Sean Caguiwa at Kate Yvonne Barretto

Sa hanay ng mga nagtataasang kabundukan ng kanluraning bahagi ng Sierra Madre, ay ang pagdaloy ng rumaragasang ilog Dicamay sa lungsod ng Isabela kung saan minsan nang nahimigan ang salitain ng mga Agta Dicamay o mga aytang dating naninirahan dito. Ngunit sa kasamaang palad, kasabay sa pagpanaw ng mga dating naglagi rito ay siya ring pagkamatay ng wikang kinagisnan.


Nagmula ang wikang ito sa mga tribung Ayta na nanirahan sa tabi ng ilog, ngunit kasinglabo ng pinagmulan ng wikang ito ang pagkakakilanlan ng huling tagapagsalita ng Agta Dicamay. Kung kaya’t hindi lamang ito endangered, isa na rin itong extinct language ayon sa datos ng Summer Institute of Linguistics noong 2022 kasama ang Agta Villa Viciosa.

Isa ang Agta Dicamay sa higit tatlumpung lenggwahe o dayalektong ginagamit ng mga  negrito sa buong bansa kung saan ang labing anim nito ay mga wikang ginagamit sa bulubundukin ng Sierra Madre, at ang bawat pangkat ay nagsasalita sa sarili nilang wikang Austronesian na tinatawag nilang Agta. Ilan sa mga ito ay magkakapareho o nauunawaan ng mga kalapit baryo na siyang wika ring ginagamit ay Agta.

Paggunita ng Katahimikan

Sa kabila ng pagkawala ng wikang Agta Dicamay, may isang mas kakila-kilabot na kwento ang mas mabigat dalhin kaysa sa unti-unti lang na pagkawala ng nagsasalita nito. Sa halip, ang mga huling tinig ng wikang ito ay naputol dahil sa karahasan. Ang lenggwaheng ito ay namatay hindi lamang sa mabilis na agos ng panahon, kung ‘di dahil din sa pagkasawi ng mga taong sumasambit nito.

Mistulang mga mangangalakal at mangangaso ang mga Agta Dicamay upang mapanatiling buhay ang kanilang tribo. Ngunit ito rin ang sinasabing punong dahilan ng kanilang paglaho nang salakayin sila ng mga migranteng homesteader na mga Ilokano ilang taon na ang nakararaan. Tuluyang naubos ang mga agta sa parteng ito ng probinsya hanggang sa wala na ring makapagsalita ng naturang wika.

Tila hiningang unti-unting nawawalan ng hangin ang bawat salitang kanilang binibigkas dahilkasabay nitong naglaho ang pagkakakilalanlan na dinadala ng mga nagsasalita nito. Habang nakatahi na sa Pilipino ang pagkakaroon ng makulay at masining na kultura—isa rin ito sa mga bansang maraming katutubong lenggwahe na namamatay.

Pagbangon ng Tinig

Kasabay ng pag-usad ng bansa sa pagiging moderno ang pagkalimot din sa mga lenggwahe. Isa na ring rason ang mga bata na hindi nag-aaral ng kanilang katutubong wika kaya nanganganib ito. Bagaman ang kasanayan sa ibang wika ay maaaring ituring na isang positibong katangian, ipinapakita rin nito na kahit hindi nasakop ng mga dayuhan, mas pinipili pa rin ng marami ang paggamit ng ibang wika.

Kung kaya’t may mga institusyon tulad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na nakikipag-ugnayan sa mga Indigenous People (IP) sa bansa bilang suporta sa pagpapasigla sa katutubong wika sa kani-kanilang komunidad. Kilala rito ang Bahay-Wika at ang Master-Apprentice Language Learning Program (MALLP) na siyang nagsimula noong 2017 para sa wikang Ayta Magbukun na kinabibilangan ng mga matatandang IP na nagtuturo sa mga estudyante sa kindergarten at mga kabataan ng kanilang sariling wika.

Dagdag pa rito, noong taong panuruan ng 2012-2013, ipinakilala naman ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE). Kung saan simula Kinder hanggang Ikatlong Baitang, gagamitin ang wika na kanilang kinagisnan bilang pangunahing lenggwahe pang-turo kasabay ang paglikha ng hiwalay na asignatura para rito. At ayon sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), ang ganitong adbokasiya ay pinapanatili ang yaman ng kultura at tradisyong nakapaloob sa bawat wika sa buong mundo.

Ngunit tila dumanas ito ng kapalaran na alam na alam na masyado ng mga endangered at katutubong wika, dahil sa adjusted K to 10 curriculum na inilunsad ng DepEd nang nakaraang taon, tinanggal na ang asignaturang MTB dahil sa kalituhan umanong naidudulot nito.

Kinalampag ito ng iba’t ibang grupo kagaya ng ACT o ang Alliance of Concerned Teachers, dahil ang pagbasura rito ay counter-productive lamang sa pag-aaral sapagkat naniniwala silang ang mother tongue ng mga mag-aaral ay isang mabisang wika ng pagtuturo. Ani naman ng Teachers' Dignity Coalition (TDC), ang pagpabubuti ng pagpapatupad ng MTB ay mas mainam sa halip na tahasan itong suspindihin nang tuluyan.

Mula rito, sa bawat pagkalibing ng mga wikang ito, kasama na rin sa hukay ang kultura at tradisyon nito. Kaya sa bawat bigkas at pagpapantig ng ating sinasalitang wika, hindi lamang dapat isaalang-alang ang wikang Filipino. Sa halip, dapat ring gamitin ang buwang ito bilang isang pagkakataon upang tingnan ang mga wika ng kapuluan na nahihirapan, hindi sinusuportahan, at papasapit na sa huling hantungan. Sapagkat ang tinig ay dapat hindi hayaang humimlay sa limot na siyang pundasyon ng kasaysayan.

Hindi lamang koleksyon ng mga salita ang bawat wika—ito’y buhay na nagpapatuloy sa kultura at pagkakakilanlan ng isang komunidad. Ito ay isang wikang humihinga, nabubuhay, at namamatay na kapag naglaho, hindi lamang basta grupo ng mga salita ang mawawala kundi na rin ang identidad ng isang komunidad.

Atingan (pakinggan) ang wikang Agta at mga lenggwaheng mapagpalaya.