Justin James Albia at Elgin Ryan Nilayan

Lubos ang pamamayani ng talento ng Pilipino sa pandaigdigang entablado ng musika nang  umusbong na ang Pinoy Pop (P-Pop). Ngunit bago pa man sila marinig sa buong mundo, nauna nang namayagpag  ang  mga mang-aawit kagaya nina Regine Velasquez, Sarah Geronimo, Lea Salonga, Morissette Amon at iba pang may malaking kontribusyon sa industriyang ito.


Sadyang kilala na ang Pilipinas bilang bansa ng mga mang-aawit. Ika nga ng ilan, kapag humawak ng mikropono ang Pinoy, tapos na ang laban. Kaya sa paglitaw ng mga grupong ito na nagpakilala muli sa bansa at sa ating wika, bagong henerasyon na ang kumikilala sa tinig ng mga Pinoy.

Dahil dito, unti-unting napapansin ng buong mundo ang potensyal ng mga P-Pop groups na hindi lamang bumibida sa kanilang mga natatanging talento sa pagsayaw at pagkanta, kundi pati na rin sa masining na paggamit ng wikang Filipino. Ang pagsasama-sama ng makabagong tunog, kahusayan sa pagtatanghal at ang pagmamahal sa sariling wika ang kanilang naging puhunan upang muling iparinig sa mundo ang tinig ng mga Pilipino.

Halina’t alamin at bigyang pansin kung paano patuloy na lumalago ang kasikatan ng P-Pop groups kagaya na lamang ng BINI, SB19, ALAMAT, G22, ECLIPSE at iba pa gamit ang kanilang nakabibighaning presentasyon ng musika at wikang Filipino!

PUNDASYON NG P-POP

Mula sa mga mabentang liriko at nakaiindayog na mga tugtog, namayagpag ang P-Pop  sa puso ng mga Pilipino sa kadahilanang mas nakaka-relate sila sa mga kantang Filipino kaysa sa mga nasusulat sa wikang Ingles.

Ayon sa Spotify, patuloy na lumalakas ang interes sa P-Pop sa taong 2023. Ang espesyal na playlist na P-Pop On The Rise ay nakapagtala ng 36% na pagtaas sa bilang ng streams, na nag-uugnay sa mga artista sa kanilang mga tagahanga at nagtataguyod ng pagkakatuklas ng bagong musika.

Dahil dito, nakikitang hindi lamang nakaayon sa kahalagahan ng paggamit ng sariling wika ang kasikatan nito kundi pati na rin ng lakas ng fanbase ng bawat grupo.

Importante ito dahil ang mga tagahanga ang nagbibigay ng suporta sa kanila upang makilala pa sa bansa. Ang suporta na ito ay hindi lamang limitado sa panonood ng pagtatanghal, kundi kasama rin ang pagbili ng merchandise, pag-share ng music videos sa social media at aktibong pakikilahok sa online voting para sa iba't ibang parangal.

Bukod dito, nagsisilbing tagapagtanggol din ng mga grupong ito ang kanilang fanbase dahil kapag may negatibong isyu o kontrobersiya ang mga ito, mabilis silang tumutugon upang ipagtanggol ang kanilang paboritong grupo sa pamamagitan ng pagpo-post ng positibong mensahe at impormasyon. Sa madaling salita, kung walang mga humahanga sa P-Pop groups ng Pilipinas, hindi sila aasenso bilang performers.

LABAN SA KATARUNGAN, IDAAN SA AWITIN

May kakayahan ang mga P-Pop groups na gamitin ang kanilang plataporma upang talakayin ang mga isyung panlipunan, kultural na tema at mga historikal na konteksto sa pamamagitan ng kanilang mga kanta. Nagbibigay-daan ang paggamit ng wikang Filipino upang maiparating ang kanilang mensahe nang mas epektibo sa  madla. Sa kanilang mga liriko, maaari nilang talakayin ang mga isyung mahalaga sa mga Pilipino, tulad ng karapatang pantao, kahirapan, kalikasan at pagkakapantay-pantay. Sa ganitong paraan, nagiging boses sila ng mga karaniwang mamamayan at nakapag-aambag sa mas malawak na diskusyon sa lipunan.

Isang magandang halimbawa nito ay ang kantang Kapangyarihan na inawit ng bandang Ben&Ben at SB19.

“Sa namumuno sa mamamayan

Nagsisilbi ka dapat, nagsisilbi ka dapat.”

Sa pamamagitan ng ganitong mga linya, naipapahayag ang galit at pagkadismaya sa mga lider na hindi naglilingkod nang tapat at makatarungan. Ito’y isang panawagan para sa pagbabago at pagbabalik ng tunay na diwa ng paglilingkod sa bayan.

Nagbibigay rin ng makabuluhang mensahe tungkol sa pressures at expectations na nararanasan ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay ang kantang Karera ng BINI.

"Dahan-dahan lang, buhay ay ‘di karera…

Walang masyadong mabagal, walang mabilis.”

Ang mga liriko ng kanta ay nag-aanyaya sa mga tagapakinig na magdahan-dahan, huminga at huwag magmadali sa pagtahak sa landas ng buhay. Na hindi naman ito paunahan at lahat ay may kanya-kanyang pace at landas na tinatahak.

Isang matapang na pahayag laban sa mga pagtataksil, panlilinlang at kawalan ng tiwala na madalas nangyayari sa lipunan ang awiting SSP ng grupong VXON.

“Saksakan ng sama, nagkamaling akala,

 'Di na pala tayo nagtugma.”

Hindi lamang limitado sa personal na relasyon ang mensahe na ito, kundi maaari ring makita bilang komentaryo sa mga mapanlinlang na indibidwal o grupo na nagtutulak ng kanilang sariling agenda sa kapinsalaan ng iba.

UY PILIPINS, PILIPINS!

Sa paggamit ng wikang Filipino, naaabot ng P-Pop groups ang mas malawak na merkado, hindi lamang sa loob ng Pilipinas kundi pati na rin sa buong mundo. Isang magandang halimbawa nito ang   pagtatanghal ng BINI sa KCON LA 2024 nito lamang Hulyo 27 na siyang nakabighani ng overseas Filipino Communities dahil sa  emosyonal na koneksyon na dala ng mga kantang nasa wikang Filipino. Isang taunang konbensyon ang KCON na ginaganap sa iba't ibang lokasyon sa buong mundo, na nilikha ng Koreaboo at inorganisa ng CJ E&M.

Dahil sa paglaganap ng P-Pop sa digital platforms tulad ng YouTube, TikTok at Instagram, nagkaroon ng malaking potensyal ang mga ito para sa global reach. Sa pamamagitan ng paggamit ng Filipino, nagagawa nang maabot ang mga puso ng mga kababayang nasa ibang bansa, na nagiging dahilan upang palakasin pa ang kanilang merkado at palawakin pa ang kanilang ehemplo

Isa sa pumatok sa madla ay ang kantang Gento ng SB19, na nakakuha ng 1.7 milyong posts sa TikTok para sa kanilang dance challenge. Hindi lamang mga Pilipino ang sumali sa challenge na ito, kundi pati na rin ang mga international fan ng ilang K-Pop groups kagaya ng ENHYPEN, ATEEZ, &TEAM, TREASURE, at iba pa. Ipinakikita nito kung paano nagkakaroon ng global appeal ang awiting nasusulat sa Filipino. Bukod pa rito, nakapagtalaga ng kasaysayan sa mundo ng P-Pop ang SB19 nang sila ay naging isa sa mga unang P-Pop group na nakapasok sa World Digital Song Sales Chart dahil sa kanta nilang Gento.

Isa pang halimbawa ang kantang Maharani ng Alamat, na umani ng higit sa 10 milyong streams sa Spotify at nakapasok din sa Billboard Hot 100.

Dahil sa mga ito, makikitang kayang-kaya ng Pilipinas na makipagsabayan sa pandaigdigang industriya ng musika habang nananatiling tapat sa kanilang wika’t kultura; Isang katibayan na ang mga Pilipino ay kampeon ng mikropono.

PAGLALARO NG SALITA AT DAMDAMIN

Mayaman ang wikang Filipino sa mga salita at ekspresyon na nagbibigay ng natatanging karakter sa mga kanta ng P-Pop. Ipinamamalas ng P-Pop groups ang kanilang kakayahan na maglaro ng mga salita at magpasok ng mga metapora at simbolismo sa kanilang liriko. Ang paggamit ng code-switching, o ang pagsasama ng Filipino at Ingles na siyang nagpapakita rin ng bilingual nature ng mga Pilipino ang nagiging tulay upang mas maintindihan din ng mga dayuhang taga-pakinig.

Nagbibigay-daan ang linggwistikong yaman ng Filipino sa mas malikhain at makulay na liriko na nagiging dahilan upang mas maging kaakit-akit ang musika ng P-Pop.

Halimbawa nito ang kantang Pantropiko ng BINI, na pinagsasama ang Filipino at Ingles sa isang romantikong paglalarawan ng isang tropikal na paraiso. Makikita sa awiting ito ang masining na paggamit ng wika sa liriko ng kanta upang lumikha ng isang kaaya-ayang imahe ng pag-ibig at kalikasan na naaayon sa tema.

Isa pang magandang halimbawa nito ang Torpe ng AJAA na gumagamit ng simpleng wika ngunit puno ng damdamin at kahulugan. Inilalahad nito ang pagiging torpe o mahiyain sa pagpapahayag ng nararamdaman na isang karaniwang karanasan para sa marami. Inilalarawan ng kantang ito ang mga kabataan at ang takot nila sa pag-amin ng kanilang pagmamahal na talaga namang danas ng iilan.

Ang pamamayagpag ng mga P-Pop groups sa loob at labas man ng bansa ay isang patunay na may sariling tatak at identidad na ang musikang Pilipino  na maipagmamalaki sa buong mundo. Ang kanilang kakayahang makipagsabayan sa pandaigdigang merkado ay hindi lamang dahil sa husay sa pag-awit at pagsayaw kundi pati na rin sa kanilang kakaibang linggwistiko at kultural na yaman. Sa bawat kanta at pagtatanghal, naipapakita nila na ang musika ng Pilipinas ay buhay, makulay at handang magbigay ng boses para sa masa.

Sa patuloy na pamamayagpag ng P-Pop, isa-isa na ring umuusbong ang iba pang mga grupong nais ipagyabang ang wikang Filipino at ang kanilang mga talento. Bilang resulta nito, unti-unting nabubuhay ang identidad at kultura ng bansang sumasabay sa mabilis na agos ng pandaigdigang industriya. Kaya sa ngayong mayroon nang P-Pop, muli na namang tatatak ang mga Pilipino sa mapa ng buong mundo.