Quentin Millora-Brown, rumesponde sa UAAP basketball finals; isa nalang kontra DLSU
Josel Mari Sapitan
Kapag kailangan ng pundasyon, Quentin Millora-Brown ang resbak para tapusin ang misyon.
Photo Courtesy of Rappler. |
Tangan ang haba’t lapad, ginulantang ng Unibersidad ng Pilipinas ang sensyonal na koponan ng De La Salle University (DLSU) nang kumamada ang Fighting Maroons big man Millora-Brown ng explosibong career-high 17 puntos upang isumite ang 73-65 panalo sa Game 1 ng UAAP men’s basketball best-of-three finals nitong Linggo, Disyembre 8, sa Mall of Asia Arena.
Sumegunda-mano ang 6-foot-10 center sa huling kwarter upang tapusin ang misyong makauna sa serye bitbit ang matatag na kumpyansa nang bumandera ng walong puntos mula sa nalikom na 17 markers dagdag pa ang solidong siyam na rebounds, tatlong assists, dalawang steals at isang block.
“It’s just a matter of stepping up. Anyone on our team can be a high scorer, anyone on our team can get all the points, get the assists, it’s just a matter of whose night is it going to be tonight,” ani’ya matapos maglatag ng impresibong resibo kontra defending champ.
Bagaman salat sa first half ang Diliman-based-squad matapos humataw ni MVP Kevin Quiambao ng kaliwa’t kanang tirada para panatilihing dikit panig ng DLSU ang kalamangan.
Pagpasok ng second half, binuhay ng presensya ni Millora-Brown ang ratsada ng Fighting Maroons plakado nang game-changing reverse layup upang silatin sa midway ng third quarter ang bentahe, 42-41.
Tuluyang binarikadahan ni QMB ang kartada sa opening frame ng huling yugto nang sumalpak ng two-handed jam with a foul upang manduhan ang opensa at ungusan sa double-digit lead ang Green Archers, 62-52, sa natitirang 6:42 ng laban.
Hindi naman naging madali para sa Maroons tanker ang trabaho sa painted-area, subalit nakipagsabayan pa rin ito sa Archers frontline duo KQ at Mike Philips.
“We knew it was going to be physical, we knew they (Green Archers) were going to crash [the boards] really hard. A lot of it falls to me to rebound, to box out those really heavy crashers like MP (Mike Phillips),” saad ni Millora-Brown.
“For me, I knew that was my role. Like box out, get rebounds, and then when it was time to score, the team asked that of me, and it was time to step up,” dagdag niya.
Sa huli, sinelyuhan ng UP ang unang tagumpay sa finale at banaag na baguhin ang istorya ngayong taon matapos kapusin noong Season 85 kontra Ateneo Blue Eagles at nakaraang taon sa naturang koponan na parehong umukit ng reserve sweep dahilan para manatiling ikalawa sa estante.
Sisikaping sungkitin ng UP Fighting Maroons ang titulo sa Game 2 at bawiin ang kampeonato sa DLSU Green Archers, ganap na 5:30 pm ng Miyerkules, Disyembre 11, sa Mall of Asia Arena.