Jahreez Octaviano, John Phillip Morales at Angeline Ashlee Marquez

Sa Pilipinas, hindi lamang parol ang isinasabit tuwing Kapaskuhan. Kasama na rin dito ang mga mga pusong patuloy na naghahanap ng mga taong magpaparamdam sa kanila ng totoong diwa nito.  


Kahit isang beses sa ating buhay, naranasan na natin ang maghabol – pag-eensayo ng sayaw, sa deadline ng mga gawain sa paaralan at sa mga ninong at ninang na parang nawawala tuwing Disyembre. 

Ngunit higit pa riyan, marami ang naghahangad ng pagmamahal, lalo na tuwing Pasko. Sapagkat sa panahong ito, ang puso’y nag-aasam ng koneksyon – isang pagmamahal na nagbibigay init at papawi sa lamig ng magdamag.

Single Bells Rock 

Marami sa mga single ang nangangarap na matatagpuan ang kanilang “the one” lalo na kapag sumasapit ang ber months.

Ang mga parinig sa mga social media platforms kagaya na lamang sa Facebook ang kadalasang paraan ng mga single at heart. Depende sa trip ng mga tao, mayroong gustong magkaroon ng “the one” sa simbang gabi. ‘Yong tipo na makaka-holding hands nila papunta sa simbahan, o ‘di naman kaya’y makakasalong kumain ng puto bumbong pagkatapos ng misa. Mayroon ding nauuso ngayon na “rent a jowa” meme kung saan may rate ang mga gawain na pang-magkasintahan. 

Ngunit pwede namang ilaan sa ibang paraan ang paggunita ng Pasko.

Una na ang paggunita nito kasama ang pamilya at kaibigan. Para sa marami, mas pinipili ng mga single ang pakikipagkita sa mga kaibigan o kaya ang “bonding” sa pamilya dahil tuwing panahon ng Pasko lamang nagkakaroon ng oportunidad ang ilan para makasama nang matagal ang kanilang mga minamahal.  

Pangalawa, kung naghahanap ka naman ng movie date ngayong Pasko, nagbukas na muli ang Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong December 25 tampok ang mga pelikulang lokal na kadalasang sumasalamin sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Ilan sa mga ito ay ang And the Breadwinner is…, Greenbones, Isang Himala, The Kingdom, Strange Frequencies: Taiwan Hospital, Univinted at marami pang iba. Mapapanood ang mga MMFF entries na ito sa mga sinehan. . Kaya kung may gusto kang panoorin, push mo na ‘yan. Dumayo na sa pinakamalapit na sinehan at manood na with yourself, love ones, or with your special someone kung mayroon!

At panghuli, ang paggamit ng mga dating apps. Sa darating na Pasko, ang paggamit ng dating apps ay maaaring maging isang magandang paraan upang makahanap ng kausap o potensyal na partner na maaaring makasama sa mga holiday festivities. Sa pamamagitan ng mga app na ito, maaari kang makipag-ugnayan sa mga tao na may parehong interes at hangarin na maaaring magdulot ng masayang karanasan sa panahon ng kapaskuhan. Huwag palampasin ang pagkakataon na makilala ang mga bagong tao at lumikha ng mga alaala na tiyak na mas lalong magpapaespesyal sa iyong holiday season!

Dahil sabi nga sa kanta ng Apo Hiking Society na “Tuloy Na Tuloy Pa Rin Ang Pasko,” tuloy pa rin dapat ang Pasko mo kahit wala pa ang iyong “the one” at ito’y magiging sapat na dahil sa pagmamahal ng mga taong nakapaligid sa iyo.

Swiping Left and Right 

Sa halip na magsindi ng Christmas lights at maghintay ng mistletoe kiss, mas nais na ng maraming Pilipino ang pagsindi ng kanilang notification sa mga dating apps tuwing holiday rush. 

Sa pananaliksik nga ng Statista, nakitang 40% ng mga Pilipino ang gumagamit ng dating apps. Para kasi sa ilan, ayaw nilang mag-isa sa malamig na panahon at masarap daw sa pakiramdam kapag may ka-cuddle weather. 

Sang-ayon dito si Michelle Miller, isang psychotherapist sa Manhattan Wellness. Ika niya, “weather really has a big impact on mood,” kung saan ang kagustuhan ng tao na magkaroon ng kasama ay mas tumitindi kapag malamig ang panahon.

Para sa iba, ang pag-swipe sa mga dating apps tuwing holiday rush ay parang raffle entry na swertehin ang magiging ka-date mo. Pero para sa marami, tumatama sila sa jackpot. 

Sa katunayan, 58% ng kababaihan at 73% na kalalakihan ay nahanap na ang kanilang “true love” sa mga online dating app. Hindi naman kataka-taka, lalo’t aminado naman ang marami: may magic sa pagkakaroon ng kasama tuwing Pasko dahil nagdudulot ito ng mas malalim at emosyonal na koneksyon. Ang mga tao ay naging mas bukas sa kanilang mga damdamin at ang sandaling pagtawa, pag-uusap at pag-alala sa mga nakaraang Pasko ay nagiging dahilan upang mas lumalim ang kanilang ugnayan.

Ngunit hindi laging tagumpay ang holiday rush sa relasyon. Bagamat ang lamig ng panahon ang nag-udyok sa mga tao na maghanap ng makakasama, ang mga relasyon na nabuo sa ilalim ng holiday rush ay maaaring mauwi sa post-holiday breakup, o ‘yong mga relasyon na nagsimula noong Disyembre pero natapos pagdating ng Pebrero.

Ayon sa isang ulat noong Agosto 2024, 57% ng mga Pinoy ang lnakararanas ng pag-iisa. Dahil dito, sila'y maaaring mas maghabol ng panandaliang koneksyon sa gitna ng Pasko para matabunan ang kanilang dinaramdam na pangungulila at kalungkutan.

Notifications on

Ngayong palapit na ang Pasko, ipaalala mo sa iyong sarili na walang mali sa pagdiriwang ng kapaskuhan nang mag-isa.  

Sa halip, hawakan mo nang mabuti ang kalayaang dala ng iyong pagiging single at samantalahin ang pagkakataong ito para sa sariling pagtuklas at personal na pag-unlad. 

Tandaan na ang pagkakaroon ng pag-ibig sa ibang tao ay dapat pinag-iisipan nang mabuti – hindi lang basta nadadala dahil "trip trip lang!” 

Sabi nga, pumasok ka sa isang relasyon dahil sa tunay na pagmamahal at hindi dahil sa pressure o takot na mapag-iwanan. Ang pag-ibig ay nakalatag para sa lahat, at madalas itong dumarating sa tamang panahon, lalo na kapag hindi mo na ito masyadong iniisip.

Sa huli, ang pinakamagandang regalo na maibibigay mo sa iyong sarili ay ang kasiyahan ng pagiging kuntento sa iyong sariling kumpanya.

Ngayong kapaskuhan, ipagdiwang ito nang may pagmamahal sa lahat ng anyo at aspeto ng buhay. Maaaring ito ay kasama ang pamilya, mga kaibigan, o kahit na iyong sarili. 

Kaya't ilagay ang iyong "Do Not Disturb," buksan ang mga notipikasyon para sa pagmamahal sa sarili at tamasahin ang mahika ng Pasko nang walang pressure ng isang romantikong relasyon!