Kumukutikutitap o kumukupas?: Pasko sa mata ng mga Gen Alpha
Ivan Howard Sumauang at Joshua Pasion
Setyembre pa lamang, nagpaparamdam na ang simoy ng Pasko sa Pilipinas, kung kaya't sinasabing sa buong mundo, tayong mga Pinoy raw ang may pinakamahabang pagdiriwang nito.
Hudyat na rin ito ng pag-alingawngaw ng mga tugtuging pamasko at pagkutitap ng mga maliliwanag na parol at Christmas lights. Ngunit sa panahon ngayon, nagagawa pa kayang damhin ng mga Generation Alpha (Gen Alpha) ang diwa ng taunang selebrasyon na ito?
Sa kaliwa’t kanang mga paraan upang ipagdiwang ang Kapaskuhan, bata man o matanda ay kaagapay sa makulay at maningning na pagdiriwang ng Pasko. Gayunpaman, habang lumilipas ang panahon, kaakibat din nito ang pagbabago ng konsepto kung paano ito ipinagdiriwang.
Para sa mga nasa Generation Alpha o ang henerasyong ipinanganak mula 2010 hanggang sa kasalukuyan, naging mahirap para sa kanila na umangkop sa mga tradisyon dulot na rin ng makabagong panahon at problema sa pag-akyat ng presyo ng mga pangangailangan.
Paskong ‘di na kay saya?
Nakakabit na sa buwan ng Disyembre ang selebrasyon ng Pasko bilang pagdiriwang sa kapanganakan ni Hesus. Para sa ilang mga Gen Alpha, ito rin ay nagbibigay ng oportunidad upang magsaya kasama ang pamilya.
Sa panayam kay Faith Velez, 12, ang kainan at pagbibigayan ng mga regalo kapiling ang kaniyang pamilya ang nagpapasaya at bumubuo ng kanyang Pasko.
Ngunit nang tanungin kung nagbago na nga ba para sa kaniya ang pasko, walang alinlangan siyang sumang-ayon dito.
"Nagbago ang excitement na nararamdaman ko. Noong bata ako, puro laro-laro lang ako kasama ang mga pinsan ko pero ngayong dalaga na ako, parang hindi ko na nararamdaman kasi marami na akong iniisip," saad niya.
Para naman kay Axl Ordillo, 10, paglalaro at pagkukwentuhang puno ng tawanan ang hindi niya malilimutang alaala ng mga Paskong nagdaan.
"Ang pinaka-miss kong gawin tuwing Pasko ay ang paglalaro kasama ang mga pinsan pagkatapos ng Noche Buena. Ang saya ng walang kapagurang tawanan at kwentuhan ay nagbibigay ng ‘di malilimutang alala," aniya.
Paskong ‘di na konektado
Naging bahagi na ng pagdiriwang ng Pasko para sa makabagong henerasyon ang teknolohiya. Para sa mga Gen Alpha, bagamat nagbigay ito ng bagong paraan upang magkaisa at magdiwang, ito rin ay nagdulot ng kalungkutan at pagkaulila para sa ilan.
Kasama si Kylee Javier, 11, sa mga batang hindi nakaligtas sa epekto ng pag-unlad ng teknolohiya. Ayon sa kaniya, malaki ang ambag na pasanin ng mga inobasyon sa mundo dahil hindi na niya nagagawa pa ang kaniyang mga nakasanayan noon upang ipagdiwang ang Kapaskuhan.
“Ngayon, mas naging modern na ang Christmas. Kung sa pamilya namin, wala namang nagbago kung paano kami mag-celebrate. Sa environment ko, oo, maraming nagbago. Pinapayagan naman akong makipag-carol, pero wala akong kasama. Iba ko kasing kaibigan ay busy na sila mag-cellphone, kaya nawawalan na rin ako ng gana, kaya nagce-cellphone na lang din ako,” sabi niya.
Sa Pilipinas, tinatayang nasa 77 milyong mga Filipino ang mayroong sariling smartphone, ayon sa ulat ng Statista. Naging kanlungan na rin ang mga talapindutang ito sa mas modernong paraan upang bigyang halaga ang Pasko — mula sa mas pinabilis na pagpapadala ng mga mensahe, pagbabahagi ng pera gamit ang mga e-wallets at video calls sa mga mahal sa buhay na nasa malalayong lugar.
Kasabay ng mga pagbabagong ito, ang marahan ding paglaho ng mga tradisyon na nagbibigay-init at saya sa Kapaskuhan dahil sa gadget na nakatutok ang karamihan. Isa lamang si Kylee sa mga saksi sa unti-unting pagkawala ng simpleng kasiyahan sa pangangaroling, paglalaro kasama ang mga kaibigan at iba pang gawain tuwing Pasko.
Ang hamon ng Pasko
Maliban sa umuusbong na teknolohiya, hamon din para sa mamamayan ngayon ang patuloy na pagtaas ng gastos sa pamumuhay dahilan upang mabago ang pagdiriwang.
Itinuturo na nang maaga sa Gen Alpha ang kahalagahan ng pag-iimpok at praktikalidad na siya ring dahilan ng pagkawala ng ilang mga nakasanayang tradisyon tuwing sumasapit ang Pasko.
Sa pamilya ni Axl, naging problema sa kanila ang paglobo ng presyo ng mga produkto sa pamilihan. Sa salaysay ng kaniyang nanay na si Karen, 40, sinisikap na nilang magtipid at gamitin nang wasto ang kanilang limitadong kita upang matugunan ang kanilang pangangailangan.
“Dati, ang Noche Buena ay isang malaking salo-salo kung saan nagtitipon ang buong pamilya para maghain ng maraming pagkain. Ngayon, dahil sa taas ng presyo ng pagkain, maraming pamilya ang nagbabalik loob sa simpleng hapunan na lang, o kaya sa amin ay nagpo-pool kami ng mga resources para lang matuloy ang salo-salo,” wika niya.
Sa pinakahuling datos ng Social Weather Stations (SWS), ang bilang ng mga matatandang Pilipino na umaasang magiging masaya ang Pasko ay bumaba sa 65% mula sa 73% nitong nakaraang taon. Kaugnay sa mga dahilan nito ay ang pag-akyat ng implasyon na siya namang pinalubha ng mga matitinding bagyo na sumalakay sa bansa nitong mga nagdaang buwan.
Bago pa man sumapit ang Kapaskuhan, anim na magkakasunod na bagyo ang tumama sa Pilipinas sa mga nakalipas na buwan kung saan tatlo sa mga ito ay naging Super Typhoon. Sa situation report ng WFP Philippines, tinatayang mahigit 15 milyong tao ang naapektuhan at halos 600,000 ang nawalan ng tirahan bunsod ng malakas na pagbaha, pagguho ng lupa at storm surges.
Pagsulong ng mga tradisyon
Pilit pa rin namang binubuhay ng ilang mga Filipino ang mga nakagawian tuwing dumarating ang araw ng kapanganakan ni Kristo. Ginagawa nila ito upang kumutitap at bumusilak pa rin sa bawat piling ng masa ang tunay na diwa ng selebrasyong ito — ang pagpapatuloy sa mga pamana at pagbuhay sa tunay na diwa ng Pasko.
Sa tahanan nina Axl, hindi pa rin naman namamatay ang mga nakasanayan nilang paraan ng pagdiriwang. Ayon kay Axl, hindi nasusukat ang kapaskuhan sa rami ng handa o sa halaga ng mga regalo bagkus sa mga tradisyong tulad ng pagsasalo-salo at pagbibigayan na siyang nagpapaalala sa kaniya ng pagkakaisa at pagmamahalan.
“Para po sa akin, ang diwa ng Pasko ay ang pagbibigayan, pagmamahalan at pagpapatawad. Napapasaya po ako ng Kapaskuhan dahil sa mainit na pagsasama-sama ng pamilya at ang saya ng pagbibigayan,” wika niya.
Sa kanilang pamilya, hindi nila pinalilipas ang mga sandaling tulad ng Simbang Gabi, Noche Buena, pangangaroling, pagtanggap ng mga regalo at simpleng paglalagay ng mga palamuti sa kanilang tahanan. Sa paraang ito, nabibigyang liwanag sa mga mata ng bata kung ano dapat ang itinuturing bilang kayamanan sa panahon ng Kapaskuhan.
Bagamat nagbago man ang Pasko para kina Faith, Axl at Kylee, hinihiling din nila na sa mga susunod na pagkakataong ipagdiwang nilang muli ito, manumbalik ang dating sigla ng Pasko.
"Hopeful pa rin ako na bumalik 'yong dating Pasko kung saan masaya lang at hindi masyadong prinoproblema ang paligid," ani Faith.
Sa kabila ng mabilis na pag-usbong ng makabagong teknolohiya, nananatiling buhay at mahalaga sa mata ng mga Gen Alpha ang diwa ng Pasko na nasusukat sa pagmamahal, pagpapatawad at pagbibigayan.
Sa patuloy na hamon ng panahon, nawa’y manatili pa rin sa ating kultura ang kinang at pagkutitap ng mga kinagisnang paraan ng pagpapahayag ng kasiyahan at pagdiriwang sa kapanganakan ni Hesus.
Unti-unti man tayong pinaglalayo ng teknolohiya at iba pang mga pagbabago rito sa mundo, manatili sana tayong magkakabuklod at patuloy na magbigay ng saya hindi lamang sa ating mga mahal sa buhay kundi pati na rin sa ating kapwa.