Education Unboxed | Hindi nanlilinlang ang tunay na kaibigan
Tiffany Geluz
Mula sa murang edad, malaki na ang gampanin ng panitikan sa paghulma ng pananaw ng mga kabataan. Ito ang nais na makamit ng “Isang Kaibigan”, ang bagong pambatang libro na inilabas ng Pangalawang Pangulo na si Sara Duterte na naglalayong hikayatin ang mga bata na magbasa. Ngunit, tila ba’y isa lamang itong maagang pangangampanya ng awtor at pagpapakilala sa mga kabataan na balang araw ay magiging botante.
Halos dalawang buwan mula nang bumaba bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) Secretary, inilunsad niya ang P100 milyon programang Pagbabago Campaign, A Million Learners and Trees na kinabibilangan ng librong umiikot sa tema ng pagkakaibigan. Ang programang ito ay naglalayon na makapamahagi ng isang milyong bag na naglalaman ng mga school supplies, dental kit, at isang milyong punla upang makabawas sa pinansyal na hamon ng mga estudyante habang tumutugon sa programa ng klima sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga puno. Ang libro ay tungkol sa isang kuwago na nasiraan ng bahay dahil sa isang bagyo at isang loro na nag-alok sa kanya ng panandaliang kanlungan. P10 milyon ang hinihinging alokasyon ng badyet para sa publikasyon ng nasabing libro.
Bagama’t maganda ang adbokasiya nitong hikayatin ang mga bata na magbasa, kaduda-duda ang motibo nito dahil sa pagpaskil ng mukha ng awtor sa isang pahina ng libro na sinamahan pa ng deskripsyon na “siya ay isang tunay na kaibigan.” Ang pagsama nito sa libro ay isang paraan upang makilala at matandaan siya ng mga bata bilang isang mabuting politiko na kanilang maaalala hanggang sa sila ay tumanda kung hindi mamumulat sa mga katotohanan tungkol kay Duterte tulad ng kaniyang inkompetensiya bilang DepEd secretary na inilalarawan ng mababang datos na nilabas ng Programme for International Student Assessment (PISA) kung saan nakitang niraranggo sa pinaka baba ang Pilipinas pagdating sa matematika, pagbabasa, at agham.
Kung susuriin din ang daloy ng kwento ay masasalamin nito ang ilan sa mga kilalang katangian ng Pilipino tulad ng pagiging matulungin at resilient. Ito ay karaniwan sa panitikang pambata at regular ding ginagamit sa mga pelikula at palabas na pambata. Kaya naman, hindi na kinakailangan ng isa pang libro na may ganitong tema dahil marami na ang umiiral na ganitong kwento at nagiging paulit-ulit lamang ito. Ang pagtampok ng kaniyang pangalan sa librong ito ay isang paraan upang maiugnay ng mga bata ang pangalan ni Duterte sa pagiging isang mabuting kaibigan.
Ang pananaw at pagkilala kay Duterte ay maaaring madala ng mga bata hanggang sila ay umabot sa edad na sila ay maaaring bumoto. Mula sa programang kinabibilangan ng libro, ibinahagi na ang mga gustong maging mambabasa ng aklat na ito ay mga mag-aaral sa elementarya na kadalasan ay nagsisimula sa edad na 6 at nagtatapos sa edad na 11. Sa paglipas ng 7 - 12 na taon kung saan ang mga mambabasa ng librong ito ay maaari pa rin tumakbo ang political dynasty ng pamilyang Duterte para maging bahagi ng gobyerno. Pagdating ng oras na ito ay maaari pa rin siya matandaan ng mga batang nakabasa ng kanyang libro ngayon at maka impluwensya sa kanilang mga desisyon sa pagpili ng mga susunod na lider.
Marami pang isyu ang kinakaharap ng Bise Presidente kaugnay sa librong kaniyang sinulat tulad ng diumanong plagiarism sapagkat sinasabi ng marami na mayroon itong pagkakatulad sa graphic novel ng Amerikanong manunulat na si Andy Runton na may titulong "Owly Just a Little Blue”. Napakalaking alokasyon ng badyet, ngunit mahalagang balikan at suriin kung bakit nga ba ito sinulat at kung bakit niyang maiabot ito sa mga bata. Kung tunay ang kaniyang adbokasiya sa pagpapamulat sa mga kabataan ay hindi niya na kakailanganin pa ipaskil ang kaniyang mukha at igiit na si Duterte ay mabuting kaibigan, dahil kung tunay siyang mabuti, makikita ito sa kaniyang aksyon at hindi na kakailanganin pang sabihin.
Kung tunay rin ang kaniyang adbokasiya na palinangin ang kaalaman ng mga kabataan, dapat niyang siguraduhin na makatwiran ang paggamit ng badyet sa sa paggawa ng aklat na makapagpapamulat sa mga kabataan sa mga isyung kinakaharap ng bansa Maraming isyung panlipunan ang laganap at kailangan maintindihan ng mga bata sa maagang edad, at maaari niya sanang gamitin ang literatura upang makatulong sa pagpapaintindi sa mga bata sa mga isyung ito tulad ng karapatang pantao, pagtanggap sa ating mga pagkakaiba, pagtanggap sa ating mga sariling katangian bilang Pilipino, pagpapaintindi ng LGBTQIA+, mental health, paglaban sa historical distortion, kahalagahan ng consent, at higit sa lahat, ang pagbaba ng mga konsepto ng politikal na isyu.
Sa pag-abot sa kaniyang adbokasiya ay dapat tiniyak din ng Bise Presidente na ang kaniyang libro ay magiging epektibo sa pagtugon sa hamon na nais nitong tugunan. Dahil sa kaniyang layunin na hikayatin ang mga bata na magbasa kaugnay sa mga datos na mula sa 2022 Program for International Student Assessment (PISA) test kung saan ang Pilipinas ay ika 76 sa 81 na mga bansa pagdating sa reading comprehension habang nakita naman sa datos ng World Bank sa learning poverty noong 2022 na halos 90% ng mga kabataang Pilipino sa edad na 10 ang nahihirapan magbasa at umintindi ng simpleng teksto. Ayon naman sa World Literacy Foundation , ang problema ng illiteracy sa bansa ay nagdudulot ng kawalan ng tinatansyang nasa P258 billion or $4.72 billion bawat taon.
Ngunit lihis sa kaniyang layunin, maraming factual inconsistencies at pagkakamali sa grammatika ang nakita ng University of the Philippines Sentro ng Wikang Filipino (SWF) director na si Jayson Petras sa librong Isang Kaibigan tulad ng pagkakamali sa lugar ng pugad ng kuwago at paggamit ng mga salita na maaaring hindi pamilyar sa mga bata imbis na simpleng mga salita. Dahil dito, kahit ang kaniyang pangunahing layunin na hikayatin ang mga bata na magbasa ay hindi matutugunan sapagkat paano sila mahihikayat kung hindi nila maintindihan ang mga salitang nasa libro. Basahin man ito ng mga bata ay makakapagdulot pa ito ng misinformation dahil sa mga maling detalye sa kwento.
Malinaw na ginagamit lamang ni Duterte ang aklat bilang maagang pangangampanya at para hubugin ang pananaw ng mga kabataan sa kaniya . Kitang kita ito dahil sa paggamit niya ng malaking pondo at kapangyarihan ng literatura para lamang sa isang librong hindi epektibo,hindi payak na tema, at pag-ugnay ng kwento sa kaniyang politikal na interes. Hindi maipagkakait na pakay nito ang mapaabante ang kaniyang pampulitikang interes. Anuman ang kaniyang maging katwiran sa librong ito ay litaw na hindi ito sapat para sa mga kabataan.