John Phillip Morales

“Dapat bakla, masaya pag may bakla, mahal ko ang mga bakla, gusto ko ang mga bakla, dapat may bakla!” - Eugene Domingo, (Ang Babae sa Septic Tank 2, 2016)

Sa nakalipas na siglo, naging malaking bahagi na ng ating kultura ang pelikula at telebisyon sapagkat nagsilbi na rin itong  tulay  sa pagsasalaysay ng mga kuwento.  Mula sa klasikong pelikula hanggang sa mga kontemporaryong palabas na may temang LGBTQIA+, palaging nagpapalaganap ng pag-ibig, isang pakiramdam ng komunidad at lugar na tanggap ang kahit sino ay maaaring tanggapin para sa kung sino sila.

Ngayong buwan ng Hunyo, ating ipinagdiriwang ang Pride Month: isang protesta at panahon ng pagbibigay-pugay sa katapangan, pakikibaka at adbokasiya ng LGBTQIA+ Community. Kinikilala rin dito ang mga makukulay na kwento ng mga queer sa pamamagitan ng mga pelikula. 

Naging tulay ang pag-usbong ng mga queer movies  dahil na rin sa tulong ng pandemya na panoorin ang mga series tulad ng Game Boys at Gaya sa Pelikula. Malaki rin ang ambag ng mga drag competitions shows tulad ng RuPaul’s Drag Race na nagkaroon din ng Philippine franchise nito na pinamagatang Drag Race Philippines. Sumasalamin ito sa mga pagbabago ng lipunan at pagtanggap sa iba’t ibang sexual orientation, gender identity, at gender expression.

Madalas nakakakita ng iba't ibang uri ng mga pangunahing tauhang hindi nakapaloob sa iisang kategorya ang kanilang sekswalidad tulad ng pelikulang may genre na romance. Subalit sa kabila nito,  marami pang pagtutuwid na dapat gawin pagdating sa representasyon ng queer. Mas marami pa sana ang mga queer movies ang maipalabas sa mainstream. At marami pa ring queer characters na supporting roles lamang at hindi pa rin nabibigyan ng sapat na lalim ang kanilang mga kuwento. Isa sa mga magpapaganda sa mga queer movies ang ilabas ang kanilang emosyon.

Kaya't bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pride Month, alamin ang ilan sa mga underrated queer movies na tumatak sa takilya na siyang sumasalamin sa kwento ng pagmamahal, pagtanggap at pakikibaka. 

Miss Bulalacao (2015) sa direksiyon ni Ara Chawdhury

Photo Courtesy of Film Development Academy of the Philippines.

Si Dodong, isang batang drag performer na madalas  sumasali sa mga gay pageant ng kanilang barangay para makamit ang pagtanggap sa kanya at sa kanilang komunidad maging ng kanyang ama. Nagwagi sa pageant si Dodong at napalunan ang titulong Miss Bulalacao. Ngunit isang gabi ang nagpabago sa kanya sapagkat napagalaman niyang siya ay buntis. Si Dodong di umano'y nabuntis ng isang alien.

Sa tulong ng kanyang madrasta, hinarap ni Dodong sa kanilang barangay ang mga hindi naniniwala sa kanya. Naging tampok si Dodong sa isang headline ng tabloid bilang “Bakla: Ina ng Diyos". 

Changing Partners (2017) sa direksiyon ni Dan Villegas

Photo Courtesy of Rappler.

Tungkol sa istorya ng  magkarelasyon na sina Alex at Cris, dalawang indibidwal na may 15-taon na agwat sa edad, isinalaysay sa pelikulang ito kung paano nagsimula ang kanilang kwento ng pag-ibig at kung paano ito nagbunga pagkalipas ng anim na taon.

Nagbibigay diin ng istorya sa mga hamon at tensyon na kinakaharap ng mga magkasintahan, kabilang na ang mga isyu ng tiwala, selos, at komunikasyon. Bawat bersyon nina Alex at Cris nag-aalok ng iba’t ibang pananaw sa kanilang mga ugnayan at sa huli ay humantong sa parehong mga emosyonal na laban.

Sina Alex at Cris ay maaaring palitan ng mga lalaki at babaeng aktor.

Call Her Ganda (2018) sa direksiyon ni PJ Raval

Photo Courtesy of Them.

Ang pelikula na ito ay sinusundan ang buhay ng transgender na si Jennifer Laude na natagpuan na walang buhay sa CR ng isang motel sa Olongapo, City. 

Natukoy ang may sala na kinilala nilang si Joseph Scott Pemberton, isang 19-anyos na U.S. marine. Isang bagong rekrut na militar sa isang ‘di pamilyar  na lugar. Nang matuklasan ni Pemberton na si Jennifer ay transgender, marahas niya itong pinatay, iniwan ito at natagpuan ng kanyang kaibigan at ng receptionist ng motel ang malamig niyang bangkay sa CR ng motel room. 

Nakulong si Pemberton ngunit noong 2020, binigyan siya ng absolute pardon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Metamorphosis (2019) sa direksiyon ni J.E. Tiglao

Photo Courtesy of Eventive.

Tampok dito ang istorya ng isang batang intersex o ipinanganak na may dalawang ari na nagngangalang Adam, 15-anyos na batang lalaki at anak ng isang konserbatibong ama na isang pastor at isang ina na hindi marunong bumasa at sumulat. 

Ang pagbibinata ni Adam ay magiging kakaiba sa pagdating ng isang transfer student na si Angel, isang mas matandang babae na may madilim na nakaraan. Magkasundo sina Adam at Angel, ngunit habang madalas silang magkasama, dinatnan si Adam ng kanyang unang regla.

Ito rin ang unang pelikula na tumatalakay sa mga intersex na tao. 

Rookie (2022) sa direksiyon ni Samantha Lee

Photo Courtesy of Letterboxd.

Ang pelikulang ito ay nagpapakita ng isang young queer love sa pagitan ng karakter nina Ace at Janna. Si Ace ay lumipat sa isang all girls na Catholic school at dahil siya ay matangkad, inimbita siya ni Coach Jules sa volleyball team nito. Nakilala ni Ace ang team captain na si Janna, pagkaraan ng ilang araw sa volleyball camp, nagkakilala sila nang lubusan at nahulog ang loob sa isa't isa.

Patuloy na magtataguyod ng representasyon

Sa pamamagitan ng mga pelikula, naipapakita natin ang kwento ng queer community na nakikipaglaban para sa pagtanggap sa kanila ng lipunan. Ang Pride Month ay hindi lamang selebrasyon kundi isang uri ng protesta para sa representasyon, pagtanggap at karapatan na matagal nang nararapat. Ang representasyon sa media ay nagbibigay din ng mga oportunidad para sa komunidad ng LGBTQIA+ na pag-usapan ang mga isyung queer kasama ang kanilang pamilya. Ang mga pelikulang tampok rito ang magbibigay ng inspirasyon sa queer community na lumaban at gumawa pa ng mga pelikula tampok ang mga queer artists. Ito ang magbibigay ng daan upang mas malawak pa ang pag-unawa at pagtanggap sa komunidad.

Ika nga nila, malayo pa, pero malayo na. Pero hindi dapat maging sukatan ang layo ng narating ng labang ito upang ipagpatuloy. Ang laban ng LGBTQIA+ Community ay laban din ng komunidad kung kaya't marapat lamang na magpatuloy sa  at pagsulong upang sa wakas, makamit ang pantay na karapatan hindi lamang sa pelikulang sila at ang kwento nila ang tampok kundi pati na rin mismo sa lipunang kanilang kinabibilangan.