Isang Mabilisang Pagtingin tungkol sa Flexing
Vito Bongco
“Walang perpekto.”
Madalas natin marinig sa kung saang lupalop ang kasabihang “walang perpekto.” Minsan nga, may karugtong pa ito: “walang perpekto maliban kung ikaw ang Diyos.”
Sa panahon din natin ngayon, wala nang gaanong bigat ang mga academic achievements. Likas na mapagmatyag at mapanghusga kasi ang mga tao. Mananaliksik ka? Eh ano? May PhD ka? Edi wow! Ang siste, nagkamali ka at kahihiyan ‘yon. Dapat pinaninindigan mo na deserve mo ang tagumpay; kapag marami kang nagawa o malayo ang narating mo sa buhay, maraming nakaabang sa bawat kilos at salita mo.
Patunay nito ang nangyari kamakailan lang sa segment na Throwbox ng programang It’s Showtime na umere noong Setyembre 19. Sa naturang segment, natanong ang kalahok na si Tony Dizon–isang guro na kasalukuyang nag-aaral para sa doctorate degree–kung sino ang pinakaunang babaeng nahalal bilang pangulo ng bansa. Sa halip na Corazon Aquino, Gloria Macapagal-Arroyo ang naisagot niya.
Pero bago pa man nito, matatandaan din na sa simula ng episode, tinanong ng hosts si Dizon kung ano ang kaniyang pinagkakaabalahan sa kasalukuyan, at doon niya naibahagi ang kaniyang pagtatapos ng masteral at kasalukuyang pag-aaral ng doctorate.
Marami ang nagulat, hindi lamang ang mga host kundi pati na rin ang madlang people na nanonood nang live sa studio nang magkamali siya sa isang tanong na para sa pananaw ng karamihan ay madali lamang. Agad din itong naging usap-usapan online na para bang isang nagbabagang balitang kapuputok lamang.
Diskurso
Karamihan sa mga netizens na nagkomento ay nagkwestiyon kung bakit panay banggit si Dizon ng kanyang Master’s at doctorate ngunit hindi nasagot ang tanong tungkol sa kung sino ang unang babaeng pangulo ng Pilipinas.
Biro pa nga ng co-host na si Amy Perez, “‘Di ba? Dapat alam nating lahat ‘yon?” Ngunit mas seryoso ang nabahaging damdamin ng iba. Sa isang komento sa Facebook, may isang netizen na nagmungkahing dapat tigilan ng kalahok ang kaniyang pag-aaral para sa doctorate.
“Kung ako sa kanya, ihihinto ko na ang pag-aaral ko ng doctorate,” saad nito.
Kapwa guro naman ang mga nagtanggol sa kalahok. Ayon sa isang netizen na dating guro, “What should be the first reaction of an intelligent person when someone got a wrong answer? Kailangan ba ipamukha natin na bobo siya? If we know the answer, do we have the right to bash someone kasi he got it wrong?”
Panghuhusga
Halos isang linggo matapos ang paglabas ng episode, nagbigay ng mensahe sa isang Facebook post si Dizon. Dito niya binigyang linaw ang tunay na dahilan kung bakit ganoon ang naisagot niya.
“Sana naisip ninyo na what if you are in that position, na that’s a very basic question but dumadaloy sa’yo ‘yung pressure, so hindi ka makakasagot talaga,” ani Dizon.
Maaaring tingnan ang sitwasyong ito bilang salamin ng nakalalasong kultura ng panghuhusga ng mga Pilipino. May mga tiyak na katangian na iniugnay pa rin natin sa iba’t ibang ugali. Halimbawa, kung ikaw ay magaling magsalita ng Ingles, mayaman ka o ang pamilya mo. Kung mataas ang iyong pinag-aralan o galing ka sa pribadong paaralan, marami kang alam at hindi ka pwedeng magkamali. May nailalatag na tiyak o “perpektong” inaasam mula sa iyo, at kung hindi mo iyan maaabot, maaari kang tingnan bilang bigo.
Ang ganitong paraan ng pag-iisip ay may masamang naidudulot sa kalusugang pangkaisipan ng isang tao. Sa isang pag-aaral na inilimbag sa North American Journal of Psychology noong 2015, nakita na may makabuluhang positibong korelasyon ang socially-oriented perfectionism (panloob na inaasam mula sa ibang tao) at depresyon sa mga binatang Pilipinong itinuring na “gifted.”
Maapektuhan din ang ugnayan ng isang perfectionist sa ibang tao; ayon sa isang artikulo na nakalimbag sa American Psychological Association, maaaring magsimula ang isang perfectionist na umasang magiging perpekto rin ang kaniyang pamilya, mga kaibigan at ibang tao sa kaniyang kapaligiran.
Pagtanggap sa pagkakamali
Ang tanging magagawa nating lahat upang unti-unting mawala ang ganitong kultura ng paghuhusga ay pagtanggap na kahit sino ay pwedeng magkamali.
Sa kaniyang pahayag noong Setyembre 25, inako ni Dizon na nagkamali siya. Sinabi niya sa kaniyang mensahe, “I accept my mistakes, my flaws. 'Wag tayo masyado magalit.”
Nangako pa siyang, “I will continue to be a better version of myself… Yes, again, I made a mistake but it doesn’t mean I will just be there.”
Makabuluhan pa rin ang pagsisikap patungo sa mataas na pinag-aralan o kaya’y nagawa, ngunit hindi ito mahihiwalay sa pagtanggap na nagkakamali ang isang tao. Sa kabilang banda, ang pagtanggap na pwedeng magkamali ang isang tao ay pagtanggap sa kakayahan ng isang indibidwal na matuto sa kaniyang kamalian at lumago.
Sa bawat kilos at salita, tandaan nating walang perpekto sa mundo.