Aifer Jessica Jacutin

Nitong ika-19 ng Pebrero, lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang Senate Bill 2534, isang panukalang pagdaragdag ng isandaang pisong arawang sahod sa mga pribadong empleyado, kung saan dalawampung senador ang pabor dito habang wala namang hindi sumang-ayon at wala ring nag-abstain.


Matatandaang matagal nang nakabinbin sa Kamara ang mga panukalang dagdag pasahod lalo’t isinasaalang-alang ding mabalanse ang interes ng mga negosyante habang tinatarget nito taasan pa ang minimum wage sa buong bansa. Kapag nakalusot sa Kamara, tuluyan na itong maisasabatas. At kung maisasabatas, ito ang magiging kauna-unahang legislative hike mula noong 1989.


Ano ang Nilalaman ng Senate Bill 2534 at Sino-sino ang Makikinabang Dito?

Pahayag ni Sen. Jinggoy Estrada, siyang may-akda ng nasabing panukala, kapag naisabatas ang senate bill na ito ay madaragdagan ng isandaang piso ang sahod ng mga nasa pribadong sektor. Ibig nitong sabihin, hindi nito sakop ang micro enterprises o  mga negosyanteng sampu pababa ang empleyado at may kapital na tatlong milyong piso pababa.

Nabanggit din ni Estrada na ang karagdagan sa arawang sahod ay para sa mga pribadong empleyado partikular na ang mga minimum wage earner na kinabibilangan ng 4.2 milyong empleyado sa bansa. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang kabuuang labor force sa bansa ay nasa 51.22 milyon. Sa madaling salita, sampung porsiyento lamang ng mga manggagawa sa Pilipinas ang makikinabang dito.


Gaano Ba Kalaki ang Pagtaas?

Sa National Capital Region (NCR), ang minimum wage ng mga nasa non-agricultural sector ay PHP 610 habang ang mga nasa agricultural at micro sector ay PHP 573. Mas maliit naman sa ilang mga rehiyon sa Visayas at Mindanao na siyang umaabot lamang sa PHP 306. Kung maisasabatas ito, 16% ang idaragdag sa kita ng mga nasa NCR samantalang 30% naman sa iba pang rehiyon. Kung kaya’t makikita natin na malaki-laki rin ang pagtaas sa purchasing power ng sampung bahagdan ng mga manggagawa sa bansa.


Sapat Ba ang Maidaragdag?

Base sa datos na inilabas ng Ibon Foundation, ang isang pamilyang binubuo ng limang katao ay kinakailangan ng PHP 1,164 araw-araw upang matustusan ang kanilang pangangailangan. Sa minimum wage na kinikita ng maraming manggagawa ngayon, hindi talaga ito sapat kaya naman kung madaragdagan ang kanilang kita ng kahit isandaang piso, makatutulong na ito sa kanila. Maiibsan din nito kahit papaano ang agwat sa pagitan ng take home pay at cost of living.


Kaya Ba Itong Maipatupad ng mga Employer ng Pribadong Sektor?

Ang business sector sa ating bansa ay binubuo ng 98% hanggang 99% na Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs). Ang mga negosyanteng nakahanay sa MSME ay talagang aaray sa magiging pasahod at kung tuluyan ngang maisasabatas ito, maaaring maapektuhan ang iba pang sektor sa lipunan.

Dahil nga maliliit na negosyante ang karamihan sa magtataas ng sahod, posibleng ipasa nila ang pagbabago sa mga konsiyumer. Kung gayon, magtataas sila ng presyo upang makasunod sa itinakdang pasahod. Kung hindi nila kakayanin, maaapektuhan din ang nasa labor sector dahil maaari silang magbawas ng trabahador para makasunod sa itinakda. Ang pinakamalala sa lahat, huling posibilidad na ay ang tuluyang pagsasara ng kanilang mga negosyo.

Kung lalong tataas ang bilihin, bababa ang purchasing power ng lahat, tumaas man ang sahod o hindi. Kaya hindi natin masasabing gagaan nang kagyat ang pamumuhay kung tataasan ang sahod.

Makikinabang ang bawat isang Pilipino, saan mang sektor kabilang, kung isusulong ang mga solusyon na maaaring gawin para mapababa ang presyo ng bilihin. Hindi lamang ito magpapataas ng purchasing power ng mga konsyumer, kundi mas magiging balanse ang takbo ng ekonomiya sa bansa.