Holiday kumamada ng double-double; Celtics naibagahe ang 2-0 kalamangan
Rex Neil Falogme
Nagtala si Jrue Holiday ng double-double, 26 puntos at 11 rebounds, upang maibigay sa Boston Celtics ang 2-0 bentahe sa NBA Finals matapos ang 105-98 tagumpay kontra Dallas Mavericks sa Game 2 ng kanilang best-of-seven series na ginanap sa TD Garden Arena noong ika-10 ng Hunyo.
Photo Courtesy of Maddie Meyer/Getty Images. |
Nag-ambag din ng pinagsamang 39 puntos ang superstar duo ng Celtics na sina Jayson Tatum at Jaylen Brown upang maibigay sa koponan ang kailangan na tulong upang makuha ang panalo.
Maagang nagparamdam sa opensa ang Mavericks at nakuha ang 13-6 kalamangan sa unang walong minuto subalit nagawang maibaba ng Celtics sa tatlo ang kanilang kalamangan, 28-25, sa pagtatapos ng first quarter.
Sagutan ng puntos ang dalawang koponan sa pagpasok ng second quarter hanggang sa maipasok ni Brown ang kaniyang dalawang free throws at isang three-pointer mula kay Holiday upang ibigay sa Celtics ang 54-51 kalamangan sa pagpasok ng second half.
Nagawang makaalagwa ng Celtics sa third quarter at nakuha ang 12 puntos na kalamangan sa natitirang tatlong minuto, 75-63, matapos maipasok ni Holiday ang isang cutting lay-up.
Mula rito, sumagot naman ng 9-5 run ang Mavericks upang maibaba sa anim ang kalamangan ng home team subalit kumonekta ang buzzer-beater 3-point bank shot ni Prayton Pritchard at natapos ang quarter sa iskor na 83-74, pabor sa Celtics.
Pinakita naman ni Luca Doncic at ng Dallas na wala sa bokabularyo nila ang pagsuko matapos magbadya ng isang comeback sa likod ng 9-0 run sa huling tatlong minuto ng huling quarter na tumapyas sa kalamangan ng Boston sa lima, 103-98, matapos ang free throw ni Doncic sa nalalabing 1:15 minuto.
Bagamat bahagyang nakalapit, kinapos pa rin ang Mavericks sa huli matapos ang isang defensive stop mula kay Derrick White at isang driving lay-up ni Brown na siyang sumelyo sa panalo ng Celtics.
Buhat ni Doncic ang opensa ng Dallas matapos maglista ng triple-double tampok ang 32 puntos, 11 assists, at 11 boards samantalang may 17 puntos si PJ Washington at 16 naman ang kay Kyrie Irving.
Muling magkikita ang dalawang koponan para sa Game 3 na gaganapin naman sa American Airlines Center sa Dallas.