Naglipana sa Internet ang samu’t saring videos ng mga taong gustong sumabak sa gymnastics at ginagaya ang two-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo. Paano ba naman? 20 milyong piso, condominium na nagkakahalaga ng 35 milyong piso, at iba pang cash incentives ang matatanggap ng Filipino gymnast matapos niyang makuha ang gintong medalya nang dalawang magkasunod na beses sa 2024 Paris Olympics.

Cartoon by Jascyl Jee Sayson

Ngunit sa kabila ng napakalaking halaga ng premyong matatanggap ng isang matagumpay na atleta, tila ba bilang lang sa daliri ang mga sumasabak sa mga ganito kaprestihiyosong patimpalak upang ipamalas sa mundo ang kanilang angking galing. Kaunti lang ang nangangahas na sumabak. Hindi na nakapagtataka, lalo na’t hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang masalimuot na karanasang kinahaharap ng mga atleta at manlalarong pinoy.

Bago si Yulo, unang nakakuha ng gintong medalya sa Tokyo 2020 Summer Olympics si Hidilyn Diaz. Buong Pilipinas ang nagdiwang dahil iyon ang kauna-unahang gintong medalyang nakamit ng bansa sa buong kasaysayan ng pagsali nito sa Olympics. Naroon ang tanong: ilan sa mga Pilipinong natuwa at naging proud sa tagumpay ni Diaz ang bumatikos din sa kaniya nang minsang siyang humingi ng sponsorship sa mga pribadong kumpanya noong 2019?

Inamin niya noon na nahihirapan siyang pondohan ang kaniyang pagsali sa Tokyo Olympics. Ngunit saad ng Philippine Sports Commision (PSC), suportadong-suportado siya ng pamahalaan at binanggit ang P4.5 milyong natanggap niya nang taong iyon. Kung sa ganoong halaga na natatanggap ni Diaz ay hirap pa rin siya sa pagsasanay, paano pa kaya ang iba na kung hindi delayed at kulang-kulang, hindi talaga nakatanggap ni isang kusing?

Noong 2019, sinabi ng Paralympics Swimming Team members na sina Edwin Villanueva and Adrian Asul, na dalawang taon na nilang hindi natatanggap ang kanilang allowance mula sa Philippine Sports Commision (PSC). Wala rin silang maayos na matutuluyan at pangkain habang sila ay nagsasanay. Maging ang pamilya ni Alex Eala ay may isyu rin sa PSC nang pabulaanan nila ang sinabi ng PSC na nagbigay ang ahensiya ng P3 million tulong pinansiyal sa kaniyang pagsasanay. 

Para bang sanay na ang Pilipinas sa ganitong sistema. Kung gaano katindi ang kakulangan ng suportang ibinibigay ng pamahalaan sa mga atletang Pilipino, ganoon din katindi ang bilis nilang umangkin ng panalo kapag nakatungtong na ang mga manlalaro sa pedestal suot-suot ang medalyang kanila mismong pinaghirapan. Suportado lang ang mga manlalaro kapag sasalang na sa patimpalak, mahilig sumakay sa kanilang tagumpay, pero ginigipit sila sa kanilang pagsasanay. Katulad ni EJ Obiena na sinampahan pa ng kaso ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) at inirekomenda pang tanggalin siya sa national training pool.

Hindi na nakapagtataka na marami ang tinalikuran ang bandera ng Pilipinas at pangalan ng ibang bansa ang dinala para makilala lang ang pangalan nila sa larangan ng palakasan. Isa na roon si Wesley So na pinagkaitan ng PSC ng incentive matapos manalo ng ginto sa patimpalak na hindi kinikilala ng komisyon. 

Kung ganoon lang ang nagiging sitwasyon, hindi na rin kataka-taka ang datos na inilabas kamakailan ng Seasia Stats kung saan pang-13 ang Pilipinas sa may pinakamalaking populasyon sa buong mundo, pero 22 lang ang pambato natin sa olympics. Halos 20 beses itong mas kaunti kaysa sa Alemanya na pang-19 sa pinakamalaking populasyon.

Tatlo ang implikasyon nito: una, ang pinaka-obvious, kulang sa budget ang pamahalaan upang tustusan ang mga atletang sa kanilang pagsasanay; ikalawa, maaaring kaunti ang nakikitaan ng potensiyal; at ikatlo, ang mga posibleng makitaan ng potensiyal na maging tanyag na manlalaro ay hindi nangangahas na pumasok sa mundo ng isports dahil sa estado ng mga atleta sa bansa.

At ang mga sumubok, nagdesisyon silang sumali hindi dahil nakikita nila iyon bilang isang libangan. Handa silang magsumikap at magsanay nang magsanay upang mabigyan ng karangalan ang Pilipinas. Ngunit hindi iyon dapat umabot sa puntong kailangan nilang isakripisyo ang sitwasyon ng kanilang pamilya.

Inamin noon ng boxer na si Irish Magno na nahirapan siyang pagtuunan ng pansin ang pagsasanay dahil inaaalala niya ang pamilya niyang walang makain dahil hindi na niya napadadalhan ng pera. Bukod kasi sa delayed ang natatanggap niyang tulong pinansiyal, sapat lang iyon para sa gastusin niya sa training.

Hindi na bago ang ganitong problema. Noong 2012, lumipat ng bansang kakatawanin ang pool player na si Alex Pagulayan mula Pilipinas patungong Canada dahil kailangan niyang palaguin ang kaniyang professional career, lalo na’t iyon ang kaniyang kabuhayan. Dumagdag pa roon ang mas kaunting ‘political obstacles’ na kaniyang pagdaraanan sa pagrepresenta sa ibang bansa.

Sa ganitong mga ganap, masasabing isang himala na Pilipinas pa rin ang bansang pasan ni Obiena sa Paris Olympics sa kabila ng samu’t saring alok mula sa ibang bansa bago pa man siya masampahan ng kaso.

Sa madaling salita, marami sa mga atletang Pilipino ay breadwinner din ng kanilang pamilya. Kaya bukod sa pondo sa pagsasanay at personal na allowance, dapat din silang bigyan ng suweldo dahil nagtatrabaho rin naman sila. Nang sa gayon, hindi mababaling ang atensiyon nila sa pagsasanay dahil sa pag-iisip kung kailangan na ba nilang kumuha ng ibang trabaho upang masuportahan ang kanilang pamilya.

Sa pagsabak ng mga manlalarong Pilipino sa mga malalaking patimpalak tulad ng Olympics, pasan-pasan nila ang bigat ng bansang kanilang nirerepresenta. Hindi naman nila ito ginagawa para lang sa kanilang sarili, kundi para sa bayan. Sinong gaganahan kapag ang bansang mismong dinadala ng atleta sa bawat laban ay hindi siya sinusuportahan? 

Kapalit ng kanilang walang humpay na pagsasanay, dapat na maipadama sa kanila ang walang sawang suporta ng lahat. Huwag hayaan na unti-unting malagas ang kayamanan natin pagdating sa larang ng palakasan. Ituring na yaman ang mga atleta, hindi dahil sa laki ng kanilang premyo, kundi dahil sila ay mga atletang Pilipino. Sapagkat higit sa mga mamahaling pabuya, ang karangalan na kanilang ibinibigay sa bansa sa bawat nilang tagumpay ay hindi matutumbasan ng kahit na anong halaga.