Gabay lakbay: ‘PAANO PUMUNTA’ bilang iwas ligaw Facebook group ng mga komyuter
Aifer Jessica Jacutin
Sa rami ng mga pasikot-sikot na eskinita at kalye lalo na sa Metro Manila, hindi maiiwasan na malito kung paano pumunta sa paroroonan, saan banda sasakay at ultimo ano ang sasakyan.
Ngunit huwag na mag-alala. Sagot na ng Facebook group na PAANO PUMUNTA: A Community Guide for Commuters PH ang mga komyuter na nais makarating sa kanilang pupuntahan.
Taong 2022 nang mabuo ang grupong ito upang magbigay-gabay ukol sa mga pangunahin at alternatibong ruta ng isang biyahe, lalo na sa Metro Manila.
Bilang ito ay nakapubliko, maaaring makita ang mga post kasali man o hindi sa grupo. Sa kasalukuyan, mayroon na itong mahigit 237,000 miyembro, kung kaya kahit kaka-post mo pa lamang ay marami ang maaaring sumagot sa iyong tanong.
Ang mga ganitong komunidad online ay hindi lang nakatutulong sa mga hindi sanay bumiyahe, ngunit nagbubukas din ng bagong kaalaman para sa mga daan na hindi tanyag sa karamihan.
Sa ngayon, karamihan ng mga natutulungan sa grupo ay mga taga-Metro Manila. Subalit saklaw rin nito ang mga tao na nagtatanong ng ruta sa iba pang bahagi ng bansa tulad ng Cavite, Bataan, Batangas, Marinduque, Cebu, Cagayan de Oro at marami pang iba.
Mayroon ding mga community chats na nakapangalan sa mga rehiyon sa bansa tulad ng NCR - National Capital Region, Region IV-A - CALABARZON at BARMM . Sa ganitong paraan, mas madaling makapagbabahagi ng mga kaalaman ang mga tao mula sa rehiyong kinabibilangan nila ukol sa mga shortcuts at ruta. May mga community chats din ng BEEP CARD INQUIRIES, ANNOUNCEMENTS/UPDATES at GO-TO PLACES SUGGESTIONS. Mas napapadali nito ang paghahanap ng impormasyon na nais mong makuha dahil nakaayos ito base sa pangunahing paksa.
Hinihikayat ng mga group admin at moderator na gamitin ang search tool sa grupo para mas mapabilis ang pagsagot dahil maaaring nasagot na ang tanong mo noon pa.
Boses ng komunidad
Bukod sa direksyon o sasakyan, may mga nagbabahagi rin ng mga paalala at tips sa mga komyuter gaya ng mga paraan kung paano magbayad, mga kumakalat na modus, hakbang kung paano magreklamo at marami pang iba.
Marami na ring mga miyembro ang nagpo-post ‘anonymously’ upang ipaabot ang kanilang pasasalamat sa Facebook group na ito.
Ang sabi ng isa sa mga natulungan, “salamat sa group na ito, nakarating kami ng Clark at nakabalik ng Cavite dahil sa mga helpful posts dito.” Nagpasalamat din ang isang member sa isang post at sinabing maraming beses na siyang natulungan ng grupo lalo pa at baguhan lamang siya sa lungsod.
Ganoon din ang pananaw ni Jane Toledo, isang aktibong miyembro ng PAANO PUMUNTA Facebook group nang tanungin kung paano nakatulong sa kanya ito. “Malaki po ang naitutulong nito lalo na po sa mga di sanay mag-commute, ginagabayan po ng tama sa paglalakbay para sa mas mabilis, ligtas at mas mura or affordable ways sa pagbiyahe.”
Isa pang miyembro ang nagkomento ng kanyang karanasan kung paano siya natulungan ng komunidad na ito online.
“Malaking tulong po talaga itong group kasi madalas detailed yung instructions ng members na sumasagot sa questions and since marami na po ang member ng community, nakakapag-provide rin po sila ng different options na pwede natin, as commuters, mapag-compare at siyempre magamit just in case ‘di po ubra yung nakasanayan nating route.”
Maging ang mga miyembro na hindi pa nakakapag-post ay natutulungan ng grupong ito gaya ni Elisha Victorio na sinabing “although hindi pa po ako nakakapagtanong personally, nakakatuwa po na may mga natututunan din akong ibang paraan ng pagcommute bukod sa mga nakasanayan ko papunta sa isang lugar. Magandang platform din ang community na ito na makatulong sa ibang mga commuter na nagtatanong at makagawa ng mabuti sa kanila, paying it forward ika nga.”
Isang anonymous member naman ang nagpasalamat dahil nabigyan siya ng pagkakataon upang makatulong. “Admin, thank you sa fb group na ‘to. Nag-eenjoy akong sumagot sa mga tanong pag alam/familiar ako [roon] sa way ng commute.”
Kaya kung ikaw ay may kaalaman at nais makatulong, maaaring makibahagi sa diskusyon sa nasabing grupo. Nabubuhay ang bayanihan kung mayroon kang Juan na natutulungang makarating sa paroroonan.