Daniela Dizon, Aifer Jacutin at Stela Militante

Tuwing buwan ng Nobyembre, nagkakaroon ng pagdiriwang ng Halloween kung saan ang bawat sulok ay napupuno ng kababalaghan at katatakutan. Kadalasan pa ngang nagkakaroon ng trick or treat, kung saan ang mga bata ay nangongolekta ng samu’t saring candy na suot ang kanilang nakakakilabot na costume. Ngunit hindi kumpleto ang halloween kung wala ang mga nakakatawang mga karanasang ibinahagi ng mga tao. 


Sa araw ng mga patay, ang pagkabuhay naman ng mga takutan platforms. Dito, naglipana ang mga kwentong puno ng kababalaghan at misteryo na nag-iiwan ng kilabot sa isipan ng mga mambabasa. Iba’t ibang sanaysay ang mababasa ito, kabilang na ang pagpaparamdam ng mga ligaw na kaluluwa at iba pang mga kakaibang karanasan na humahabol hanggang sa kanilang panaginip. 

SINO ANG NASA PINTUAN? 

Isang bagong miyembro ng FB group na Let’s Takutan, Pare ang nagbahagi ng kanyang nakakikilabot na kwento. Ang insidente ng ibinahagi ng anonymous member ay nangyari sa isang condo unit na kanilang nirentahan noon, isang lugar kung saan maraming kwentong kababalaghan ang kanyang naririnig. Sa araw na iyon ay nagpasya siya na samahan ang kanyang anak sa trick or treat; silang tatlo lang ang magkakasama sa condo unit – ang kanyang dalawang taong gulang na anak at ang kanilang kasambahay. 

Alas-tres ng hapon, habang ang ina ay abala sa paggawa ng costume, narinig niya ang tunog ng doorknob na umiikot at ang pintuan na bumubukas at nagsasara paulit-ulit. Akala niya ay ang kanyang anak na nagtatangkang makatakas sa silid, kaya naman hindi niya ito pinansin noong una.

Nang pumatak ang ala-singko ng hapon, inaya niya na ang kasambahay na umalis ng bahay. Samantala sinabi ng kasambahay na hindi makatulog ang bata dahil sa ingay ng pintuan na siya namang nagdulot ng takot sa ina. Tumaas ang kanyang balahibo nang malaman niyang hindi ang anak o yaya ang nagbubukas ng pintuan. 

“I thought it was you,” ang tanging nasabi ng nanay. Agad silang nagbihis at umalis ng bahay nang walang pagdadalawang-isip. 

Nang gabing iyon, nagkwento ang ina sa kanyang asawa. Nagmungkahi naman ang asawa nito na magsindi ng mga kandila at manalangin para sa mga kaluluwang naligaw sa araw ng mga kaluluwa.


HAGUPIT NG MULTO

Sa muling pagbuhos ng ulan, bumalik ang alaala ng isang netizen matapos ang pananalasa ng bagyong Ondoy. Sa kaparehong grupo na Let's Takutan, Pare, ibinahagi niya sa isang anonymous post ang kababalaghang naranasan niya matapos ang bagyo. 

Araw ng trabaho noon at kinukutuban siya ng kakaiba – hindi sila sa karaniwang ruta dumaan papunta sa opisina. Sa halip, umikot sila sa Marcos Highway, palayo sa mas diretsong daan sa Marikina Bayan patungong Riverbanks. Ngunit dahil na rin sa paghupa ng mataas na lebel ng tubig sa mga lugar na iyon, abala pa ang mga tao sa paglilinis. Kaya naman mas pinili nila ang ibang daanan. 

Sa kanilang pag-uwi, bumalik sila sa dati nilang ruta. Gabi nang magawi sila sa harap ng isang subdivision na nasalanta ng bagyo. Dahil sa bahagyang traffic, napatagal ang kanilang pagtigil sa naturang lugar. Agad niyang naamoy ang halimuyak ng burak, putik, basura at ang pagkabulok na pumupuna sa hangin. Kahit sinubukan niyang hindi magpaapekto sa kanyang nararamdaman, mas lalo lamang itong nakadagdag sa kanyang takot dahil habang nakatingin siya sa labas ng bintana ng sinasakyan, ay siya ring unti-unting pag dilim ng paligid.

Tila eksena sa isang horror movie ang kanyang naging deskripsyon sa pangyayaring iyon. Naririnig niya ang kumakalampag na tunog sa bintana, iyak at mga sigaw na tila bumabalot sa kanya. Nang akala niyang lilipas din ito kasabay ng gabi, ngunit siya ay nagkakamali.

Sa tuwing sasapit ang tag-ulan at may pagbaha sa siyudad na iyon, naririnig at nararamdaman niyang muli ang mga sigaw at panaghoy sa malamig na gabi. At ngayong may bagyo na naman, malakas ang ulan at tumataas ang tubig, maaaring maulit muli ang eksenang iyon. 

Bago tapusin ng netizen ang kanyang kwento, nagbigay siya ng babala sa mga mambabasa: 

“Mag-ingat kayo sa pagdaan sa lugar na iyon. Baka sa susunod, kayo naman ang katukin nila.”

KABABALAGHAN SA RUFINO BLDG.

Isang anonymous member din ang nagbahagi ng kanyang karanasan. Sa isang kilalang building sa Makati ang naging sentro ng kanyang salaysay. Hindi niya pinangalanan ang gusali subalit kasama sa kanyang post ang “Rufino Building”

Hindi lamang isang beses ang kanyang naging karanasan dahil naging consistent din daw ito. Una niyang ibinahagi na madalas siyang makarinig ng mahinang tunog ng telepono kahit pa maliit iyong office. Ang nakakikilabot pa rito ay kahit isa-isahin niya ang telepono sa opisina, ‘di niya mahanap kung nasaan ang tunog. Pangalawa, may mga karanasan din daw sila na kapag papasok sa umaga, may nakikitang mga bakas ng kamay sa pinto na galing sa bata, ngunit wala namang bata sa kanilang opisina. 

Sabi pa ng kanilang office helper, may isang palapag kung saan tunay na nakatatakot dahil violent ang pagpaparamdam. May pagkakataon pa nga raw na gumagalaw ang upuan at naglalaglagan ang mga gamit kahit wala namang tao sa paligid. 

Marami ring netizens ang nagbahagi ng kanilang karanasan sa comment section ng post: 

“Nag-work ako dati dyan, sa 7th floor office namin. Kapag ikaw lang mag-isa sa elevator, biglang hihinto sa floor na walang tenant. Tapos sa area ng secretary namin palaging may naaaninag na nakatayo, kala ng iba guest na naghihintay para makapasok sa office ng boss,” saad ng isa. 

Bukod pa rito, may usap-usapan din na mayroong guard na binawian ng buhay dahil pumasok sa elevator, ngunit wala iyong bagon kaya ito ay nahulog. Ang nakalulungkot pa rito, hindi agad nahanap ang bangkay ng naturang guard kaya kapag ginamit iyong elevator, naiipit daw ito.

Hanggang ngayon, ang kababalaghan na bumabalot sa Rufino Building ay nananatiling misteryo na patuloy na naghahatid ng lagim sa mga nagtatrabaho roon. 


SALAMIN, SALAMIN, BAKIT MAY IBANG NAKATINGIN SA ‘KIN?

Ang Unibersidad ng Santo Tomas, isang prestihiyosong institusyon, ay kilala sa taglay nitong kahusayan at angking kagandahan. Ngunit sa likod ng mga makukulay na kwento ng tagumpay at pag-aaral, may mga anino ng takot na bumabalot sa mga pasilyo nito. Sa bawat sulok, hindi mo alam kung ito pa ba ay bakas ng nakaraan o mismong mga taong hindi na dapat nariyan–mga kuwentong naglalakbay, nagtatangkang ipakita ang kanilang naratibo ng pighati at pagkabigo. 

Isa sa mga istoryang ito ang patuloy na bumabalik sa isipan ng isang estudyante na nagngangalang Carlie noong 2010. 

Isang hapon, habang dumidilim na ang paligid ay nagpaalam ang kaibigan ni Carlie na siya ay magbabanyo. Sarado na ang ibang gusali, kaya napilitan itong pumasok sa main building, na kilala sa mga kwento ng kababalaghan. Habang siya ay paakyat, nakasalubong niya ang janitor na ang mukha ay puno ng pag-aalala. 

Pagdating doon, tila normal ang paligid. Nakahinga siya nang maluwag nang marinig ang pagbukas ng pinto sa kabilang cubicle. Inakala niya noong una na may pumasok pero wala naman siyang narinig na may tao sa loob. Tiningnan niya isa-isa ang mga cubicle at natuklasan niyang siya lamang pala ang tao rito. Papalabas na siya nang biglang magpatay-sindi ang ilaw. 

Sunod-sunod na kusang bumubukas ang pinto ng bawat cubicle, at sa takot, nagsimula siyang magdasal. Ang mga dingding ng banyo ay tila nababalot ng isang malamig na hangin, na parang may presensyang nagmamasid mula sa dilim. Lumapit siya sa salamin upang manalangin, at nang idilat niya ang kanyang mga mata, halos mapatili siya nang makita ang repleksyon ng isang babae na nakatingin sa kanya habang nag-aalab ang mga mata nito at nakalabas ang duguang dila, na tila sinasabayan ang kanyang pagdarasal at nilalaro pa ang buhok na parang inaasar siya. 

Biglang bumukas ang pinto, at naroon ang janitor, subalit ang mukha nito ay namutla sa takot. 

“Sinundan kita para balaan,” sabi nito sa kanya gamit ang nanginginig na boses. 

Sa pagkakataong iyon, tuluyan siyang nawalan ng malay, ang kanyang isipan ay naguguluhan sa mga tanong. 

Sino nga ba ang naturang babae? Ang kilabot na iyon ay nanatiling nakabuntot kay Carlie, sapagkat sa bawat pagtapak ng kanyang mga paa sa UST, ang takot na nagkukubli sa likod ng mga anino ay muling magbabalik dahil ang mga kaluluwa ng nakaraan ay hindi kailanman magpapaalam.

ANG ELSA NA AYAW MAG-LET GO

Noong Pasko ng 2013, isang masayang araw ang sumalubong sa isang pamilya nang matanggap nila ang manikang si Elsa mula sa kanilang ina, si Emily Madonia. Ang manikang ito ay tila isang obra maestra, may makintab na buhok at isang damit na kasing ganda ng sa pelikula. Sa bawat pindot sa tiyan nito, umaawit ito ng “Let It Go,” na puno ng saya at ligaya na siya ring paborito ng mga bata sa bahay. 

Ngunit 'di kalaunan, nagbago ang lahat. Noong 2015, nagsimulang magparamdam ang kakaibang kapangyarihan ng manika. Habang pinipindot ito, hindi na lamang ang awiting Ingles ang lumalabas, kundi isang nakakatakot na bersyon sa Espanyol. Sa bawat salin ng awitin, tila may kasamang anino ng malas na dumarating. 

Mula 2015 hanggang 2019, sunod-sunod na aksidente at kabiguan ang sumalot sa kanilang pamilya: mga basag na salamin, nagugulong kasangkapan at mga maling kwentong nakararating sa kanilang mga kaibigan. Ang dating masayang tahanan ay naging isang lugar ng takot at pangamba lalo na noong kinakapos na rin sila sa pera. 

Dulot na rin ng kanyang pagkabahala, nagdesisyon si Emily na itapon ang manika. Subalit kinaumagahan, nakita niya ang manikang Elsa na nakaupo sa kanilang sofa na tila mas lumawak ang ngiti na para bang sinasabi nitong hindi pa siya tapos. Agad niyang tinanong ang kanyang mga anak kung may kumuha ba sa kanila nito mula sa basurahan. Tumaas ang kanyang boses at nagalit pa siya.

Hindi nagtagal, natagpuan nilang nakahiga sa sahig ng ibang kwarto ang manikaat may pagkakataon ding tumatabi pa ito sa kanilang kama na parang sila ay pinagmamasdan habang natutulog. Ang mga mata nito, na dati’y puno ng kasiyahan, ngayo’y puno ng poot at pagkamuhi. Sa bawat pagdapo ng kanilang mga paa sa sahig, tila may isang boses na bumubulong sa kanila mula sa dilim, “Let it go…” na parang humihingi ng tulong, ngunit ang tono ay puno ng banta.

Nang muling tinapon ito ni Emily, sinigurado niyang kasama ito sa garbage collecting day. Kaya naman para makapagpahinga mula sa kababalaghang nangyayari sa kanila, ang pamilya nila ay nagpasyang magbakasyon. Pero pagbalik ay isang nakabibinging katahimikan ang bumungad sa kanila. Nakaluhod ang manika sa harap ng gate, nakatingin, tila nag-aantay. Ang mga mata nito, malalim at puno ng lungkot, ay tila sinasabi na wala itong balak na umalis. Ang malamig na hangin ay pumasok sa kanilang tahanan, nagdala ng pawis at takot.

Dito nagpasya ang pamilya na humingi na ng tulong sa kakilala nilang albularyo dahil ang manikang dati’y simple lamang, naging simbolo na ng takot na bumabalot sa kanilang bahay at buhay.


ANG SIKRETO NI PROF

Sa isang tweet noong 2022, ibinahagi ni Professor Delos Reyes ang kanyang “sikreto” noong may face-to-face classes pa bago ang pandemya. Siya raw ang tipo ng propesor na mahilig magpaayos ng pagkakaupo ng mga estudyante, base sa pagkakasunod-sunod sa alpabeto ng kanilang mga apelyido. Kumbaga ang mga estudyante ay naka-alphabetically arranged kapag siya ang magtuturo. 

Ang sabi naman ng kanyang mga estudyante sa kanya ay hindi raw nila nakasanayan ito. Subalit sinabi niya na mahina siya sa pagtanda ng mga pangalan kaya mas makikilala niya ang mga estudyante kapag sunod-sunod sila. 

“Madali kong malalaman kung sino ang absent kapag may bakanteng upuan,” dagdag niya pa. 

Sa huli, pumayag naman ang kanyang mga estudyante. Ano nga ba ang sikreto ni Prof?

Noong bago pa raw siya sa UST, maaaring umupo ang kanyang mga mag-aaral kung saan sila komportable. Subalit isang araw, napansin niya ang isang estudyanteng hindi na muling nagpakita matapos ang dalawang linggong klase. Iyon daw ang matangkad na lalaking nakaupo sa bandang likuran.

Sa isip-isip niya baka raw nag-drop na ito. “Sayang ang pinasok. Tumatawa pa naman siya sa jokes ko.” 

Tinanong niya ang isa sa kanyang mga estudyante na nakaupo rin sa bandang likuran kung alam niya ba kung nasaan na ang kaklase nilang palaging nandoon malapit sa pinto. Ngunit maging sila, hindi alam kung nasaan ito at wala anilang nakikitang nakaupo malapit sa pinto. Ayon kay Prof. Delos Reyes, dalawang beses na raw itong nangyari sa magkaibang klase.
Ang mga kwentong kababalaghan ay hindi lamang aliw kundi isang salamin din ng ating kolektibong kaisipan, kung saan pinagsasama-sama ang karanasan at paniniwala. Sa pamamagitan ng mga kwentong ito, nagkakaroon tayo ng bukas na isipan sa mga misteryong bumabalot sa ating mundo. 

Ngunit mag-iingat sa binabasa, dahil hindi lahat ay kathang-isip lamang. Baka mamaya ang nilalang sa kwento ay katabi mo na. Sa pag-ikot ng kwento, maaaring may mga mata na nagmamasid sa iyong likuran, nag-aabang ng tamang pagkakataon upang ikaw ay samahan.