Paul Bryan Bio at Nadine Rebekah Angelique Fandialan 

Hindi mainit sa Luneta noong araw ng mga puso — 

Makulimlim, pumapatak ang ulan, na para bang dinidiligan nang malumanay ang mga rosas at bouquet na inilalako sa paligid. 


Matumal ang pagdating ng mga mag-jowa, may mga magka-holding hands naman ngunit kadalasa’y matatanda o ‘di naman kaya’y medyo may edad na. Kung titingnan nga ang paligid, masasabing mas marami pa ang mga nagbebenta ng bulaklak at sorbetes kaysa sa mga magkasintahan. Kung sakali, may pasok naman kasi. Malamang, nasa kani-kanilang pamantasan ang mga kabataang masaya sa kanilang love life. 

‘Di kalayuan sa tarangkahan ng Luneta, ang kumpol ng mga photographer o maniniyot — naka-vest na orange, asul sa iba — ay may nakasabit na camera sa leeg. Pagala-gala sila sa Luneta, hindi bilang mga turista kundi upang sipatin sa kanilang lente ang mga anggulong magandang pagkunan ng larawan. May mga ibang naglalakad o tumatakbo, at may ilang nakabisikleta. May iba namang abala na sa pag-print ng mga kuhang larawan, habang mayroon din namang wala pang buena mano.

Isa sa kanila si Tatay Harlem, 67 taong gulang, na dumating sa Luneta noong araw na iyon bandang alas-dyis ng umaga habang tulak ang bisikletang kasing tanda lamang ng kanyang camera. Halos apat na dekada ng photographer sa Luneta si tatay Harlem, ito na rin ang propesyong kanyang niyakap kasabay ng pagtanda. Bago pa man mapadpad dito sa Luneta, dati na siyang pumipitik sa mga paaralan tuwing graduation. 

Kung tatanungin si tatay Harlem, hindi madali ang maging isang photographer. Nakadepende kasi sa swerte ang dami ng maiuuwing kita. Kapag dinapuan ng swerte, masagana ang pitaka at ang hapag ng pamilya, kung hindi, wala ring sapat na maihahain sa mesa. Dagdag pa niya, wala rin masyadong epekto sa ganitong hanapbuhay ang mga espesyal na okasyong kagaya ng Araw ng mga Puso o maging ang Pasko sa kanilang kita. 

“May mga araw na malakas [ang kita], may mga araw na matumal. Parang [kapag] naglalako ka lang din ng paninda,” saad niya sa panayam. 

Ambag sa alaala

Higit pa sa hanapbuhay kung ituring ni tatay Harlem ang pagiging maniniyot. Sa kabila kasi ng hindi permanenteng kita, patuloy pa rin siya sa kanyang gawain dahil na rin sa pagmamahal niya sa larangang ito. Ayon sa kanya, ito rin kasi ang kanyang hilig. 

“Nag-e-enjoy ako. Hilig ko ‘to, eh,” aniya. 

Malaki ang ambag ng mga kagaya ni tatay Harlem hindi lamang sa turismo ng bansa kundi pati na rin sa pagpreserba ng mga alaala para sa mga turistang dumadayo sa Luneta. Sa halagang 50-100 php kada kuha, magkakaroon na ng printed na kopya ng kanilang larawan ang mga bumibisita rito. Nagbibigay ito ng permanenteng mga alaala, na kung ikukumpara sa mga kuha sa cellphone, hindi ito maaaring mabura. 

“Para sa’kin ah, kadalasan natutuwa, nagpapasalamat. Hindi ko lang alam sa iba,” wika ni tatay Harlem nang tanungin kung ano ang kadalasang reaksyon ng mga kinukunan niya. 

Liban sa mga alaala, nakatutulong din ang mga photographer na kagaya ni tatay Harlem na panatilihin na buhay ang kultura at turismo ng bansa sa pamamagitan ng mga kuhang larawan. Gamit ang kanilang lente, nasisigurong kahit sa larawan, makikita pa ng mga susunod na henerasyon ang ganda ng mga makasaysayang lugar katulad ng Luneta. 

Pumapanaw na sining?
 
Bagama’t may mga araw na mahina ang kita, hindi naman tuluyang matumal ang hanapbuhay ng mga photographer kagaya ni tatay Harlem sa Luneta. May mga pagkakataong kakaunti lang ang nagpapakuha, lalo na kung hindi peak season, o kaya naman kapag tag-ulan at wala gaanong namamasyal. Pero may mga araw din na sunod-sunod ang customers.

Ngunit hindi lahat ng photographer sa Luneta ay ramdam ang matinding epekto ng digital age. Para kay tatay Harlem, tuloy pa rin ang daloy ng mga customer at hindi naman bumaba ang kanyang kita. Araw-araw, may mga turistang nagpapakuha pa rin ng litrato bilang souvenir kung kaya't hindi niya nakikitang nalulugi siya. 

“Gano’n pa rin naman…walang pinagbago,” saad niya. 

Bagama’t mas madali nang kumuha ng litrato gamit ang smartphones, nananatili pa rin ang interes ng ilan sa tradisyunal na printed photos na inaalok nila.

Kahinaan ng pitik

Sa panahon ng smartphones, maraming benepisyo ang digital photography sa pagiging madali, mura at aksesable. Ngunit para sa mga tradisyunal na photographer, ito rin ang dahilan kung bakit unti-unti silang nawawala.

Bukod sa pagbaba ng demand, nagiging mas mahirap din ang kompetisyon. Marami nang nag-aalok ng instant photo printing gamit ang portable printers na konektado sa smartphones. Mas mabilis at mas mura para sa mga turista.

Dahil dito hindi maikakaila na malaki ang naging epekto ng teknolohiya sa industriyang ito. Ngayon, kayang-kaya nang kumuha ng malinaw na litrato gamit ang smartphones at may mga portable printer na rin para sa instant hard copies. Ang dating matagal na paghihintay para sa mga litrato ka kadalasa'y inaabot ng ilang oras, araw, o linggo, ay ngayo’y napakadali na lamang i-print.

Sa mata ng mga customer

Marami pa rin ang masasabing nagpapakuha sa mga photographer ng Luneta na karamihan ay para sa sentimental value. Sa halagang singkwenta pesos kada kuha, dalawang kopya ang kanilang matatanggap — na naka-print sa murang photo paper. Para sa ilang turista, hindi man ito kasing ganda ng high-quality prints, may kakaibang charm pa rin ang pagkakaroon ng aktwal na larawan na puwedeng itago bilang alaala.

“For memories din,” ani Bea, isang customer sa Luneta.

Ngunit sa panahon ng smartphones at cloud storage, aminado ang karamihan na mas gusto pa rin nilang magkaroon ng digital copies ng kanilang mga litrato. Mas madali itong dalhin, tingnan at i-share sa social media — isang bagay na hindi malawakang naibibigay ng tradisyunal na printed photos. May iba ring nagsasabi na mas maganda pa minsan ang kalidad ng mga digital copies ng kanilang larawan. 

Sa kabila ng mga positibong aspeto ng traditional photography, may ilang customers din na nakaranas ng hindi kaaya-ayang diskarte ng ilang photographer. Ayon sa ilan pang nakapanayam na customer, may ilang photographer na gumagamit ng diskarte kung saan kukuha sila ng mas maraming litrato kaysa sa napagusapan — at kapag na-print na, mahirap nang tumanggi dahil nakahihiya.

Ani pa ng isa sa kanila, “minsan, hindi mo pa napapansin, tapos na silang kumuha ng tatlong picture, minsan ginagawang apat. Syempre, hindi mo na pwedeng hindi bayaran kasi na-print na.” 

Bukod dito, may mga pagkakataon ding may ginagawa pang iba ang photographers nang wala sa usapan — tulad ng pagpi-print nang mas malaking kopya ng litrato o paggawa ng extra prints at saka pilit na ibinebenta sa customer na minsan, nagreresulta sa mas mataas na presyo nito. 

“Medyo nakakainis din minsan kasi bigla ka na lang sasabihan na, ‘Sir, pinagawa ko na nang mas malaking size, mas maganda ‘to.’ Eh hindi mo naman hiningi,” saad ng isang customer na hiniling na itago ang kanyang pangalan. 

Para sa ilang turista, hindi ito magandang karanasan, ngunit para sa iba, parte lang ito ng diskarte ng mga photographer na pilit na lumalaban sa pagbabago ng panahon.

Pitik ng mga alaala

Ang tradisyunal na photography sa Luneta ay maituturing bilang isang dying art — pero isa itong sining na may malalim na papel sa ating kultura at turismo. Malaking bahagi ito ng kasaysayan ng lugar at sa loob ng maraming dekada, ito ang naging paraan para sa mga turista na mag-uwi ng permanenteng alaala ng kanilang pagbisita.

Hindi maikakaila na may mga negatibong aspeto katulad ng mga diskarteng minsan ay hindi kaaya-aya para sa ilan at ang hindi maiiwasang pagbaba ng kalidad ng serbisyo dahil sa murang printing materials. Pero sa kabila ng lahat, mahalaga pa rin ang kanilang papel sa pagbibigay ng isang bagay na hindi kayang tumbasan ng digital photography — ang isang pisikal na piraso ng alaala na pwedeng itago at balik-balikan.

Gayunpaman, kahit pa patuloy silang lumalaban, hindi maitatangging malaking hamon ang hinaharap ng mga maniniyot ng Luneta. Sa bilis ng pag-usbong ng teknolohiya, mas madali na para sa mga turista na kumuha ng sarili nilang litrato na di maikakailang libre, madami at madaling i-edit gamit ang maraming filter bago mailathala sa kani-kanilang social media.

Sa kabila ng mga hamon, hindi pa rin tuluyang sumusuko ang ilang photographer tulad ni tatay Harlem. Patuloy silang lumalaban para sa halaga ng printed photographs sa kasalukuyang panahon. Para kay tatay Harlem, hindi tuluyang mamamatay ang traditional photography dahil kagaya ng Luneta, bahagi rin ng kasaysayan ang kanyang camera at mga kuhang larawan.

Habang hindi pa tuluyang naglalaho ang mga maniniyot ng Luneta, marahil ay panahon nang kilalanin ang kanilang ambag, hindi lamang sa turismo, kundi sa sining at alaala ng mga Pilipino. Sa bawat kuha ng kanilang lente, hindi lang nila napapanatili ang isang imahe, kundi pati na rin ang kwento ng isang panahong unti-unting nasasapawan ng digital age.