Daniela Adelaide Dizon at Aifer Jessica Jacutin

Para sa mga mahilig pumorma, mabenta ang mga ukay-ukay. Bukod sa mga murang kasuotan, bidang-bida rin dito ang mga damit na pasok sa iba’t ibang istilo ng sinuman. Ngunit, ano kaya sa tingin mo ang mangyayari kung buy one take one ang mga kasuotan sa ukayan kung saan sa bawat isang damit ay may kasamang kaluluwa?



Mula noon hanggang ngayon, nakasanayan na ng maraming Pilipino ang pag-ukay. Halukay rito, halukay roon, hanggang sa naging bahagi na ito ng ating kultura. Kaya naman kahit saan ka magpunta, kapansin-pansin ang hilera ng mga ukayan sa bawat bayan. Maging sa social media, laganap na rin ang mga thrift shop at online sellers na nagbebenta ng mga lumang gamit. 

Pagdating kasi sa mga ukay, maaari kang maka-chamba ng mga pinaglumaan ngunit matitibay pang mga kagamitan at kadalasa’y branded pa! May mga pagkakataong mukhang bago, may kaunting mantsa o ‘di kaya’y hindi kapansin-pansin na butas subalit maganda pa rin kapag isinuot. Minsan nga hindi lang mantsa kundi pati na rin amoy na hindi maalis na marahil bakas ng dating may-ari nito. 

Talaga nga namang buhay na buhay ang industriya ng ukay-ukay sa atin. Ngunit buhay pa kaya ang unang may-ari ng mga mabibili rito?

AKBAY-UKAY

Isa si Ritchel sa mga masugid na konsumer ng ukay-ukay mula noong siya ay dalaga pa. Ngunit sa isang kakatwang karanasan, itinigil na niya ito. Sa isang panayam, ibinahagi niya ang nakapaninindig balahibong dahilan. Ayon sa kwento ni Ritchel, mayroon siyang natipuhang damit na agad niya namang binili, inuwi at sinuot matapos labhan. 

Ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan, nakaramdam siya ng malamig na hanging tila humaplos sa kanyang batok at ang nakapagtataka pa raw ay sarado naman ang mga bintana. ‘Di nagtagal, agad na sumama ang kanyang pakiramdam kasabay ng pagbigat ng kanyang balikat – naparang may nakaakbay sa kanya.

Hindi niya ito masyadong pinansin subalit nang kinagabihan na, nahirapan siyang matulog kaya naman hindi siya mapakali buong gabi. Sa huli, minabuti niyang itapon ang damit.

KILABOT NG DENIM PANTS 

Naranasan mo na rin ba ang mga pagkakataong tila may nakatitig sa iyo sa tuwing pipikit ka? 

Ganyan ang naging karanasan ni Aneza mula nang dumating ang order niyang denim pants galing sa TikTok. 

Dumarating ang mga gabing hindi siya makatulog dahil sa tuwing pipikit siya’y may mga matang nakahanda nang tumingin sa kanya – kahit mag-isa lang naman siya sa kwarto. Aniya, may pagkakataong napansin niyang tila ba may isang aninong nakapalibot sa kanyang kwarto nang minsan niyang ilibot ang kanyang mata. Dagdag pa niya, pinilit niyang ipinipikit ang mga mata para makatulog subalit hindi niya tuluyang maisara ang mga talukap dahil para bang may kung anong pumipigil sa kanya.

Tila isang pagbabanta ng kanyang katawan na kailangan niyang bantayan ang sarili sa ilalim ng madilim na gabi. 

BLUSANG PUTI

May sarili namang kwento ng katatakutan si Ranny. Pagbabahagi niya, nang makauwi siya galing sa trabaho, sinukat niya kaagad ang damit na nabili galing sa ukay upang tingnan kung babagay ito sa kanya, ngunit hindi niya namalayan na unti-unti nang bumigat ang talukap ng kanyang mga mata at tuluyan nang nakatulog suot ang damit na iyon. Agarang nahinto ang kanyang mahimbing na pagtulog nang maramdaman niya ang mga daliring unti-unting bumabalot sa kanyang leeg. Hindi siya makahinga at kahit na anong sigaw niya, walang boses na lumalabas sa kanyang bibig. 

Sa bawat segundong lumilipas, ramdam na ramdam niya ang galit ng humahawak sa kanyang leeg dahil pahigpit nang pahigpit ang kapit nito. Wala rin siyang maaninag na mukha at hindi malinaw kung sino ang sumasakal sa kanya. Subalit malinaw sa kanya na suot ng elementong iyon ang blusang puti na nabili niya. Sa pagkakataong iyon, napadasal na lamang siya. Hindi na niya namalayan na nagising siyang naliligo sa malamig na pawis. 

Hindi na niya hinintay pa mag-umaga at hinubad na niya ang damit at itinapon ito sa basurahan. 

ANG BESTIDA SA MARKETPLACE 

Sa karanasan naman ni Kitty, ang bestidang nabili niya mula sa FB Marketplace ay nagbigay sa kanya ng 'di maipaliwanag na pakiramdam. Matapos niyang labhan ang damit, tumaas ang kanyang temperatura at nilagnat kasabay ng lubhaang pagbigat ang kanyang pakiramdam. Kinombulsyon siya at sa kanyang pagtulog, napanaginipan niya ang sarili na dinadasalan at sinusunog ang bestida. Kinaumagahan, tinapon na niya ang damit na iyon.

TAGONG ALAALA SA LIKOD NG JACKET

Sa isang kilala at dinarayong ukayan sa Caloocan, natagpuan ni Vel ang vintage jacket na umagaw sa kanyang atensyon. Naakit daw siya sa vintage jacket na kanyang nakita dahil ito ay kakaiba sa mga kasama nito – mukhang bago, branded at maganda ang disenyo. 

Sa unang dampi ng kanyang kamay sa damit, para daw itong puno ng mga alaala. Hindi niya maipaliwanag kung ano iyon kaya binalewala niya ito. Sinuri niya ang jacket at nakakita siya ng mga patch na bagay sa disenyo nito at dahil mura lang, binili niya kaagad ito. Sabik siyang umuwi dahil pakiramdam niya ay naka-jackpot siya. 

Nang makarating sa bahay, nilapag niya ito sa upuan ng kanyang kwarto at dahil sa pagod, nakatulog siya. Kinagabihan na nang siya ay gumising. Tila ba naalimpungatan siya dahil sa bumibigat niyang pakiramdam. Hindi naman daw siya nakaramdam ng takot subalit bumigat ang kanyang pakiramdam at hindi niya maipaliwanag ang dahilan pero ang saad niya “parang may mali.” 

Bumalik na siya sa kanyang pagtulog at binalewala ito. Kinaumagahan, muli niyang sinuri ang jacket para labhan. Sa hindi inaasahang pangyayari, nakakita siya ng mga letra sa loob ng jacket na para bang initials ng pangalan ng isang tao.

Mula noon, nag-iba na ang tingin niya sa jacket at sa tuwing sinusuot niya ito, nakararamdam na umano siya ng kakaibang presensya. Hindi niya maipaliwanag nang maigi pero alam niyang may nakatagong alaala sa jacket na iyon. Hindi naman daw nagpapakita ang presensya subalit nagpaparamdam daw ito sa pamamagitan ng bigla-biglang paglakas ng hangin tuwing suot niya ito. Matagal na raw wala ang jacket na iyon mula nang kunin ito ng kanyang ina. 

HUKAY-UKAY? 

Ayon sa mga sabi-sabi, ang mga ukay-ukay na binebenta ay galing sa mga taong maysakit o sa mga yumao. Sa pag-aaral na ginawa ni Luisito Abueg, lumabas na iniimport sa ating bansa bilang donasyon o pasalubong ang mga damit na ibinebenta sa ukay-ukay. Kaya naman walang nakaaalam kung ang may-ari noon ay buhay pa o nakalibing na.

Ayon naman sa ilang mga eksperto, maaaring makakuha ng sakit mula sa paggamit ng mga ukay-ukay gaya ng mga skin disease at allergy.

Sa kabila ng mainit na pagtangkilik sa merkado, ang industriya ng ukay-ukay ay isa ring uri ng smuggling kaya naman illegal ito sa ating bansa. Hindi kasi dumadaan sa tamang proseso ang mga ito at pinupuslit lang. Nakasaad sa Republic Act 4653 na bawal ang mag-import ng mga used clothing o ukay-ukay. Ang sinumang mapatunayang lumabag sa batas na ito ay magmumulta ng ‘di bababa sa 200 PHP hanggang 20,000 PHP libong piso at maaaring makulong ng dalawa hanggang limang taon.

Upang mas maging ligtas sa pagbili ng ukay-ukay, may mga bagay na dapat isalang-alang: 

Una ay siguraduhing malinis ang mga damit bago isuot sa pamamagitan ng pagbabad sa mainit na tubig at paggamit ng disinfectant at malalakas na detergent upang matanggal ang anumang bacteria o virus. 

Sakaling may pangamba sa pinanggalingan ng binili, may paraang binahagi ang ilang nag-uukay: “Kaya dapat binubudburan ng asin bago gamitin. Pampaaalis ng familiar spirits. Mahilig din ako bumili ng ukay at nilalagyan ko ng asin bago gamitin,” wika ni Miran na isang mamimili ng ukay. Nakaayon din ito sa misogi, isang tradisyon ng mga Hapon, kung saan ang asin ay ginagamit pantanggal ng maruruming espiritu.

Maging mapanuri rin sa pinagmulan ng mga damit at iwasan ang pagbili mula sa mga tindahang hindi sumusunod sa tamang proseso ng pag-angkat, dahil maaaring hindi legal ang kanilang pagbebenta.

Hindi maipagkakailang isang abot-kayang alternatibo para sa mga gustong makatipid sa pagbili ng damit ang ukay-ukay. Gayunpaman, mahalagang maging maingat sa pagbili dahil sa mga posibleng panganib na dala ng mga second-hand na damit, mula sa kalusugan hanggang sa kakaiba at hindi maipaliwanag na karanasan. Bagamat hindi lahat ay naniniwala sa mga kakaibang kwento tungkol sa ukay-ukay, mas mainam nang sigurado sa kaligtasan.