Habag-kainan: Malinamnam ba talaga ang sumbatan at bangayan tuwing family reunion?
Shean Jeryza Alibin, Jairuz Lyron Sabala at Maricris Tulagan
Ang tahanan ay hindi lamang lugar na inuuwian, ito ay isang pahingahang laging binabalik-balikan — isang lugar kung saan nagwawakas ang ingay ng mundo at nagsisimula ang katahimikan ng puso.
Ang salitang "tahanan" ay hindi lamang tumutukoy sa isang pisikal na lugar; ito ay sumasalamin sa isang mas malalim na kahulugan — isang pahingahan kung saan hinahanap natin ang aliw sa gitna ng magulong mundo.
Higit pa sa bahay ang tahanan. Sapagkat sa lugar na ito nabibigyang pahinga ang pagod na puso’t katauhan mula sa maingay na mundo. Ito ang espasyo kung saan natutuyo ang mga luhang pilit nating itinatago.
Higit sa lahat, nawawala ang bigat ng ating pagod at natatanggal ang ingay ng mga alalahanin.
Naipakita rin sa pelikulang Hello, Love, Goodbye, ang isa pang konsepto ng tahanan, sa tagpo kung saan pinili ni Joy si Ethan bilang kaniyang "tahanan" — isang taong nagbigay sa kaniya ng kapahingahan sa kabila ng mga unos ng buhay.
Ang tahanan, sa ganitong diwa, ay hindi lamang isang lugar; ito rin ay maaaring maging isang tao o grupo ng mga tao na nagbibigay ng katiwasayan at kaligayahan.
Sa hapag ng pamilyang Filipino
Sa kulturang Filipino, ang pamilya ang itinuturing na pangunahing tahanan. Sa kabila ng mabilis at nakapapagod at paulit-ulit na siklo sa araw-araw — mula sa pag-aaral, trabaho at paghabol sa mga deadlines — ang tahanan ang ating kanlungan, kung saan nagkakaroon ng pagkakataon ang bawat miyembro ng pamilya na kumain nang sama-sama, magkuwentuhan at magpahinga sa piling ng isa’t isa.
Hindi na bago sa bawat isa sa atin ang konsepto ng pagsasalo-salo kung saan sa hapag-kainan nagiging buhay ang konsepto ng tahanan — sa mga okasyong gaya ng Pasko, Bagong Taon, pista, o kahit simpleng kaarawan. Sa ganitong mga pagkakataon masisilayan ang totoong diwa ng tahanan habang masayang kumakain ang buong pamilya, nagtatawanan at nagbabahagi ang bawat isa ng kani-kanilang mga kwento.
Ngunit sa kabila ng masaya at makulay na eksenang ito, tunay nga bang ang salo-salo ay isang lubid na nagpapatibay at nagbubuklod sa bawat miyembro ng pamilya? O isa lamang itong pagbabalat-kayo na tumatakip sa mga nakatagong tensyon at hidwaan na nananatili at hindi pa tuluyang naaayos?
Sa gitna ng mga komento tungkol sa hitsura, pagkukumpara ng tagumpay, agawan ng lupa at iba pang hindi sinasadyang alitan, paano nga ba nito naaapektuhan ang ugnayan ng pamilya?
Paghahambing bilang porma ng paglalambing
“Tumataba ka na! Dapat magpapayat ka.”
“Wala ka pa bang trabaho? Buti pa si ano…”
“Matanda ka na, ba’t wala ka pa ring asawa?”
Ito ang kadalasang marinig ng mga mas nakababata sa tuwing makakausap ang nakatatanda nilang kamag-anak. Kung hindi ang pagbato ng samu’t-saring mga personal na tanong o ‘di kaya pagpuna sa itsura at pananamit, paghahambing naman sa mas ‘magagaling’ o ‘matagumpay’ na mga pinsan at anak ang matatanggap.
Kadalasang hindi sinasadya at walang halong malisya ang ganitong mga komento at maaaring buhat lamang ng pagkakaiba sa pag-iisip at paniniwala ng bawat henerasyon. Ngunit ang mga ito ay pwedeng magdulot ng tensyon sa pagitan ng mga kamag-anak at gawing nakaiilang ang dapat sana’y masayang usapan.
Gayunpaman, ang mga ito ay maaaring magbigay o magpalala pa ng mga insecurity at magdagdag ng pressure na umayon sa kung ano ang “tama” o “mas nakabubuti,” tulad ng pananamit nang “mas maayos” o pagkamit din sa nakamit na iba.
Sa kabila ng lahat ng mga ito, nakakayanan pa ring magsama-sama ng mga pamilyang Pilipino. Mula sa pagbahagi ng mga karanasan o magagandang aral, pagsasama-sama sa hapag na puno ng mainit-init pang kanin at ulam, hanggang sa simpleng tawanan at kuwentuhan, hindi basta-bastang nasisira ang relasyon ng mga magkakapamilya dahil sa ‘family-centric culture’ na umiiral sa ating mga Filipino. Kalakip na rin dito ang ugali ng pagtitiis sa mga mas nakababata bilang paggalang sa mga nakatatanda at para sa pagpapanatili ng kapayapaan sa pamilya.
Hapag-kainan na may upuan para sa pagkakaunawaan
Sa tensyong namuo sa likod ng bawat nakasasakit na komento at hindi kaaya-ayang interaksyon sa isa’t isa, patuloy na bumabasag sa matatag sanang pagsasamahan ng isang mag-anak at tumatapos sa pagmamahalan na napapalitan ng pagbabangayan, ‘di pagkakaunawaan at hidwaan.
Subalit, tulad ng mga sugat na minsan na tayong pinaluha, laging may puwang ang paghilom. Sa paglipas ng panahon, mahalaga ang pagtanggap sa pagbabago — tulad ng mga bagong pananaw at paniniwala. Pagpapakumbaba at pagtanggap ng pagkakamali ay magsisilbing susi upang malutas ang awat problemang umusbong.
Mas malinamnam ang salo-salo kung ang hapag ay pinalilibutan ng mga taong handang makinig sa iba, marunong umintindi, may bibig na hindi basta naglalabas ng mga salita at may pusong marunong rumespeto sa sino man — walang edad o estado sa buhay ang nangingibabaw, lahat ay pantay at itinuturing na kapamilya.
Panahon na upang kumawala sa mga makalumang paniniwala na pinipigilan lamang ang mga kaisipang maging kabahagi ng isang samahang bukas sa pagtanggap.
Sa bawat pagtitipon ng pamilya, upang maging masaya ang bawat isa, mahalaga na komportable sila at nararamdaman ang kanilang pagiging kabahagi. Tandaan na hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangang magbigay ng komento sa kung anong nakikita ng mga mata, sapagkat ang mga salita ay makapangyarihan — kayang makasakit nang lubusan at kumitil ng isang relasyong matagal na pinangalagaan.
Mainam na may pag-unawa ang lahat sa konseptong ang bawat katawan ay maganda at mahalaga. Binibigyang laya rin ang bawat isa na magpahayag ng kanilang natatanging kasarian. Walang sapilitan sa pagpili ng nobyo, kung ano mang propesyong gustong pasukin, o kung gugustuhin ba niyang ikasal. Walang lupa ang pag-aagawan sa pamilyang bukas sa pantay na paghahati. Maglalagablab ang pagmamahalan kung isasantabi ang pagkamakasarili at magbigay daan sa pagpapakumbaba. Muli, tunay na magiging masarap ang salo-salo kung ang pangunahing sangkap ng bawat putahe ay ang matatag na samahan ng isang pamilya.
Abala sa trabaho, tutok sa pag-aaral, at malayo ang distansya, tanging ang mga pagtitipon sa mga okasyon ang nagiging daan upang muling makapagsama-sama ang bawat pamilya na binubuo ng isang tao na may sari-sariling buhay. Hindi lamang basta okasyon ang nagpapaespesyal sa isang reunion, kundi ang bawat pinagsasaluhang tawanan, kwentuhan at samahan.
Hindi maikakaila na mayroong mga pagkakataon na nagkaroroon ng pagbabangayan at hindi pagkakaunawaan, mayroong nakasasakit at may nasasaktan. Subalit sa huli, ang pagmamahalan pa rin ang mananaig. Muling tatatag ang pundasyon ng tahanang yumayakap sa puso ng pamilya basta’t handa at bukas ang isipan, lalo na sa mga bagay na ikabubuti ng lahat.
Magkakaiba man sa iba’t ibang paraan, ang pamilya ay pinag-iisa ng pagmamahalan at pagkakaunawaan. Hindi dapat poot ang bumabakas sa bawat pagtitipon, kundi ang tunay na kagalakang dulot ng mainit na yakap ng pagtanggap. Hindi lamang basta sa dugo’t laman nananalaytay ang koneksyon ng isang pamilya, sapagkat sumisibol ito sa malasakit, respeto at hindi matitinag na pagkakaisa.