Pagkamatay ng Kababalaghang Bumabalot sa Gabi ng Lagim
Ivan Howard Sumauang at Maricris Tulagan
Hilakbot at takot – dalawang bagay na madalas namamayagpag tuwing undas dala ng mga kakatwang kwento at nakakikilabot na mga nilalang. Mas nagiging katakot-takot pa ang panahong ito dahil sa mga programang nakapaninindig-balahibo, gaya na lamang ng Gabi ng Lagim.
Isa sa mga inaabangan tuwing undas dito ang mga pakulong Halloween Specials ng iba’t ibang palabas sa telebisyon. At isa nga sa pinakahihintay ng karamihan ang kilabot na dala ng mga kwentong tampok sa Gabi ng Lagim na handog ng programang Kapuso Mo: Jessica Soho (KMJS).
Inilabas ang unang edisyon nitong umikot sa kwento ng Kulam, Ang Mansyon at Horror Van noong ika-27 ng Oktubre 2013. Dahil pumatok sa kiliti at malikot na imahinasyon ng masa, nasundan pa at patuloy itong umeere tuwing undas na sinusubaybayan ng taumbayan.
PAGLAHO NG LAGIM
Bisita, Junjun at Diplomat Hotel. Iilan lamang ang mga halimbawang ito sa mga kwentong umabot ng higit sampung milyong views sa YouTube na inilabas noong 2016 at 2017. Makatotohanang pagsasadula, totoong ebidensya, mahusay na pagkakasulat at direksyon – ito ang mga naging sikreto upang mangilabot ang mga manonood.
Sa mahigit isang dekada nitong pagbibigay takot, para bang sa paglipas ng panahon, nawawala rin ang lagim na dala ng mga kwentong tampok dito. Sa komento ng mga netizen sa profile picture ng programa bilang teaser nito sa Gabi ng Lagim XII, nangibabaw ang mga nagsasabing sana ay hindi na maulit ang mga nakatatawang eksena.
"Hindi na nakatatakot [ang] mga istorya ng KMJS. [Imbes] na matakot ka, matatawa ka na lang. 'Yung mga multo nila pang comedy," komento ng isang netizen.
Noong 2022, bagamat ipinagdiriwang ng programa ang unang dekada nito, inulan ito ng batikos, partikular sa kwento ng tiyanak. Ang iisang dahilan ng netizens ay hindi na takot ang dala ng mga gumanap sa mga karakter nito dahil sa wangis at pagkilos nito na waring katatawanan ang dala.
Tinawanan na lang din ang kababalaghan sa ‘Auditorium’ na tampok din sa nasabing edisyon ng programa. Dahil ito sa karakter ni Sassa Gurl na putok na putok ang blush on. Dumagdag na rin ang katotohanang mas sanay ang manonood sa kanyang mga funny videos online.
Patunay lamang na tila nag-iiba na ang pananaw at nagsasawa na ang karamihan sa mga itinatampok na kwento ng programa.
MINUMULTO NG PANAHON
Malaki ang pinagbago sa pananaw ng mga tao sa paraan ng pagsasadula nila ng mga kwento. Para sa marami, hindi na ito kasing epektibo ng dati dahil ika nga nila, cringe na ang acting at hindi na nakakikilabot. Para sa mga manonood, hindi na anila angkop ang pagkakagawa sa wangis ng mga nakatatakot na nilalang. Madalas na hindi na rin nila maseryoso kahit ang mga kinakapanayam na mga espiritistang tulad ni Ed Caluag na nagiging laman pa ng mga nakatatawang post sa social media.
“Opinion ko lamang po ito, pero sa totoo lang po mas maganda ang production at stories ng KMJS Gabi ng Lagim dati kaysa ngayon. Ngayon kasi para bang yung mga sound effects [at] background effects ay pumangit na. At yung mismong production at stories ngayon ay kumbaga ay nag downgrade na,” komento ng isang manonood sa YouTube.
Sa paglipas ng panahon, mas tumataas na ang ekspektasyon ng mga manonood pagdating sa katatakutan. Hindi na epektibo ang paulit-ulit na tema ng kwento, wala nang kasindak-sindak na aabangan dito. Sa pagsulong ng teknolohiya, nag-aasam din ang mga ito ng mas makatotohanang produksyon ng pagsasadula at pag-arte.
“Sana yung mga old writers pa [rin] ng mga unang taon ng KMJS Gabi ng lagim. Sana maganda na ‘to ha mamaya puro re-enactment na naman to na may halong comedy,” ani rin ng isang netizen.
KILABOT MULA SA TIKTOK
Sa kabilang banda, pumapatok naman sa panlasa ng masa ngayon ang mga kwentong kababalaghan na matatagpuan sa TikTok. Lalo silang nangingilabot dahil sa mga makabagong paraan ng pagsasalaysay na sumasabay sa mga kasulukuyang pangyayari. Ilan sa mga inaabangan nila ang mga tagapagsalaysay na sina Sean Benedict, Jez Juarez at Therese Tiangco.
Higit na rin nilang nagugustuhan panoorin ang mga maiikling videos o ang reels na tinatawag. Madali rin kasi itong mapanood dahil walang mahabang patalastas kumpara sa Gabi ng Lagim.
Ayon sa mga tagapanood, biglaan ang paglabas ng mga videos na ito sa kanilang “for you page” at madalas na tumatapat sa gabi. Dahil na rin sa oras, mas nakadaragdag ito ng takot sa mga tagapakinig.
White Lady, manika, kapre at marami pang ibang mga kakatwang nilalang ang minsan nang nagbigay ng hiwaga mula sa telebisyon hanggang sa tahanan ng Pilipino dahil sa Gabi ng Lagim.
Pagsapit ng panahon ng katatakutan, ang telebisyon ay bubuksan upang abangan ang naturang programa na dala ay kababalaghan. Subalit, hindi rin ito nakaligtas sa mga pagbabago ng panahon at pananaw ng mga manonood.
Hinahanap-hanap nila ang inobasyon sa produksyon sa bawat edisyon na inilalabas sa bawat taon. Naghihintay na sana’y may maiinit nang istoryang hindi na basta karaniwan ang konteksto, tipong hindi nila mahihinuha at mahuhulaan agad ang daloy ng kwento. At pagsasadula na magpalalamig ng iyong katawan at magpatataas sa iyong mga balahibo.
Bagamat sementado na ng programa ang pangalan ng Halloween Special nito, higit na mahalaga ngayon na sana ay dinggin din ang mga saloobin ng mga tagapanood nitong ibalik ang dating paraan ng produksyon at direksyon, kung saan kasali na riyan ang pagkuha ng mga magsisipagganap at pangangalap ng kakaibang kwento.
Sa ika-12 na edisyon ng espesyal na handog ng programa, muling kumatok ito sa mga telebisyon na may layuning makapaghatid muli ng lagim. Ganoon pa man, hindi na tulad ng dati ang pagkasabik ng mga tao. Kapansin-pansin na naglaho ang kagustuhan nilang manood nito sa kadahilanang hindi na tulad noon ang karanasang ibinibigay nito. Kung noon, mapapapikit ka na lang sa takot at hilakbot, ngayon dilat na dilat na ang mga mata sa paghahanap ng ganitong pakiramdam sa Gabi ng Lagim.