Joshua Pasion

 “Manong, para po!”

Sa kada biyahe, may dalang kuwento ang bawat pasahero. Ang bawat paglalakbay ay nagbibigay  daan sa mga bagong karanasang hinabi mula sa mga pagsubok at tagumpay. Sa bawat sakay, walang katiyakan ang hinaharap, ngunit dito umuusbong ang lakas ng loob at kakayahang makibaka sa mga hamon ng kapaligiran.


Tulad ng karera ng isang mamamahayag, nalilinang ang kanilang mga kakayahan sa paglipas ng panahon dahil sa kanilang mga sariling naratibo at karanasan sa daan. Nahuhubog ang kanilang kahihinatnan na siya ring bahagi ng isang mahabang paglalakbay na kanilang dinadala hindi lamang ang kanilang katawan kundi pati na rin ang mga minimithing pangarap. Kaya naman, sa bawat kanto na hihintuan ng kanilang biyahe, laging mayroong kuwentong nakaabang na mabuksan.

PRENO SA UNANG KANTO

Nagsisimula ang lahat ng biyahe sa unang hakbang—sa buhay ng karamihan ng mga mamamahayag, nag-uumpisa ang kanilang biyahe sa pamamagitan ng pagsali sa mga press conferences alinsunod sa Republic Act 7079 o ang Campus Journalism Act of 1991. Layon ng batas na ito na pagyabungin pa ang talento at ikintal sa isip ng mga kabataan ang kahalagahan ng pamamahayag sa pamamagitan ng mga patimpalak. Sa bisa nito, nagiging daan ang mga press conferences upang malinang ang kritikal na pag-iisip ng mga kabataan at mapalalim ang kanilang kaalaman sa pagsusuri ng mga isyung panlipunan.

Para sa marami, ang pagpasok sa larangan ng pamamahayag ay nagsisimula sa pagiging bahagi ng mga kompetisyon tulad ng School-Based Press Conference, District Schools Press Conference, Congressional Schools Press Conference, Division Schools Press Conference, Regional Schools Press Conference at ang pinakahuli, ang National Schools Press Conference kung saan ito ang pinakamataas na antas ng patimpalak para sa mga kabataang manunulat sa buong Pilipinas.

Kamakailangan nga lamang ay mainit na tinanggap ng Carcar City, Cebu  ang  nasa 3,145 mga campus journalists nitong NSPC 2024. Dito ipinamalas ng mga kampus mamamahayag sa iba't ibang rehiyon sa bansa ang kanilang natatanging husay at talento sa pagsusulat, pag-uulat, pagkuha ng larawan at pagbabahagi ng mga opinyon sa iba’t ibang usapin sa lipunan.

Karaniwang tinatawag na mga “Batang PresKon,” natututunan ng mga batang mamamahayag sa bawat kompetisyon ang mga pundasyon ng tamang pagsusuri, ang paglikha ng mga balanseng pananaw at pagiging mulat sa mga makabuluhang isyu sa komunidad. Ito rin ang nagsisilbing pundasyon ng mga tao kung saan ay ipinagpapatuloy nilang tahakin ang mundo ng pamamahayag sa kolehiyo maging sa kanilang mga trabaho.

“Maraming technical skills ang natututunan agad sa press cons, kaya pagdating sa college, hindi na siya ganoon ka-overwhelming. Bukod doon, ‘yung primary understanding mo ng societal issues ay nahuhubog na rin bilang batang press con. Pagdating ng college, mas mapapalalim mo pa ‘yung pag-unawa na ‘yon para mas ma-highlight ‘yung mga overlooked na isyu na kadalasang hindi nako-cover ng mainstream media,” saad ni Rafael Siriban, isang kasalukuyang mag-aaral ng Bachelor of Arts in Journalism.

BUSINA SA IKALAWANG KANTO

Subalit higit pa sa mga medalya at titulo, ang tunay na nagiging kayamanan ng karanasan ay ang pagkakaroon ng platapormang magamit ang kanilang mga boses. Nagiging mas malalim ang karanasan ng mga mamamahayag sa pamamagitan ng pagsali sa mga samahan ng pamamahayag sa kanilang paaralan o komunidad. Ang pagiging miyembro ng  media organizations sa loob o labas ng pamantasan ay makatutulong hindi lamang sa paglalatag ng mas marami pang oportunidad para sa bawat indibidwal kundi ay nagsisilbi rin itong pagsubok para malaman kung kaya nilang magsilbi sa bayan kahit walang kapalit.

Sa pagiging bahagi ng mga organisasyon, naghahandog ito ng mga oportunidad para maging konektado sa iba pang mga mamamahayag at mga propesyonal sa larangan saan mang sulok ng mundo. Nagbubukas ito ng mga pintuan upang maipamalas ang kanilang mga boses na talakayin ang mga isyu sa lipunan at itaguyod ang katarungan. Hinihikayat nito ang mga kabataan na ipaglaban ang kanilang mga paniniwala at makagawa ng pagbabago sa komunidad.

Dahil dito, maraming journalism organizations ang nagsisilbing training ground ng mga kabataang nagnanais sundan ang landas ng propesyon. Sa loob ng mga samahang ito, unti-unting nalilinang ang kakayahan sa kritikal na pag-iisip at kakayahang ipahayag nang buong tapang ang kanilang opinyon sa mga usaping mahalaga para sa komunidad. 

BALAKID SA DAAN

Gayunpaman, hindi maiiwasang makaranas ang mga mamamahayag ng mga aberya at hadlang sa daan. Sa paglipas ng panahon, dumarating ang mga problema na siyang sumusubok sa katatagan ng kahit sino man. Ang sitwasyon para sa mga mamamahayag sa Pilipinas ay hindi pa rin nagbabago—patuloy na malubha at nakababahala.

Sa kasalukuyan, naitala ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang 159 na insidente ng red-tagging laban sa mga mamamahayag mula noong 2016. Para dagdagan ang sugat, mula 2016 hanggang 2022, mayroong 23 na mamamahayag ang pinaslang. Ang lantarang pagpatay kagaya nito ay nagdudulot  ng chilling effect  hindi lamang sa mga nasa propesyon na kundi maging sa mga campus journalists na nagiging sanhi upang magdalawang-isip sila sa kanilang mga isinusulat at iniuulat na mga isyu. Nagsisilbing hamon para sa kanila ang pagharap sa mga banta sa kanilang seguridad na naglilimita sa kanilang kakayahang ipahayag ang kanilang mga opinyon nang walang takot.

Sa kabila ng mga balakid na ito, nananatiling matatag ang layunin ng bawat mamamahayag na magsalaysay ng katotohanan, gaano man kahirap o delikado ang daang tatahakin. Sila ang mga biyaherong hindi natatakot sa liko ng daan at handang humarap sa unos alang-alang sa kanilang sinumpaang tungkulin—ang maging tagapagtaguyod ng katotohanan.


BIDA SA KALSADA

Sa likod ng bawat balita at artikulo, ang tunay na bida at modelo ay ang mga taong walang sawang naglalakbay sa daan ng katatagan—ang mga mamamahayag. Sa kanilang mga kwento, nagsisilbing inspirasyon sa nakararami ang kanilang tunay na kulay ng buhay—ang mga pagsubok, aral at tagumpay na kanilang naranasan.

Hindi lamang sila tagapagsalaysay ng mga kuwento bagkus sila rin ay mga guro at gabay na nag-aalok ng kaalaman at pananaw sa kanilang komunidad. Sa bawat pahayagan at balita, ang kanilang tinig ay nagbibigay ng liwanag at pag-asa. May mga mamamahayag na nagsisilbing huwaran at inspirasyon sa lipunan, na nagiging modelo ng mga kabataan na hinahangaan at iniidolo. Dito, pinupulot ng marami ang mga aral na hindi lamang nakatuon sa kanilang sariling karanasan kundi pati na rin sa mas malawak na konteksto ng buhay.

Bilang simbolo ng katapangan at integridad, ang mga leksyong hatid ng mga mamamahayag ang nagiging salamin ng lipunan. Sa kanilang mga pagsusumikap na ipaglaban ang katotohanan at katarungan, ang kanilang mga kuwento ay nagiging batayan upang isulong ang pagbabago at pag-unlad para sa mas makatarungang bayan.

Sa paglalakbay ng buhay, hindi lamang ito tungkol sa kung saan patungo, kundi kung paano pinili at patuloy na pipiliing harapin ang mga pagsubok na magdadala sa mas maliwanag na bukas. Ang mga mamamahayag, bilang mga tagapaghatid ng kuwento, ay patunay na ang halaga ng biyahe ay nakasalalay sa mga karanasan at aral na natutunan sa daan. Dahil sa huli, ang lahat ng ito ay para sa taong bayan, harangan man ng sibat.

Kaya naman, sa bawat biyahe ng buhay, alalahanin na ang bawat hakbang, kahit gaano pa ito kaliit, ay may kahulugan.

“Manong, para po! Dito na po ako.”