakaisang komunidad. Sa kabila ng pagkakaroon ng iisang layunin ng kilusang ito, pinamukha ng GLBT ang hindi nagbabagong katotohanan na kahit sa loob ng kanilang minoryang sektor, mababa pa rin ang tingin sa kababaihan. 

Ngunit nagbago ang lahat nang sumapit ang panibagong dekada. Taong 1980s nang magsimulang sumulpot sa Africa at kumalat sa iba’t ibang bansa ang acquired immunodeficiency syndrome (AIDS) na noon ay isang hindi pa matukoy na karamdaman. Noong Hulyo 3, 1981, ibinalita ng New York Times ang naitalang 'rare cancer' sa 41 na mga homosexual. Nagdulot ito ng pangamba sa publiko at sa kasamaang palad, naibunton ang sisi ng pagkakaroon nito sa mga bakla at transgender. 

Dahil wala pang sapat na pag-aaral sa bagong karamdaman, at kadalasang lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki ang nadapuan ng AIDS noon, lalong lumala ang diskriminasyong dinanas ng mga bakla. Pagpapaliwanag pa nga ng mga relihiyoso, marahil ito ang paraan ng nasa itaas para parusahan sila sa kanila umanong 'mortal na pagkakasala'.

Pagsapit ng 1983, pinagbawalang mag-donate ng dugo ang mga lalaking nakikipagtalik sa lalaki bilang preventive measure sa patuloy na pagdami ng kaso ng AIDS sa Estados Unidos (US). Dala ng labis na pangangamba ng publiko na mahawaan ng sakit na ito, walang ibang nagawa ang mga baklang apektado ng AIDS kung hindi ilayo ang sarili sa mapanghusgang mga mata. Kasabay nito, nagkaroon din ng kakulangan sa suplay ng dugo sa mga blood bank dahil kinakailangan ng madalas na pagsasalin nito sa mga pasyenteng positibo sa AIDS. 

Noong mga panahong iyon, ang San Diego Blood Sisters na isang grupo ng mga lesbiyana ang nakipagtulungan sa mga blood bank upang magkaroon ng blood donation drives at masiguradong mapupunta ang kanilang nakalap na dugo sa mga pasyenteng may AIDS. Nang tinalikuran na ng mundo ang sangkabaklaan, ang mga lesbiyana ang walang pag-aalinlangang nag-alaga at nagpatuloy sa kanilang tahanan sa mga mga baklang nagpositibo sa AIDS. Ito ang kanilang naging paraan ng protesta upang ipaglaban ang kanilang karapatan at ingklusyon sa lipunan.

Sa pag-unlad ng siyentipikong pag-aaral tungkol sa AIDS, saka pa lamang unti-unting humupa ang mga haka-haka tungkol sa kung paano nakukuha ang karamdaman. Taong 1990s nang bigyan ng espasyo ang mga lesbiyana sa komunidad na nadodomina ng sangkabaklaan. Sa paglipas ng panahon, naging kasanayan nang ilagay sa unahan ang L sa LGBT bilang pagkilala ng komunidad sa kanilang naging kabayanihan sa panahon ng matinding krisis. 


Ang L ay para sa Lumisang Buhay 

Matapos ang ilang dekada makaraan ang AIDS epidemic, nanatili ang estereotipo sa mga lesbiyana bilang mga caregiver lamang ng mga baklang nagpositibo sa AIDS. Sa kabila ng pagkakaroon ng mga pag-aaral patungkol sa karamdamang ito, naging mas matindi ang diskriminasyon na ipinaranas sa mga lesbiyana nang sila naman ang nadapuan ng AIDS. 

Setyembre 24, 1982 nang unang tawagin ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang hindi maipaliwanag na rare cancer bilang AIDS. Binigyang depinisyon ng ahensiya ang karamdamang ito na nakatutok lamang sa mga karanasan ng mga kalalakihang nagpositibo rito. Hindi nito nabigyang-pansin ang mga sakit na dulot ng AIDS sa mga kababaihan gaya na lamang ng pelvic inflammatory disease at cervical cancer, na malubhang nakaaapekto sa kanilang reproductive organs. Noong 1991, 40 bahagdan ng positibo sa HIV at 12 bahagdan ng positibo sa AIDS ay kababaihan. 

Nagdulot ng malawakang medical misogyny ang pagpapakahulugan ng CDC sa AIDS. Kaya napagkaitan ng sapat na atensiyong medikal ang mga nagpositibong kababaihan na krusyal sana para sa ganoong karamdaman. Hindi kwalipikado ang mga kababaihan sa medikal na tulong ng gobyerno ng US sa ilalim ng Division of AIDS Services. Hindi rin isinama ang mga kababaihan sa mga clinical trial sa pag-develop ng mga posibleng gamot para sa HIV at AIDS. Bilang resulta, 65% ng mga HIV+ na kababaihan ang binawian ng buhay nang hindi nada-diagnose na mayroon silang AIDS.

Kaya higit sa pagbibigay-pugay sa sakripisyong ipinamalas ng mga lesbiyana, ang L sa LGBT ay pag-alala sa mga binawing buhay ng pagsasawalang kibo’t pagpapabaya ng patriyarkal na lipunan sa kababaihan. Patunay lamang ito na ang panawagan ng mga lesbiyana ay hindi lamang para sa pantay na karapatan, dahil sa labang ito, ang kanilang mismong buhay ang nakasalalay. 


Ang L ay para sa Laban sa Karapatan 

Kaabang-abang ang bawat Sabado ng gabi para sa mga lesbiyana kagaya ni Giney Villar dahil katumbas nito ay ilang oras ng kalayaan mula sa pagkakasakal sa mundong mapanghusga. Saksi ang bawat sulok ng isang disco sa Kamaynilaan sa isang mapagpalayang mundo kung saan maaaring magsuot ng panlalaking damit, gumamit ng banyong panlalaki, at direktang umamin ng pagtangi ang mga lesbiyana nang walang takot. Sa gitna rin ng ingay at patay-sinding ilaw unang nangarap si Giney kung kailan naman maaaring mangyari ang ganitong tagpo sa labas ng mumunting establisimiyentong lango sa alak. 

Noong una, gusto lamang gumawa ni Giney ng isang libro na nagsasaad ng mga naratibo ng mga kagaya niyang lesbiyana. Ngunit nang mamulat ito sa peminismo, lumago ang kaniyang pangarap para sa kanilang komunidad, lalo't gusto rin niyang makita at mapakinggan sila ng mga tao. 

“Kasi kung ikaw ay nasa gilid, hindi mo makukuha ang gusto mong karapatan, hindi ka maipaglalaban. Kapag nandoon ka sa liwanag, magkakaroon ka ng boses at malalaman ng tao ang iyong kailangan. Sa salitang LGBT, nangunguna ang mga lesbiyana pero kami ang nahuhuli pagdating sa representation,” saad ni Giney sa isang pakikipanayam sa radyo. 

Kasabay ng selebrasyon ng International Women’s Day noong Marso 1982, Dinala ni Giney at ng iba pa niyang kasamahan sa The Lesbian Collective ang kagustuhang tumapak sa liwanag. Kahit na nababalot ng takot ang kanilang loob dahil sa banta sa kanilang seguridad, buong tapang na tinuntong ni Giney ang truck na nagsilbing entablado niya upang isaboses ang kanilang panawagan. Nagbigay daan ang kauna-unahang Lesbian March na ito upang maisagawa ang unang Pride March sa Pilipinas noong 1996. 

Tatlong dekada matapos ang makasaysayang pangyayaring iyon, unti-unti nang nagiging bukas ang usapin ng mga tao tungkol sa eksistensiya ng LGBT+. Nagkaroon na rin ng representasyon ang mga lesbiyana sa mainstream media sa pamamagitan ng mga interview at mga kathang may temang Girl’s Love (GL). Sa kabila nito, nananatili pa ring isa sa mga pinakamatagal na panukalang nakabinbin sa lehislatibo ang mga batas upang bigyan sila ng karapatang legal na magsama at maprotektahan mula sa mga diskriminasyong may kinalaman sa kanilang Sexual Orientation, Gender Identity, and Expression (SOGIE). 

Ang paglagay sa unahan ng L sa LGBT+ ay hindi sasapat sa kabayanihang ipinamalas at mga nasawing buhay ng mga lesbiyana. Sa kabila ng unti-unting pagbubukas ng lipunan sa representasyon at diskurso hinggil sa LGBT+, patuloy pa rin na ipinagkakait ang tunay nilang kinakailangan. Kaya naman kung tutuusin, ang L ay tanda na nagsisimula pa lamang ang kanilang tunay na laban.