Walang echos, pero sino ba talaga ang tunay na eabab?
Justin James Albia
Ipinagdiriwang tuwing Marso ang Women's Month bilang pagkilala sa ambag ng kababaihan sa lipunan. Higit pa sa selebrasyon, ito’y anyo din ng pagpapatuloy ng kanilang laban upang itaguyod ang mga panawagan para sa gender equality. Pagkakataon din ito upang palakasin ang boses ng lahat ng babae — cisgender man o trans, sa pagtataguyod ng isang makatarungan at inklusibong mundo.
Ngunit taon-taon, laging nasa diskusyon kung sino nga ba ang dapat na kasama sa selebrasyong ito at kung may puwang nga ba ang mga transwomen sa pagdiriwang ng buwan ng mga kababaihan.
Sana all kasali?
Nagsimula ang kontrobersiya nang magbahagi sa Tiktok ang transwoman na si Jaime Casino ng mensaheng, "don't forget to also greet your trans friends ‘Happy Women's Month’ tomorrow." Isang simpleng paalala lamang sana ito ngunit hindi pinalampas ng ilang transwomen at cisgender women na naniniwalang ang Women's Month ay eksklusibo lamang dapat para sa mga cisgender women o mga babaeng ang kasarian sa kanilang pagkakakilanlan ay tugma sa kanilang itinakdang kasarian nang ipanganak.
Isa sa mga tumutol sa ideyang ito ay si Stephanie Sherlock Skier, isa rin sa mga transwoman na nagbahagi ng kanyang opinyon sa Tiktok. Ayon sa kanya, hindi dapat makisali ang mga kagaya niya sa Women's Month dahil mayroon naman silang sariling pagdiriwang gaya ng Pride Month at Transgender Awareness Week. Sa kanyang pananaw, mas makatarungan na ipaubaya ang buwang ito sa "tunay na babae," dahil sila ang higit na dumaranas ng diskriminasyon at pang-aapi sa kasaysayan.
Uterus check
Isa sa mga pangunahing argumento laban sa pagsama ng mga transwomen sa Women's Month ay ang pisikal na pagkakaiba nila sa cisgender women. May nagsasabing hindi sila tunay na babae dahil hindi sila dumaan sa regla, pagbubuntis, o panganganak.
Ngunit kung ang pagiging babae ay ibabatay lamang sa kakayahang manganak, tila ba ipinagkakait natin ang pagkababae ng mga may Polycystic Ovary Syndrome. Isa itong sakit na kung saan hindi maaaring magluwal ng sanggol ang babaeng may ganitong karamdaman. Gayundin, may mga babaeng sumasailalim sa hysterectomy o pagtanggal ng kanilang matris dahil sa mga kondisyong medikal. Hindi nasusukat sa pagkakaroon ng reproductive organs ang pagiging babae, kundi sa kanilang identidad, karanasan, at paninindigan bilang kababaihan.
Ang ganitong pananaw ay hindi lamang makaluma kundi nagpapaliit din sa kahulugan ng pagiging babae. Dahil ang pagkababae ay hindi lamang natutukoy sa kakayahang manganak kundi sa identidad, karanasan at paninindigan.
She’s a woman, deal with it
Sa gitna ng usapin kung dapat bang isama ang transwomen sa Women's Month, may mga nagsasabing “hindi na ito simpleng isyu ng gender equality kundi gender domination.”
Para sa ilan, ang Women's Month ay dapat manatiling espasyo ng cisgender women, lalo na't sila ang dumaranas ng partikular na mga isyu kagaya ng reproductive rights at maternal health. Ngunit para sa iba, hindi nababawasan ang pagkilala sa cis women sa pagsama ng transwomen. Bagkus, mas lumalawak ang laban para sa lahat ng babaeng nakararanas ng pang-aapi.
Sa halip na maghati-hati sa espasyo, mas magiging makapangyarihan kung pagsasamahin ang tinig ng lahat ng kababaihan laban sa patriyarka. Kung Women's Month ang pinaglalaban natin, dapat nating itanong: para ba ito sa lahat ng babae, o para lang sa mga pasok sa iisang pamantayan?
Gender equality o gender domination?
Hindi lamang tumutukoy sa menstruation o pagbubuntis ang Women's Month. Saklaw rin nito ang mga karapatan ng bawat babaeng mabuhay nang malaya, ligtas at may pantay na oportunidad sa lipunan.
Katulad ng cisgender women, ang transwomen ay nakararanas din ng diskriminasyon, harassment at gender-based violence. Marami sa kanila ang hindi tinatanggap ng pamilya, nahihirapang makahanap ng trabaho at patuloy na kinukuwestiyon ang kanilang pagkatao. Ang mga suliraning ito ay hindi nalalayo sa mga isyung kinahaharap ng cisgender women — pang-aabuso, gender pay gap at patriarchy.
Sa huli, hindi Women's Month ang tunay na isyu rito, kundi ang sistemang patuloy na nagpapahirap sa kababaihan — cisgender man o trans. Ang dahilan kung bakit may Women's Month, Pride Month at iba pang pagdiriwang ay dahil hanggang ngayon, hindi pa rin pantay ang trato sa lahat.
Ang tunay na diwa ng Women's Month ay pagkilala, pagkakapantay-pantay at pakikiisa. Ang transwomen ay bahagi ng kababaihan at walang sinuman ang may karapatang itakwil sila mula sa isang selebrasyong sumasalamin sa laban para sa kanilang pagkatao at karapatan.
Sa dulo ng lahat, hindi natin trabaho ang magdikta kung sino ba dapat ang tawaging babae. Ang bawat isa ay may karapatang ipahayag at isabuhay ang kanilang tunay na sarili.
Kung para sa kanila ay babae sila, sino ba tayo para sabihing hindi?