PH men's football team sinipa Indonesia, balik ASEAN Cup semis
Josel Sapitan and Vincent Kierk Tugnao
Aabante patungong semifinals ang Philippine Men’s National Football Team matapos itakas ang mainit na salpukan kontra Indonesia, 1-0, na tumuldok sa anim na taong kabiguan sa ASEAN Mitsubishi Electric Cup, nitong Sabado, Disyembre 21, sa Manahan Stadium sa Surakarta, Indonesia.
Photo Courtesy of ASEAN United FC. |
Sinalba ni Fil-Norwegian forward Bjorn Kristensen ang Pilipinas sa pamamagitan ng isang penalty kick na kumandado sa second spot ng Group B at tumapos sa semis drought ng pambansang koponan.
Nasundan na ang kampanya ng national team noong 2018 sa Suzuki Cup sa pamumuno ni Philippines head coach Sven-Goran Eriksson.
Bagaman maagang napalitan ang Pinoy goalkeeper Patrick Deyto sa ika-siyam na minute-mark ng opening frame dahil sa natamong injury, hindi binigo ni Quincy Kammeraad ang defensive line at pinanatiling goalless ang Indonesia sa unang kalahti na may limang saves.
Sumubok umatake sa midway ng laban ang Indonesian winger Marselino Ferdinan ngunit kinapos ang kanyang game-leading kick nang tumama ito sa corner bar sa ika-39 na minuto ng laban.
Bago ang halftime, hinatulan ng red card ang Indonesian defender Muhammad Ferarri matapos ang pagsuko kay Philippine team captain Amani Aguinaldo, rason upang bumaba na lang sa sampung manlalaro ang koponan ng Indonesia.
Nakalikom ng tyansa ang Pilipinas nang mabigyan ng handball violation ang Indonesian player Pratama Arhan at dito nagpamalas ng right-footed penalty goal si Kristensen sa 63 minuto ng laban.
Tangan ang 1-0 kalamangan, naunsyami ang white-and-blue kickers na sina Uriel Dalapo at Jarvey Gayoso na iangat ang kartada matapos kapusin ang kanilang mga attempt.
Nagpakita ng tatag at tikas ang mga Pinoy sa pangunguna ni Aguinaldo nang pigilan ang long throws ng Indonesia sa mga huling sandali ng laro at nagresulta ito sa pagkawagi ng Pilipinas.
Nakuha ng Philippine squad ang kabuoang anim na puntos upang remedyuhan ang tatlong draw sa Laos, Myanmar, at Vietnam na sumelyo sa kanilang pagbabalik sa knockout stage.
Balik Maynila na ang koponan ng mga Pinoy na tatapat sa Group A winner Thailand sa Disyembre 27 sa Rizal Memorial Stadium, at magbibiyahe pa-Bangkok sa Disyembre 30 para sa two-legged semifinals.